Friday, April 28, 2006

Update

Bukas eh reunion namin ng mga kaklase ko nung high school. Excited ako kasi, matapos ang sampung taon, magkikita na ulit kami. May swimming din daw na involved kaya malaki ang posibilidad na isuot ko ang aking red trunks.

Sakto!

Masusubukan ko na kung akma sa akin ang gagamitin kong trunks, pag lumaban na ko sa Mossimo Body Competition sa Boracay. Matindi pa naman ang preparasyon ko para sa kompetisyon na yun. Malakas talaga ang kutob ko na mananalo ko dun kahit siguro second place lang. Kung abs sa abs lang kasi ang pag-uusapan, meron ako nun ultimo sa mukha. San ka pa?!?

Kahapon eh tumugtog ako kasama ang aking mga kabanda. Tagal na din namin hindi nagprapractice kaya masarap ang pakiramdam. Natuklasan ko na marunong pa din naman pala ko mag-gitara. At, ahemmm, natuwa sa min yung may-ari ng studio. Inimbitahan kaming tumugtog sa mayrics. Set daw nya yung date after ng renovation nun. Pumayag naman kami siyempre. Sana nga matuloy. Pag nagkataon, tiyak na mapupuno na naman ang gig namin, sa dami ng mga taong babayaran namin para magpunta.

Start na nga pala ulit ako ng pagtuturo. Medyo nagdadalawang isip na nga ako kung kaya ko pa ba. Medyo pagod na kasi ko pagdating ko sa school. Ang tingin ko tuloy sa mga estudyante eh mga nagsasalitang unan. Pag nagsasalita sila eh para kong pinaghehele. Pero siyempre, ang obligasyon ay obligasyon. Kumbakit naman kasi kinain pa ni Adan yung mansanas eh. Sana hindi na ko nagtratrabaho ngayon at sitting pretty na lang sa Eden.

Sa Tondo na ako tumutuloy ngayon. Kaya malamang eh mapapadalas na naman ang pakikipag-usap ko sa Red Horse.

Abangan....


Monday, April 24, 2006

Comeuppance

May virus ang Laptop ko!

Isa akong masugid na supporter ng Intellectual Property Law. Kaya naman lahat ng nilalagay ko na software dito sa aking Laptop ay talaga namang original. Lahat ng nandito ay galing sa Quiapo at binili ko sa halagang P70.00. Sabi ng muslim na binibilhan ko doon, original daw ang mga software na binibili ko sa kanya. Mura lang talaga siya magbenta dahil, bukod sa close sila ni Bill Gates, gusto niyang tumulong.

Dahil lahat nga ito ay original, nagtaka ko noong isang linggo kung bakit bigla na lang nag-expire ang Norton ko. Mga 2000+ days pa kasi ang remaining subscription ko dapat doon pero bigla na lang siyang nag-lock last week. Bigla na lang nag-message na kailangan ko raw i-activate chuva. Kailangan nya daw ng bagong serial. At dahil malamang ay wala na sa Quiapo ang pinagbilhan ko, naisipan kong maghanap na lang ng serial sa internet. Hindi naman kako masama yun lalo pa at original naman ang software ko.

Kakahanap ko sa google, meron akong nakita na norton keygen. Yun na kako ang hinahanap ko. Siyempre, dahil mahirap magtiwala sa mga files na galing sa internet, dinownload ko agad at in-execute.

Viola!

Bigla na lang may mga lumalabas na bold sa aking desktop. Bukod dun, bumagal ng todo ang aking internet connection. Gumanda din ang performance ng Word. Kasi, sampu na ang salitang nasusulat ko, isa pa lang ang lumalabas.

Grabe!

Ito ba ang napapala ko sa pagbili ng mga original na sotwares!?! Ang lumalabas pa yata eh ako ang may kasalanan sa pagsunod ko sa batas! Kung alam ko lang na ganito eh di sana puro pirated na lang binibili ko. Tsk! Tsk! Minsan talaga ay mahirap ang maging masyadong masunurin.

Susubukan kong ayusin itong laptop, miski ang kabisado ko lang tlaga dito eh kung pano magshutdown. Gamit ang kaalaman ko sa iba't-ibang kumplikadong program, tulad ng wordstar at lotus123, tatangkain ko kung kaya pa ba itong maayos. Kundi na - FORMAT!

Tuesday, April 18, 2006

Pagmamahalan

Sa mga hindi nakakaalam, isa sa kasama ko dito sa opisina eh barkada ko simula pa noong high school. At dahil nga barkada ko siya, mahal ko siya. At sa tingin ko naman eh mahal nya din ako.

Ng malaman nya ang tungkol sa blog, nag-suggest siya na gumawa daw kami ng blog na maglalaman ng pagmamahal namin sa isa't isa. Natuloy naman namin ang konsepto namin na yun. Yun nga lang, hindi na namin na-update.

Kung sino man ang may kaibigang matalik, inaanyayahan ko kayo na click ito.

Tiyak na makakarelate kayo dyan....

Bakasyon Engrande

Napakahaba ng bakasyon noong semana santa. Wednesday pa lang eh wala na kaming pasok. At kagaya ng iba pang ngayon lang ulit makakaranas ng mahabang pahinga, siyempre super excited ako. Napakarami naming plano ng mga kaibigan ko kung saan pupunta at magbabakasyon. Puno nga ang schedule ko para sa semana santa....

Thurs to Friday - Batanggas
Friday to Sunday - Baguio at Sagada

Ang saya talaga! Swimming sa Batanggas tapos eh palamig ng konti sa Baguio at Sagada. San ka pa?! Kaya wednesday pa lang eh preparado na ko. Nagpaalam na rin ako sa bahay para kako hindi na nila ko hanapin.

Pero dahil meron tlagang mga pangyayari na hindi mo aasahan, nagkaroon kami ng change of plans. Ang nangyari tuloy eh nabago ang schedule ko. Ang nangyari eh....

Thurs to Friday - Bahay
Friday to Sunday - Bahay (Noong Sunday eh office)


Habang naglilibot sa Pinas ang mga bakasyonista. Ako naman eh naglilibot sa bahay namin. Kahit anong libot ko, wala talaga akong makitang swimming pool sa amin kaya nde ako nakapag-swimming. Hindi din ako nakapagpalamig dahil wala naman kaming aircon. Suma tutal, ang nangyari sa aking "bakasyon" ay - wala.

Wala akong ginawa kundi manood ng DVD at maglaro sa PC. Ilang ulit ko pinanood ang Batman Begins, Sassy Girl, Windstruck, at saka Spiderman. Sobrang kabisado ko na nga yata ang mga pelikulang yun sa sobrang ulit ko. Napagpalit ko na nga sila - Spiderman Begins, Sassy Struck, saka Windgirl. Iba talaga ang nadudulot ng sobrang pagkabagot.

Hay....sayang na bakasyon.