Tuesday, August 28, 2012

Subok Matira Game

Alas nuwebe kanina, gusto ko na matulog. Noong nararamdaman ko na na parang inaantok na ako, humiga na ako. Kaso, lumipas ang dalawang oras, kahit anong pikit ko sa mata ko, hindi ko masara ang diwa ko. Ganoon talaga minsan ang utak - uutusan kang patayin ang ilaw, humiga sa kama, para lang dalhin ka sa isang sulok ng kuwarto mo; at sa sulok ng kuwarto mo na iyon, habang nag-iisa, mapipilitan kang mag-isip.  

Higit sa isang bilyong kurap ng mata na ang nakakaraan, dalamhati ang sumasalubong sa akin sa mga ganitong pagkakataon. Kagaya ng simula ng letra ng kanta ng kanta na madalas kong marinig kapag linggo ng umaga, parang kailan lang noong ginugugol ko ang panahong kagaya nito sa pag-iisip kung bakit ako nag-iisa. Nakatutuwang malaman na ang "parang kailan lang" na iyon ay parang kailan na lang talaga. Hindi na ako niyayakap ng kalungkutan sa gabi. Kagaya noon, wala pa rin naman akong kasama ngayon. Wala akong kasama, pero hindi na ako nag-iisa. 

Hindi ko kayang ibigay ang buong detalye ng dahilan ng pagbabagong ito sa buhay ko. Kung gagawin ko iyon, tinitiyak ko na aabutan ako ng antok. Kanina niya pa ako hinahabol at, ilang sandali na lang, aabutan na niya ako. Ayan, inabutan na nga ako. 

Goodnight. 

P.S. Zzzz.... Zzzzz....



Tuesday, June 08, 2010

A Filipino's Guide to Singapore

Mga dalawang linggo na ang nakakaraan, nagpunta ako sa Singapore. Nagpunta ako doon para mag-artista dahil ang balita ko eh pogi daw ang mga pinoy doon. Tanggap na sana ako kaso nga lang eh wala raw opening. Napilitan tuloy akong mamasyal tutal kako eh sayang naman ang pagpunta ko doon.

Anyway, gusto ko lang magbigay ng babala sa mga nagbabalak magpunta sa Singapore - wag na kayong pupunta! Napakapangit ng lugar na yun. At hindi talaga bagay ang mga pinoy dun para sa akin. At gusto kong ilahad ang mga dahilan kung bakit ganito ang nasabi ko....

Simulan ko sa airport.

Hindi ko matanggap na, sa kabila ng napakapangit nilang airport, may gana pang maningil ng terminal fee doon sa Singapore. Langya talaga! Kumpara sa ibang mga airport, aba ay hindi hamak na pangit ng airport nila. Madumi, magulo, saka masyado maraming tao. Pero sa kabila noon, aba eh akalain mong kailangan ko pang magbayad ng terminal fee! Bakit? Dapat nagkaroon na ako ng idea doon pa lang na wag na ituloy ang plano kong pagpasok sa bansa na iyon kaso wala na akong nagawa at nanghihinayang na ako sa pamasahe ko.

Bukod sa lekat na terminal fee, ewan ko kung bakit parang napakaraming sinisita ng airport officials dun. As in para mapabilis ka ata at hindi maabala eh kailangang maglagay. Pakiramdam ko talaga eh naghihintay sila na magbigay ako. Ang sa akin naman, wala akong maibibigay kundi isang dumadagundong na headbutt. Saka bakit ba ganoon sa kanila? Napapansin ko kasi na merong mga umaalis at dumarating na parang may special treatment. As in sinasamahan pa yung iba na manguna sa pila kahit hindi naman sila buntis or disabled. Hindi na tinamaan ng hiya ang mga walanghiya.

Taxis.

Akala ko, paglabas ko ng airport eh magsisimula na ang pag-ayos ng lahat. Nagkamali ako. Parang mas lumala ang karanasan ko nung kumuha na ako ng taxi. Siyempre, I was expecting na madali lang kumuha ng taxi doon. Siyempre ulet, nasanay kasi ako sa Pilipinas. Kaso iba pala sa kanila. Sobrang walang modo ng mga taxi drivers.

Yung una kong pinara, ang sabi sa akin eh masyado raw malayo ang pupuntahan ko kaya kontrata lang daw. Gulat na gulat talaga ako dahil first time kong makarinig ng ganun! Hindi ako pumayag. Para saan pang may prinsipyo ako kung papadala ako sa ganung sitwasyon.

Pumara ulet ako ng taxi. This time, ang style naman ng taxi driver eh tinanong muna ako kung saan ako pupunta. Tapos nung marinig niya na medyo malayo ang pupuntahan ko, akalain mong ayaw akong isakay! At ang dami pang dahilan. Kesyo traffic, out-of-the-way daw siya, at, ang pinakamaganda, pagarahe na raw kasi siya. Ha?!? Traffic sa pupuntahan ko? Ano ang ibig sabihin ng traffic? Hindi ko ata naririnig yan sa Pilipinas. Out-of-the-way? Puwede ba iyon eh samantalang taxi siya? Pagarahe na raw siya? Eh bakit niya ako hinintuan? Sobrang dumugo talaga ang ilong ko dahil hindi maarok ng pang-unawa ko ang nangyayari. Parang bigla ko tuloy na-miss ang Pilipinas.

Merong nakapansin sa akin na nahihirapan na akong kumuha ng taxi. Singaporean yata yun kaya sanay na siya sa bansa niya. Ang advice niya sa akin, maglakad daw ako ng malayo sa airport. Tatagain daw kasi talaga ako ng mga taxi drivers kung dun ako kukuha. Laking gulat ko! Laking gulat ko kasi, bukod sa hindi ko alam ang ibig sabihin ng tatagain ako ng taxi driver, marunong magtagalog yung singaporean!

Anyway, sinunod ko yung payo niya. Tama naman siya. Nakakuha naman ako ng taxi, five kilometers away from the airport. Yun nga lang, pagkapindot ng metro ng driver, sinabihan agad ako na dagdagan ko na lang daw siya dahil kakalabas lang niya. Tama ba naman iyon? Kasalanan ko ba na kakalabas niya lang? At kung kasalanan ko man, hindi ba ako puwede mag-sorry na lang kesa magdagdag?

Tinatamad na ako....






Tuesday, February 16, 2010

at kinailangan nang baguhin ang password...

i should not be sending you this message. i should not be telling you how alone i am. i have been alone, but never this alone. i have been sad, but never this sad. you don't know. you will never know. what happened? what did i do? or, more importantly what did i not do? i am trying to avoid the memories. but i cannot. i am trying to forget your voice. but i cannot. where do go? what do i do? who was right? who was wrong? no answer in sight. only the lingering shadow of emptiness. only the resonating silence of tears. i love you but you never believed. goodbye is a terrible word. farewell is better than goodbye. i bid you love. that is all that i can leave you. for that is all that i can live with. i am making no sense. i will cry for you and for our memories. that is all that there is for me to remember. even if that is all that there is for you to forget.

Thursday, September 03, 2009

Habang umiinom ng kape at naghihintay....

Hindi na ako iinom kahit kailan.

Yan ang pangungusap na ilang libong beses ko nang binitawan. Pero hanggang ngayon eh wala pa ding kuwenta ang koleksiyon ng salitang iyan. Dahil hanggang ngayon eh umiinom pa din ako. Pero dahil sa nangyari sa akin kahapon, kailangan ko na talagang ipangako sa sarili ko na itigil na ang masamang bisyong iyan.

Noong Tuesday ng gabi eh nasa Bulacan ako. Wala naman akong balak uminom. Pero gusto kong linawin na hindi totoo yung huli kong sinabi. May balak talaga kami uminom. Hindi ko nga lang binalak na malugmok at mabangenge ng ganun. Nakasampu kasi kaming bucket ng blue ice. At ang maganda pa dito, tatlo lang kaming umiinom. Awa ng Diyos, nawalan tuloy ako ng malay.

Sa totoo lang, hindi ko ugaling manisi. Hindi ko ugali na ipasa sa iba yung kasalanan ko. Pero sa pagkakataong ito, kailangan kong sabihin na hindi ako ang may kasalanan sa sobrang pagkalasing ko noong gabing iyon. Ang may kasalanan sa nangyari ay walang iba kundi ang letcheg pritong itik na iyan! Ang sarap kasi niyang pulutan kaya hindi ko na namamalayan na nakakarami na kami. Huli na nang mamalayan ko na wala na pala akong malay. At kung hindi dahil sa itik na iyon eh hindi ganoon ang mangyayari.

Anyway, hindi doon nagtatapos ang istorya.

Dahil nga sa sobrang kalasingan, hindi ako nakauwi ng Cavite. Sa Tondo ako nakatulog. Ang problema, may hearing ako kinabukasan ng 8:30am sa Cavite. Nagising ako bandang 8am na kaya, halos liparin ko ang Cavite, ng hindi naliligo. At ang mas malala p, wala akong barong. Sa halip, ang suot ko ay isang itim na t-shirt kung saan naka-print ang salitang BAGNET AND PINAKBET FROM VIGAN. Kahit apat na taon pa lang akong abogado, medyo alam ko naman na hindi katanggap-tanggap ang ganoong attire. Unless na lang siguro official endorser ako ng mga produktong iyon.

Habang nagmamaneho ako papuntang Cavite, nag=iisip na ako kung ano ang idadahilan ko sa judge. Ang ilan sa mga naisip kong dahilan ay ang mga sumusunod:

(a) Judge, nasunugan po ako. Wala po akong naligtas na gamit kundi ito lamang suot ko ngayon. Incidentally you Honor, kasamang natupok sa bahay ang alaga kong aso. (Sabay dapa, iyak ng sobrang lakas, at mag-tantrums na parang bata)

(b) Your Honor, I was raped on my way here. They took away my barong. Luckily, they left me this shirt. I have reason to believe now that my rapists were Ilocanos.

(c) Judge, gusto niyo bagnet?

Pagdating ko sa korte, siyempre tinawag na yung mga kaso. Nung tawagon na yung kaso ko, siyempre tayo ako. Bago pa ako magsalita para mag-enter ng apperance, sabi sa akin ng judge - "Where's your lawyer?"

(Itutuloy dahil nandiyan na ka-meeting ko)

Monday, August 17, 2009

2:15 am

Ngayon na lang ulit ako nagtrabaho nang ganitong oras. Antok na antok na ako pero kailangan ko pa ding magsulat. At sawang-sawa na ako magsulat sa totoo lang. Kaya minabuti ko na lang na sumulat ng post dito sa inaagiw ko na blog.

Meron akong kuwento/tip.

Kagagaling ko lang sa Iloilo kanina. Pero dahil umaga na pala ngayon, kahapon pa pala ako galing. Sabado ako pumunta doon. Bale isang araw lang ako kaya wala masyadong thrills. Ang kakaiba lang na nangyari eh nung pagpunta ko sa airport.

12:05 pm ang alis nang eroplano kaya, ang nakalagay sa likod ng tiket eh dapat 45 minutes before the flight eh nandun na ako. Nakalimutan ko na hindi pala sa akin yung eroplano kaya medyo late na ako nakaalis ng cavite. Ang siste, kahit sobrang nagmamadali na ako, hindi ko pa din napigilan ang aking pinakatatagong katangahan. Sa bagong terminal kasi ako nagpunta at 11:30 na eh nandun pa ako sa maling terminal. Napilitan tuloy ako magtaxi papunta sa terminal 2. Hindi ko naman kasi alam na sa terminal 2 pala lahat ng flights ng PAL.

Tip No. 1 - Wag sasakay ng taxi galing sa Terminal 3 papunta sa Terminal 2!

In fairness sa taxi eh mabilis siya magmaneho. Sampung minuto lang eh nandun na ako sa tamang terminal. Hayup siya sumingit. Pero mas hayup siya maningil! Akalain mo ba namang singilin ako ng Php200 para sa biyaheng iyon! Kung may panahon lang ako makipag-away eh malamang nakakulong na ako ngayon sa salang multiple murder! Multiple, dahil apat na beses ko siyang papatayin! Pero dahil sobrang nagmamadali na ako (at medyo malaki ang katawan nung driver) nagbayad na din ako. Leche talaga!

Tip No. 2 - Magpakasal kung kinakailangan!

Pagpasok ko sa terminal eh gumulantang sa akin ang masamang balita - sarado na ang check-in counter. Hindi katulad ng pagcheck-in sa mga motel, may hangganan pala yung sa eroplano. Ang sabi sa akin eh mag-chance passenger na lang daw ako sa susunod na biyahe at maghintay ng lagpas tatlong oras. Napilitan tuloy akong magpakasal.

Hinanap ko yung supervisor ng PAL at kinausap. Ganito ang naging tema ng usapan namin -

Ako: Ma'am, baka naman puwede ninyo akong isingit pa? Baka puwede niyo pa open yung check-in?

Supervisor: Sir, sorry po talaga pero sarado na ang computer kaya hindi na po puwede.

Ako: Hindi po ba kayang gawan ng paraan yan? Makikiusap lang po ako sa inyo. (Pero ang nasa isip ko nito ay - Anak ng teteng! Hindi ba puwedeng buksan ulit yang computer?!? Blackout ba?!? Sarado? May kandado ba yang computer na hindi na mabubuksan dahil nilunok mo yung susi!!!!)

Supervisor: Sarado na ang system sir. Sorry talaga. Sa susunod na flight na lang po kayo mamayang 4pm.

Ako: Miss, kaya ko kinuha yung flight na ito dahil ikakasal ako mamayang 2:00pm sa Iloilo. Kung 4pm eh hindi matutuloy ang kasal namin ng magiging asawa ko. Maawa ka naman. Late lang ako ng dating dahil naiwan ko yung singsing sa bahay. Gawan niyo naman ng paraan. (With matching nangingilid na luha)

Supervisor: (Nag-isip sandali) Sige sir pero sana sa susunod eh agahan niyo na po. (Sabay niluwa yung susi at binuksan ang saradong computer)

Ako: Salamat talaga ng marami miss! Hulog ka ng langit! (Sabay takbo ng sobrang bilis papunta sa eroplano.

Ano ngayon kung masama ang tingin sa akin ng mga pasahero nung pagdating ko sa eroplano dahil parang ako lang ang hinintay? Ano ngayon aber?

Moral Lesson: Wag iboto si Bayani dahil baka lagyan niya ng pink fences ang daanan ng eroplano sa langit.

Monday, October 06, 2008

... and on the third day, he blogged again

Kung tutuusin, marami na akong dapat naisulat na bago dito sa blog na ito. Marami akong naiisip lalo na pag nasa biyahe. Pero sa di malamang kadahilanan, pagkaupo ko sa harap ng computer, naglalaho lahat. Lalo na pag nakapanood na ako sa you tube, o kaya ay nakapag-open na ng friendster account. Naglalahong parang bula lahat ng nasa utak ko. Totoo nga yata yung bintang ng nanay ko sa akin na ako raw ay medyo tamad. Pero sabi nga ng nabasa ko sa internet, hindi naman talaga ako tamad - nagkataon lang na hindi ako napapagod magpahinga.

Anyway, isa na akong ganap na empleyado ngayon. Natanggap ako bilang isang sorbetero diyan sa may Ortigas. Okay naman yung compensation kung ikukumpara sa tinatanggap ko ngayon. At dahil wala naman akong tinatanggap ngayon, hindi mahirap pag-isipan. Kailangan ko na rin kasi ng stable job. Hindi maaasahan ang pag-aartista lalo na ngayong hindi na uso ang laos.

Dahil nga sa isa na akong empleyado, napilitan akong kumuha ng mga requirements tulad ng NBI at Police Clearance. Huli akong kumuha ng mga ganoong requirements eh noong magsisimula akong magtrabaho sa McDo. Medyo matagal na yun kasi second year college pa lang ako noon. Samakatuwid, sampung taon na ang nakakaraan mula nung pumila ako bilang aplikante. Awa ng Diyos, wala pa ring pagbabago sa pila. Mahaba pa rin at nakakabuwisit. Sa sobrang haba ng pila eh parang may nakita ako doon na nakasabay ko pa atang pumila sampung taon na ang nakakaraan. As of this writing, nandun pa rin yata siya.

Hindi ko maintindihan kung bakit ang dami-daming etchos par lang makakukha ng NBI, lalo na ng Police Clerance. Halimbawa, bakit sa NBI, hiwalay ang clearance kung "for travel abroad" ang hihingin mo? Bakit? Nag-iiba ba ang records mo pag "for employment"? Kapag ba "for travel abroad" lang nila ilalagay sa iyong clearance na meron kang 100 na pending warrants of arrest? At pag "for employment" ay hindi naka-relect na isa ka sa top ten most wanted ng Interpol? Nalalabuan talaga ako. In fairness, medyo mabilis naman ang proseso. Un nga lang, hindi ko gusto ang kinalabasan ng picture ko sa NBI.

Makulit kasi yung mama na kumukuha ng picture. Sampung beses niyang sinabi na yumuko daw ako ng todo para makita sa computer. Eto tuloy ang kinalabasan....


Sino ngayon ang maniniwala na wala kong record kung ganyan ang itsura nang makikita nila?!? Hindi naman ako kagandahang lalake, pero noong huli kong tiningnan ang sarili ko sa salamin, hindi naman ata ako ganyan kapangit!

Sumunod kong kinuha eh yung Police Clearance. In fairness, medyo maayos naman yung picture ko doon kaya hindi ko na lang ilalagay. Yung nga lang, mas nakakainis kumuha ng police clearance kesa sa nbi clearance. Mas maraming kaartehan. Sasabak ka na naman sa pilahan na para bang pila ng mga bumibili ng NFA Rice. Pero ang ultimate na kabuwisitan dun eh kapag bibigay na sa iyo yung clearance, tatanungin ka kung gusto mo makuha agad. Gusto ko ngang sabihin - "Eh sino bang gago ang ayaw makuha agad? Na ang gusto eh after six years niya makuha yung clearance?!?". Kaso may baril yung nagtanong kaya minabuti ko na lang na sumagot ng "opo". Akalain mo ba namang kailangan daw magbayad ng additional na Php50 para makuha noong araw ding yun, yung clearance! Ang masama pa, noong tinanong ko kung magbibigay sila ng resibo, hindi daw sila nagbibigay. Walang kurap niyang sinabi yun sa akin habang nagkakape ang ungas!

Ayos ah! Kund hindi ka nga naman mababaog sa kawusitan! Ok lang sa aking magbayad eh. Ang ayoko lang eh yung lolokohin ako. Lalo pa at abogado ako! alam ko ang batas!

Kaya ang ending eh nagbayad na din ako kahit walang resibo. Pero bago ako matulog nung gabing yun, pinagdasal ko na lang na sana ay galing china ang gatas na nilalagay niya sa kape niya...


Friday, March 07, 2008

Bakit hindi ako pwedeng taga-bigay ng love advice sa radyo?

Sa di malamang kadahilanan, natataon na tuwing nakasakay ako sa taxi, lagi kong naririnig itong isang istasyon sa radyo na programa sa gabi ay ang pagbibigay ng "love advice" sa mga callers nila. Hindi ko alam kung natityempo lang ako, o talagang karamihan ata ng taxi drivers ay heartbroken.


Ang siste ng programang iyon ay ganito - may tatawag na caller na may problema sa puso, papayuhan naman ng DJ na di ko kilala, tapos ay magpapatugtog ng love song na bagay dun sa istorya ng caller. Isa lang ang masasabi ko - karumal-dumal ang programang iyon! At karumal-dumal siya, hindi dahil sa corny siya o anuman, kundi dahil sa mga problemang dinudulog ng mga callers. Hindi ko naman maiwasan na mapakinggan dahil yun ang istasyon ng taxi driver. Baka pag pinalipat ko eh pababain ako. Ang masasabi ko lang, tuwing mapapakinggan ko iyon, nagsisisi ako kung bakit hindi na lang ako ginawang bingi.

Heto ang mga examples ng mga tawag doon. Inalis ko na ang advice ng DJ at pinalitan ko ng sarili kong advice...

Caller No. 1:
Merong po akong boyfriend dati. Eight years na po kaning hiwalay. Iniwan niya po ako dahil nakabuntis siya. Pero ngayon po ay bumabalik siya. Natuklasan daw niya, lately, na ako naman pala talaga ang mahal niya. Kaso ay hindi niya daw magagawang iwan ang pamilya niya. Ano po ba ang gagawin ko?

DJ Cid:
Iha, lately niya lang natuklasan na ikaw pala ang mahal niya? After eight years? Ang masasabi ko lang diyan ay - BAKEEETTT??? Nabagsakan ba siya ng satellite eight years ago at na-comatose? Kung hindi naman, baka kalahati siyang tao at kalahating palaka, na kailangang mag-hibernate ng walong taon? Wag ka ng mag-aksaya ng panahon dun kay kermit. Bukod sa sakit ng ulo, Hindi niya pala maiwan ang pamilya niya eh bakit ka pa niya iniistorbo? Ang mabuti pa, mag-aral ka na lang maglaro ng ragnarok at dun mo na lang aksayahin ang oras mo.

Caller No. 2:
Matagal na po kami ng boyfriend ko. Pero sa ilang taon po naming pagsasama, lagi ko na lang po siya nahuhuli na may ibang babae. Hindi lang po isang beses ko siya nakita na may kasamang iba. Nitong huli po, nalaman ko pa na bakabuntis siya ng ibang babae. Nataon pa na ikakasal na kami saka ko nalaman. Kapag kinakausap ko naman siya, ang palagi niyang sinasabi eh libangan lang naman niya ang mga babae. Mahal na mahal ko po siya kaya naniniwala naman ako sa kanya. Ano po ba ang dapat kong gawin?

DJ Cid:
TANGA! (Sabay bagsak ng phone.) Next caller....

Caller No. 3:
Ano po ba ang gagawin ko sa anak sa labas ng mister ko?

DJ Cid:
Papasukin mo. Next caller....

Caller No. 4:
Dati po akong nanalo Bikini Contest sa Boracay. Finalist din po ako sa Binibining Pilipinas. Ngayon po ay 22 years old na po ako pero wala pa din akong boyfriend. Hindi po kasi ako nagtatagal sa isang relasyon dahil may malaki po akong problema - nymphomaniac po ako. Ano po ba ang maipapayo ninyo sa akin?

DJ Cid:
Maraming lalaki diyan ang nakakaintindi sa sitwasyon mo iha. Hindi lahat kami ay mababaw. Merong mga kagaya ko na handang tanggapin kung sino ka. Pero sa tingin ko, para sa mas mahaba at malinaw na payo, kailangan nating magkita. Pag hindi na tayo on-air, ibibigay ko sa iyo ang cellphone number ko. Sa tingin ko ay kailangan talaga natin ng mas masinsinang usapan para sa problema mong iyan. Wag kang mag-atubili na mag-text kapag sinusumpong ka ng iyong sakit para magkita agad tayo; at nang mahanap kita ng doktor na makakatulong sa iyo.