Kung tutuusin, marami na akong dapat naisulat na bago dito sa blog na ito. Marami akong naiisip lalo na pag nasa biyahe. Pero sa di malamang kadahilanan, pagkaupo ko sa harap ng computer, naglalaho lahat. Lalo na pag nakapanood na ako sa you tube, o kaya ay nakapag-open na ng friendster account. Naglalahong parang bula lahat ng nasa utak ko. Totoo nga yata yung bintang ng nanay ko sa akin na ako raw ay medyo tamad. Pero sabi nga ng nabasa ko sa internet, hindi naman talaga ako tamad - nagkataon lang na hindi ako napapagod magpahinga.
Anyway, isa na akong ganap na empleyado ngayon. Natanggap ako bilang isang sorbetero diyan sa may Ortigas. Okay naman yung compensation kung ikukumpara sa tinatanggap ko ngayon. At dahil wala naman akong tinatanggap ngayon, hindi mahirap pag-isipan. Kailangan ko na rin kasi ng stable job. Hindi maaasahan ang pag-aartista lalo na ngayong hindi na uso ang laos.
Dahil nga sa isa na akong empleyado, napilitan akong kumuha ng mga requirements tulad ng NBI at Police Clearance. Huli akong kumuha ng mga ganoong requirements eh noong magsisimula akong magtrabaho sa McDo. Medyo matagal na yun kasi second year college pa lang ako noon. Samakatuwid, sampung taon na ang nakakaraan mula nung pumila ako bilang aplikante. Awa ng Diyos, wala pa ring pagbabago sa pila. Mahaba pa rin at nakakabuwisit. Sa sobrang haba ng pila eh parang may nakita ako doon na nakasabay ko pa atang pumila sampung taon na ang nakakaraan. As of this writing, nandun pa rin yata siya.
Hindi ko maintindihan kung bakit ang dami-daming etchos par lang makakukha ng NBI, lalo na ng Police Clerance. Halimbawa, bakit sa NBI, hiwalay ang clearance kung "for travel abroad" ang hihingin mo? Bakit? Nag-iiba ba ang records mo pag "for employment"? Kapag ba "for travel abroad" lang nila ilalagay sa iyong clearance na meron kang 100 na pending warrants of arrest? At pag "for employment" ay hindi naka-relect na isa ka sa top ten most wanted ng Interpol? Nalalabuan talaga ako. In fairness, medyo mabilis naman ang proseso. Un nga lang, hindi ko gusto ang kinalabasan ng picture ko sa NBI.
Makulit kasi yung mama na kumukuha ng picture. Sampung beses niyang sinabi na yumuko daw ako ng todo para makita sa computer. Eto tuloy ang kinalabasan....
Sino ngayon ang maniniwala na wala kong record kung ganyan ang itsura nang makikita nila?!? Hindi naman ako kagandahang lalake, pero noong huli kong tiningnan ang sarili ko sa salamin, hindi naman ata ako ganyan kapangit!
Sumunod kong kinuha eh yung Police Clearance. In fairness, medyo maayos naman yung picture ko doon kaya hindi ko na lang ilalagay. Yung nga lang, mas nakakainis kumuha ng police clearance kesa sa nbi clearance. Mas maraming kaartehan. Sasabak ka na naman sa pilahan na para bang pila ng mga bumibili ng NFA Rice. Pero ang ultimate na kabuwisitan dun eh kapag bibigay na sa iyo yung clearance, tatanungin ka kung gusto mo makuha agad. Gusto ko ngang sabihin - "Eh sino bang gago ang ayaw makuha agad? Na ang gusto eh after six years niya makuha yung clearance?!?". Kaso may baril yung nagtanong kaya minabuti ko na lang na sumagot ng "opo". Akalain mo ba namang kailangan daw magbayad ng additional na Php50 para makuha noong araw ding yun, yung clearance! Ang masama pa, noong tinanong ko kung magbibigay sila ng resibo, hindi daw sila nagbibigay. Walang kurap niyang sinabi yun sa akin habang nagkakape ang ungas!
Ayos ah! Kund hindi ka nga naman mababaog sa kawusitan! Ok lang sa aking magbayad eh. Ang ayoko lang eh yung lolokohin ako. Lalo pa at abogado ako! alam ko ang batas!
Kaya ang ending eh nagbayad na din ako kahit walang resibo. Pero bago ako matulog nung gabing yun, pinagdasal ko na lang na sana ay galing china ang gatas na nilalagay niya sa kape niya...
2 comments:
Shocks! Cid nde kita nakilala sa picture mo sa nbi, akala ko isa ka nga sa mga poster na nakikita ko sa lrt station, yun may reward, grabe payat ka nga ano ba ang tinitira mo? Ano naman ang raket mo sa ortigas, mejo malyo-layo din yun ah? Since may raket ka na, panahon na seguro para manlibre ka ka, grabe stone age pa yata yun last time na nagkita tau ah? - jaq
love your blog. some government employees can really make your day a lot crazier than you thought. anyways, i agree getting an NBI clearance is a longer than lotto players. GBU - yane
Post a Comment