Thursday, October 04, 2007

Ang tanong na bumabagabag sa isip ko ngayon....

Bakit ang buhok ko, pag nilagyan ng gel, umaayos? Pero nung nilagyan ko yung mukha ko hindi naman umayos... Naging malagkit lang. Fake ata ito.

Wednesday, October 03, 2007

Abogado

Nandito ako ngayon sa korte. As in literal na nasa korte. Wala pa yung judge at mukhang matatagalan pa din bago dumating yung kalaban. kaya, kesa maglaro na naman ng snake, naisipan ko na lang na magsulat. Kakasawa na kasi yung snake. Hindi ko naman matapos-tapos. Bukod dun, gusto ko ding magyabang sa abogado na nasa likod ko. Gusto kong pakita na meron akong laptop at para bang sobrang busy dahil habang naghihintay ng pagtawag ng kaso eh kailangan pang tapusin yung iba niyang trabaho. Wag lang siyang magkamaling magtanong kung magkano pera ko ngayon dahil medyo mawawalan ako ng dahilan para magyabang.

Palagi na lang ganito dito sa korteng ito. Palagi na lang huli magsimula. Hindi ko naman magawa na huli ng pumasok. Kasi, noong nakaraang ganun ang ginawa ko, pumasok naman ng maaga yung judge. Ayun tuloy, ako pa ang napagalitan. Kaya eto ako ngayon, naghihintay.

Kung tutuusin, kahit na meron din naming “exceptional” moments ang pagiging abogado, parang napansin ko na karamihan sa gagawin mo eh maghintay. As in maghihintay ka palagi sa korte. Hihintayin mo yung judge. Hihintayin mo yung kalaban. Hihintayin mo yung apela. Hihintayin mo yung desisyon. At higit sa lahat, hihintayin mo yung bayad sa iyo. Parang isang walang katapusang paghihintay ang trabahong ito.

Puro pa postponement ang mararanasan mo. Lahat na halos ng dahilan eh maririnig mo pag nagpapa-postpone ang kalaban. Kesyo may LBM, may sakit, namatayan, may conflct sa schedule, etch. Ang hindi ko na lang nakikitang dahilan na gingamit sa ngayon eh - dinukot sila ng mga alien.

Tama yung isang kliyente ko eh. Buti na lang at hindi abogado ang lahat ng tao. Parang masaklap isipin kung ganoon ang sitwasyon. Isipin mo na lang, kuha ka ng order sa fastfood, tapos sasabihin sa iyo postponed daw ang pagdating ng order mo dahil wala ang cook. O kaya, pag papunta ka sa ospital dahil manganganak ka, paghiga mo sa delivery room eh sasabihan ka na pigilan muna ang panganganak mo dahil gumamit ng delaying tactics ang doctor. Pede ding pag hihingin mo yung sukli sa bayad mo sa dyip eh mag-oobject yung driver. Wala sigurong kasing gulo ang mundo pag ganun.

Come to think of it, isa namang napakalaking korte ang mundo. Lahat tayo merong kailangang patunayan. Lahat tayo naghihintay ng desisyon kung tama ba tayo o hindi. Lahat tayo may objection. Lahat tayo, merong concurring at dissenting opinion. At, kalimitan, bawat isang opinion natin na yun, hindi natin basta-basta papatalo ng walang laban – ke mali yun ke tama.

Merong kumakalat na myth tungkol sa mga abogado. Lahat daw ng mga abogado ay mayayabang. Feeling daw kasi ng bawat abogado, sila ang pinakamagaling sa lahat. Para bang sa lahat ng mga naging abogado eh sila na talaga ang number one. Hindi totoo yun! Hindi totoo na lahat ng abogado ay nag-claim na sila ang pinakamagaling. Kasi, kung tutuusin, ako talaga ang pinakamagaling.

· P.S. Wala pa rin ang kalaban ko. Wala na rin akong masulat. Snake na lang ulit.

Monday, October 01, 2007

Ulan

Ano ba ang meron sa ulan? Kagaya ng karamihan, isa ako sa mga nakakaramdam ng kakaiba tuwing papatak ang ulan. Hindi isyu kung gaano kalakas ang ulan. Kahit ambon lang, parang may kakaibang damdamin ang dinadala ng bawat patak ng tubig na galing sa langit.

Elementary pa lang ako, medyo naiintindihan ko na kung paano nagkakaroon ng ulan. Yung water cycle na yan eh ilang ulit naming pinag-usapan ng titser ko. Kaya hanggang ngayon, medyo may ideya pa ako sa mga terms na tulad ng evaporation at condensation. Pero wala akong naalalang diskusyon, kung saan tinalakay namin kung paanong, paminsan-minsan, nagdadala ng kalungkutan ang ulan. Hindi naman kasi ata iyon parte ng water cycle.

Ang lakas ng ulan ngayon dito. Parang yung ulan noong isang araw. Akala mo eh wala ng katapusan; akala mo eh merong nabutas na ulap kay tuloy-tuloy ang pagbagsak ng tubig. Dati-rati, walng papantay sa tuwa ko kapag umuulan. Pero ngayon, merong hindi maipaliwang na dalang lungkot ang bawat patak. Kahit kaya kong maipaliwanag kung saan nangagaling ang ulan, hindi ko yata maiplaiwang ngayon kung saan nanggagaling ang lungkot.

Gusto kong lumabas para maligo. Kaso gabi na. Masyado ng madilim para magtampisaw. Kaya, mangiti man ako habang nagpapakabasa, hindi ko rin makikita. Sa ngayon, hindi ko pa nalalaman kung ano ang silbi ng mga tawa na, kahit galing sa akin, hindi ko makita.