Sa darating na eleksyon, malaki ang posibilidad ng hindi ako manalo bilang Senador. Una sa lahat. hindi ako sikat. Pangalawa, hindi ako nag-file ng certificate of candidacy. At pangatlo, wala akong pera para mangampanya. Ang perang nasa bulsa ko ngayon eh sakto lang pampagawa ng humigit kumulang anim na sticker, at mga apat na election poster. Kung senador ang tatakbuhin ko, parang kulang ata iyon. Lalo pa at, sa huli kong pagkakaalam, higit sa sampung tao ang bumoboto tuwing eleksyon.
Pero, kagaya ng madalas kong sinasabi, hindi ako nawawalan ng pag-asa. Alam kong may potensyal ako bilang isang pulitiko. Stepping stone ko siguro ang baranggay chairman, tapos ay senador na. Pagtapos nun ay either presidente ng Pilipinas, o kaya naman ay Pope.
Anyway, sino ba ang ayaw maging senador? Lalo pa at ang mga senador dito sa Pilipinas ay walng ginawa kundi magtrabaho para sa ikabubuti ng Pilipinas. As in lahat sila ay halos doon na matulog sa Senate Hall para makipagdebate at gumawa ng mga batas. Higit sa lahat, hindi sila nakikipag-usap sa mga contractors para maging wasto ang paggamit nila sa kanilang pork barrel. At may kaibigan silang higante, na barkada ni Maria Makiling, na siyang nangangalaga sa kalikasan. Sa lugar nila, na malayong-malayo, at merong isang ilog na ang tubig ay nakakagaling sa anumang uri ng sakit. Higit sa lahat, ang ulan sa kanila ay gawa sa magnolia chocolait, na minsan ay napagkakamalang selecta moo.
Senator Cid! Ang ganda pakinggan. Nag-iisip na ko ng mga mgandang election propaganda eh -
(a) Seed (sounds like Cid), itanim sa senado.
(b) Cid,pangarap niyang tuparin ang pangarap niya. Pero pagtapos, pangarap niyo naman.
(c) Cid, titikayin ang libreng gamot sa lahat ng walang sakit!
(d) Sugod kasama si Cid! (to the tune of Sugod mga Kapatid by Sandwich)
(e) Cid, ang may pinakamagandang boses sa senado.
Anyway, mga working concepts pa naman yan. Sigurado ko na sa 2010 ay may mga mas maganda pa akong maiisip.
Kung mananalo ako, ano ang plataporma ko? Kahit sa Pilipinas ay hindi kailangang may plataporma para manalo, gusto ko lang meron akong handang programa. Hindi tama na walang programa ang isang kandidato. Kaya heto ang mga naisip ko -
(a) Hindi na tayo aangkat ng bigas. Ipagbabawal ko na lang ang pagkain ng bigas. Tutal, marami namang Pilipino ang plastik (tulad ng mga kapatid ko) at "no rice" diet sila. Kung bawal na kumain ng bigas, tipid na ang bansa, papayat pa ko.
(b) Walang kaibigan, walang kamag-anak, walang kumpare. Puro cronies lang.
(c) Aalisin ko ang trapik. Nakakasira ng ulo ang sobrang trapik. Kung gaano kabagal ang galaw ng trapik sa EDSA pag biyernes ng gabi, ganun din kabagal ang pag-angat ng ekonomiya. Kaya bilang solusyon sa trapik, pagbabawal kong ang anumang uri ng sasakyan sa kalsada (except sa sasakyan ko siyempre). Mandatory ang paglalakad sa lahat. Hindi pwedeng dahilan ang layo ng lalakarin. Pag napatupad ko ito, lahat ng Pinoy ay magiging slim.
Pwede! Ilang lang yan sa mga naiisip ko. Pero tinatamad na ko eh. Kita nyo naman, konti pa lang nagagawa ko, tinatamad na ko, pwedeng-pede na talaga ako maging senador.