Wednesday, November 28, 2007

Salamin for sale

It's official - sira ang salamin namin sa bahay!

Matagal na din akong hindi tumititig sa salamin. Kapag umaga kasi, napapalingon lang ako sa salamin pag magsusuklay ako. Pero kaninang umaga, parang may kung anong hiwaga ang bumalot sa akin kaya, parang babae, napatitig ako sa sarili ko sa salamin. At sa nakita ko, napatunayan ko na sira nga ang hayup na salamin na iyon.

Para kasing ang taba ng dating ko sa salamin na iyon. Hindi siya makatotohanan.

Kagabi lang, bago ako matulog, parang may nakita pa akong abs sa tiyan ko. Nang bilangin ko siya eh walo pa siya. Pero pagharap ko kaninang umaga lang, meron pa naman akong nakita pero hindi na siya pedeng tawaging abs dahil isa na lang siya - isa na lang siyang malaking ab. Parang imposible naman ata na ganun kabilis ang mga pangyayari. Hindi dapat ganoon kabilis nawawala ang paiging "hunk" ko.

Naalala ko tuloy yung pelikulang Spiderman. Noong nakagat si Peter Parker ng radioactive na spider, biglang gumanda ang katawan niya sa loob lang ng isang gabi. Hindi kaya ganoon din ang nangyari sa akin? Hindi kaya at nakagat ako ng isang radioactive na baboy? Kaya paggising ko eh nagkaganito na ako? Pinipilit kong isipin pero parang wala talaga akong maalala na nakasalubong na baboy kahapon, na lihim na kumagat sa akin.

Ano ba ang nangyayari sa akin?!? Hindi kaya may sakit ako? Umiinom naman ako ng Fitrum pagkatapos kong kumain ng dalawang order ng lechon kawali at tatlong rice, pero parang walang nangyayari. Bakit ako tumataba? BAKIT?!?

Minsan tuloy ay iniisip ko na lang na baka parusa sa akin ito. Malamang, noong previous life ko eh sobrang ganda ng katawan ko. Ala-Adonis siguro ako at sa sobrang ganda ng katawan ko eh ultimo mukha ko ay may abs. Sobrang "hunk" ko siguro noon na sa tenga ko lang ay makakakita ka ng biceps. Pero malaki ang posibilidad na inabuso ko ang "gift" ko na iyon. Ayan tuloy nangyari sa akin sa buhay na ito.

P.S. Walang silbi ito.

Thursday, November 08, 2007

Kung ako ay may anak....

Dear anak,

Yaman din lamang at nasa hustong gulang ka na, nararapat lang na bigyan kita ng mga payo tungkol sa buhay. Hindi ito perpektong payo, dahil hindi naman ako perpekto. Pero ang mga sasabihin ko sa iyo dito ay natutunan ko, hindi sa libro, kundi sa araw-araw na paglalakad. Alam kong matututunan mo din naman ito balang araw, pero naisip ko lang na sabihin ko na sa iyo ngayon dahil, sa totoo lang, wala akong magawa. Sa mga susunod na pangungusap ay matutuklasan mo ang sikreto ng buhay, na hanggang ngayon ay sikreto pa rin sa ibang tao.

1. Wag kang magugulat sa sasabihin kong ito anak pero, hindi totoo si santa claus. Walang overweight na lalaking nakapula na bumababa sa bintana natin tuwing pasko at naglalagay ng laruan o pera sa medyas mo. Ako lang talaga ang naglalagay noon kapag tulog ka na. Medyo nakukunsensiya nga ako pag nakikita kitang naghihintay sa harap ng medyas, na para bang asang-asa na makikita mo si santa claus. Nuong sinabihan mo ako minsan na "you saw mommy kissing santa claus", hindi iyon si Santa Claus. Yun ay ang kumpare ko na siyang dahilan kung bakit hiwalay na kami ng mommy mo. Dun na siya sumama. Kaya itigil mo na ang pagbabantay sa harap ng medyas mo tuwing pasko dahil hindi nga totoo si Santa Claus. Sa edad mo ngayon na forty five, nakakaasiwa nang tingnan.

2. Sa ayaw mo man at sa gusto anak, tataba ka. Yun ang isa sa katotohan na kailangan mong harapin. Wag mo nang pilitin na mag-diet o mag-gym dahil pareho iyong walang silbi. Puno't dulo, lahat ay tumataba. Wag mong pansinin yung mga artista na nasa magasin dahil hindi naman totoo na ganoon sila ka-sexy o ka-macho. Photoshop lang ang dahilan kung bakit sila ganoon. Tandaan mo na ang mga taong hindi tumataba ay yun lang wala talagang makain (kagaya ng mga pulubi), o kaya naman ay yung mga taong hindi makakain (kagaya ng mga adik).

3. Tungkol naman sa maselang paksa ng pag-ibig, didiretsuhin na kita anak - kahit na hindi ka kagandahang lalaki ay wag kang mawawalan ng pag-asa pagdating sa pag-ibig. Hindi lahat ng babae ay puro panlabas na anyo lang ang tinitingnan. Hindi totoo na mga guwapo lang ang kaya nilang ibigin. Anak, meron pa ding mangilan-ngilan diyan na ang hinahanap sa isang lalake ay hindi mukha, kundi pera. Dahil nga medyo pangit ka, magpakayaman ka at sila mismo ang maghahabol at iibig sa iyo.

4. WAG NA WAG kang kukuha ng credit card anak. Yun ang dahilan kung bakit hanggang ngayon ay nagtatago tayo.


5. Iwasan mong magbisyo. Wag kang magyosi, magsugal, mambabae, maglasing at kung ano-ano pa. In short, iwasan mong sumaya. Mas makakabuti sa buhay mo kung malungkot ka lang palagi.


6. Mag-aral ka nang mabuti anak. Pero gawin mo lang yun habang nasa elementary ka pa. Pagdating mo ng high school at kolehiyo, mapapansin mo na wala ng nag-aaral sa iyong mga kaklase. Yun talaga ang dapat. Mapapansin mo naman na, sa kabila ng hindi mo pag-aaral, pumapasa ka pa rin. Ganoon ang siste ng pag-aaral dito sa Pilipinas.

Sa ngayon ay hanggang dito na lamang ang sulat ko. Susubukan kong sumulat pa sa iyo sa mga susunod na taon ng buhay mo. Sana ay kapulutan mo ito ng aral.

Nagmamahal,

Daddy Cid


Sunday, November 04, 2007

Aswang sa Tondo

Merong aswang sa Tondo. Wala sigurong maniniwala sa akin, pero bata pa lang ako ay alam ko na na merong aswang dito. At hindi lang ako ang nakakakita sa kanya. Marami kaming mga bata noon, na siguradong-sigurado na aswang yung isa sa kapitbahay namin.

Hindi ko sigurado kung ano tunay na pangalan ng aswang na yun. Basta kabisado ko yung itsura niya. Matanda na siya at makikita mo na sa mukha niya ang lahat ng senyales ng pagiging isang matanda - kulubot na mukha, nalalagas na buhok, at kakaunting ngipin. Kaya nung bata kami, takot na takot kaming magpipinsan kapag dumaraan na siya sa bahay. Natatakot kami na kainin niya. Pero, awa ng Diyos, sa ilang taon na nakatira kami sa Tondo, wala naman akong kakilala o kamag-anak na kinain niya. Sabi nila, nagbabago din daw ng anyo yung aswang nay un, pero hindi ko naman nakita. Sabi lang ng pinsan ko eh nakita niya raw na naging paniki.

Kaya sigurado ako na aswang siya.

Ilang taon din ang tinakbo ng buhay ko. Dala siguro ng eksperyensya ng pagtanda, hindi na ako masyadong natatakot sa aswang ditto sa Tondo pag paminsan-minsan ay nakikita ko siyang dumadaan sa harap ng bahay naming. Gayunpaman, nanatiling nakatatak sa ulo ko na isa siyang aswang. Kaya kahit kalian ay hindi ko siya binati o inimbitang makisalo sa amin pag kumakain kami ng mga barkada ko sa labas. Maqhirap na dahil baka nga pati kami ay kainin niya.

Kaninang umaga, napagawi ako sa lugar kung saan alam kong nakatira yung aswang. Nagulat ako sa nakita ko. May tolda sa harap ng bahay nila. At, kagaya ng iba pang katulad na sitwasyon, nalaman ko na may patay sa kanila. At mas lalo akong nagtaka nang malaman ko na ang patay pala ay yung aswang.

Bakit siya namatay? Hindi ba at walang kamatayan ang mga aswang? O baka naman matagal na siyang hindi kumakain ng tao? Kaya siguro nanghina siya at namatay. Madami akong tanong kaya minabuti ko na makipag-tsismisan muna sa mga tambay sa harap ng bahay ng aswang.

Nakakalungkot pala ang buhay ng aswang na ito.

Iniwan siya ng asawa niya, dati pa. Ang mga anak niya din, matapos niyang palakihin mag-isa, iniwan din siya. Hindi nga nila sigurado kung dadalaw man lang sa lamay ang mga anak niya. Sa iilang tao na nandoon sa lamay, karamihan dun ay nakikisugal lang at hindi nakikiramay. Ito ay sa kabila ng sinasabi nila sa akin na mabait naman ang aswang na yun.

Naisip ko tuloy na mahirap pala maging aswang, mag-isa ka na ngang nabubuhay, mag-isa ka pang mamamatay.

Nagturok ako ng isang kandila bago umalis. Nakakalungkot man ang mga narinig at nakita ko, natutuwa na rin akong malaman na, ngayong wala na siya, malamang ay mas maayos ang kalagayan niya. Hindi ko alam kung paano manghusga ang Diyos sa mga katulad niyang aswang. Wala akong ideya kung paano hahatulan ng Diyos ang mga aswang na kagaya niya. Pero, natitiyag ko na ang panghuhusga at panghahatol ng Diyos, ay higit na mabuti kaysa sa panghuhusga at panghahatol ng mga tao dito…