Friday, March 07, 2008

Bakit hindi ako pwedeng taga-bigay ng love advice sa radyo?

Sa di malamang kadahilanan, natataon na tuwing nakasakay ako sa taxi, lagi kong naririnig itong isang istasyon sa radyo na programa sa gabi ay ang pagbibigay ng "love advice" sa mga callers nila. Hindi ko alam kung natityempo lang ako, o talagang karamihan ata ng taxi drivers ay heartbroken.


Ang siste ng programang iyon ay ganito - may tatawag na caller na may problema sa puso, papayuhan naman ng DJ na di ko kilala, tapos ay magpapatugtog ng love song na bagay dun sa istorya ng caller. Isa lang ang masasabi ko - karumal-dumal ang programang iyon! At karumal-dumal siya, hindi dahil sa corny siya o anuman, kundi dahil sa mga problemang dinudulog ng mga callers. Hindi ko naman maiwasan na mapakinggan dahil yun ang istasyon ng taxi driver. Baka pag pinalipat ko eh pababain ako. Ang masasabi ko lang, tuwing mapapakinggan ko iyon, nagsisisi ako kung bakit hindi na lang ako ginawang bingi.

Heto ang mga examples ng mga tawag doon. Inalis ko na ang advice ng DJ at pinalitan ko ng sarili kong advice...

Caller No. 1:
Merong po akong boyfriend dati. Eight years na po kaning hiwalay. Iniwan niya po ako dahil nakabuntis siya. Pero ngayon po ay bumabalik siya. Natuklasan daw niya, lately, na ako naman pala talaga ang mahal niya. Kaso ay hindi niya daw magagawang iwan ang pamilya niya. Ano po ba ang gagawin ko?

DJ Cid:
Iha, lately niya lang natuklasan na ikaw pala ang mahal niya? After eight years? Ang masasabi ko lang diyan ay - BAKEEETTT??? Nabagsakan ba siya ng satellite eight years ago at na-comatose? Kung hindi naman, baka kalahati siyang tao at kalahating palaka, na kailangang mag-hibernate ng walong taon? Wag ka ng mag-aksaya ng panahon dun kay kermit. Bukod sa sakit ng ulo, Hindi niya pala maiwan ang pamilya niya eh bakit ka pa niya iniistorbo? Ang mabuti pa, mag-aral ka na lang maglaro ng ragnarok at dun mo na lang aksayahin ang oras mo.

Caller No. 2:
Matagal na po kami ng boyfriend ko. Pero sa ilang taon po naming pagsasama, lagi ko na lang po siya nahuhuli na may ibang babae. Hindi lang po isang beses ko siya nakita na may kasamang iba. Nitong huli po, nalaman ko pa na bakabuntis siya ng ibang babae. Nataon pa na ikakasal na kami saka ko nalaman. Kapag kinakausap ko naman siya, ang palagi niyang sinasabi eh libangan lang naman niya ang mga babae. Mahal na mahal ko po siya kaya naniniwala naman ako sa kanya. Ano po ba ang dapat kong gawin?

DJ Cid:
TANGA! (Sabay bagsak ng phone.) Next caller....

Caller No. 3:
Ano po ba ang gagawin ko sa anak sa labas ng mister ko?

DJ Cid:
Papasukin mo. Next caller....

Caller No. 4:
Dati po akong nanalo Bikini Contest sa Boracay. Finalist din po ako sa Binibining Pilipinas. Ngayon po ay 22 years old na po ako pero wala pa din akong boyfriend. Hindi po kasi ako nagtatagal sa isang relasyon dahil may malaki po akong problema - nymphomaniac po ako. Ano po ba ang maipapayo ninyo sa akin?

DJ Cid:
Maraming lalaki diyan ang nakakaintindi sa sitwasyon mo iha. Hindi lahat kami ay mababaw. Merong mga kagaya ko na handang tanggapin kung sino ka. Pero sa tingin ko, para sa mas mahaba at malinaw na payo, kailangan nating magkita. Pag hindi na tayo on-air, ibibigay ko sa iyo ang cellphone number ko. Sa tingin ko ay kailangan talaga natin ng mas masinsinang usapan para sa problema mong iyan. Wag kang mag-atubili na mag-text kapag sinusumpong ka ng iyong sakit para magkita agad tayo; at nang mahanap kita ng doktor na makakatulong sa iyo.




Tuesday, March 04, 2008

No Inspection, No Entry!

Malaking kalokohan!

Hindi ko maintindihan kung bakit ganito sa Pilipinas! Parang isang napakalaking airport itong bansang ito! Paano ba naman, kahit saan ka magpunta at kahit saan ka pumasok, merong security guard na titingin sa bag na dala mo. Yun ay kung may tinitingnan talaga siya. Pakiramdam ko minsan na trip lang talaga nilang mang-istorbo at makiusyoso kung ano ba ang laman ng bag ko. Sa buong mundo, dito lang ata nangyayari na ang tingin sa lahat ng may dala ng bag eh terorista! Halos nalibot ko na ang buong mundo. Kung saan-saang parte na ako ng globo nakapunta pero dito lang talaga sa atin merong ganoon!*

Pansinin mo.

Sakay ka ng LRT at merong titingin ng dala mo. Pagbaba mo ng LRT at lumipat ka naman ng MRT, may titingin na naman at kakapkap sa iyo. Pupunta ka sa mall, sa eskuwelahan, o kahit saan pa, may pipilit sa iyo na buksan ang bag mo para makumpirma nila kung sugo ka ba ni Bin Laden o hindi. Pucha! Baka pagdating ng araw, papasok na lang ako ng bahay namin, sa isang public toilet, o sa simbahan, kailangan ko pa ding buksan ang bag ko!

Buti sana kung effective na security measure yung ginagawa nila. Eh napatunayan na (ng ilang pagsabog) na wala namang effect yung pagbukas nila sa mga bag. Paano, bubuksan lang yung bag tapos may itutusok na stick! Yun lang naman ginagawa nila. Para bang pag dinutdot nila yung stick na kahoy sa loob ng bag eh malalaman nila kung sasabog yun o hindi. Wala namang silbi iyon! Minsan nga eh gusto ko lagyan ng putol na ulo ng tao yung bag ko. Tingnan ko lang kung mapapansin nila yun sa pamamagitan lang ng kahoy. Problema lang eh wala akong makitang volunteer na papayag pagamit sandali yung ulo niya.

Napuno na ako kanina.

Ang hirap-hirap dalhin ng bag ko. At lalong mahirap siyang buksan. Tapos, sa lahat pa ng dadaanan ko na may entrance eh merong sisita at papabuksan sa akin. As if naman may dala akong nukleyar. At kung may dala man ako, sa tingin ba nila eh ilalagay ko iyon sa backpack ko?!? Buwisit talaga! Kung merong lang akong backpack sa loob ng baga ko, doon na lang ako maglalagay ng gamit para hindi ako naaiistorbo ng mga lekat na guwardiyang iyan. Buti sana kung ang magpapabukas ng bag ko at kumakapkap sa akin eh si Marian Rivera. Kahit hindi lang bag ko ang pabuksan niya; at kahit ilang oras pa niya akong kapkapan!

Ang kinakabahan lang ako, baka mamaya eh ganun din pala sa langit. Pag namatay ako (na hindi naman mangyayari kasi imortal ako) at nasa gate na ng langit, baka may guwardiya pa ding naka-abang dun sa gate at may hawak na stick na kahoy! Magwawala na ako pag ganun....

*Ok. Nagisisinungaling lang ako kasi, bukod sa Pilipinas, isang bansa pa lang ang napupuntahan ko. Pero blog ko naman ito so ok lang mag-exaggerate.

Monday, March 03, 2008

Marunong pa kaya akong magsulat?

November 28, 2007.

Yang ang date ng huli kong post dito. Hindi ko na din alam kung bakit ganoon katagal simula noong huli akong magsulat. Dumaan ang pasko, bagong taon, three kings, at iba't ibang okasyon. Nakaranas ako ng kalungkutan, kasiyahan, katamaran at kasipagan, pero hindi ko nagawang isulat iyon dito. Paano, tuwing naaadik akong magsulat, wala naman ako sa harap ng computer. At kung kailan naman nasa harap na ako ng computer, saka naman ako nakakaramdam na wala na ang kaadikan ko.

Pero ngayon, kailangan kong magsulat ulit tungkol sa nangyari sa akin noong nakaraang sabado, March 1, 2008. Sa maniwala kayo sa hindi, nakasakay ako sa isang time machine.

Nakareceive ako ng text sa kaklase ko noong college na si Jemabel. Last week pa siya nagtetext at nagsasabi na magkita-kita nga raw kami ng mga kaklase ko noong college. Sa totoo lang, hindi naman ako masyado na-excite dahil ilang beses nang nagkaroon ng ganoong plano pero hindi naman natutuloy. Kaya naman, yung iba kong kaklase noong college, huli kong nakita eh graduation pa namin - at yun ay walong taon na ang nakakaraan.

Walong taon? Halos isang dekada na ang dinagdag sa mga mukha namin ng panahon. Lingid sa kaalaman nila, gusto ko rin sana silang makita. Gusto ko rin kasing malaman kung meron ba sa kanilang tumaba. Ugali ko kasi talaga ang maghanap ng karamay.

Natuloy naman ang pagkikita namin. Sa tingin ko, natuloy din iyon dahil na rin sa makulit si Jem sa kakatawag at kakatext. Buti na lang at talagang OC siya. Isa pa, ikakasal na kasi si Len. Hindi naman maganda kung hindi man lang namin siya mabisita bago man lang mag-iba ang apelyido niya. Hindi kami ganoon karami noong nagkita kami. Ang nandoon lang ay sila Len, Luther, Jem, Ria, Vanessa, Philip, at ako (na siyang pinakapogi sa grupo). Hindi naman ako nadismaya sa pagkikita namin dahil, katulad ng inaasahan, hindi lang ako ang tumaba.

Tiningnan ko isa-isa ang mga kaklase ko noong college. Napansin ko na hindi naman ganoon kalaki ang dinagdag ng panahon sa mga mukha nila. Kahit paano, nakita ko pa rin sa mga mukha nila kung ano ang nakikita ko dati. Ganoon pa rin sila tumawa. At kung ano ang nakakapagpatawa sa kanila dati, mukhang yun pa din naman ang nakakapagpatawa sa kanila ngayon. At sa mga bago nilang kuwento, nabasa ko din na kung ano ang nakakapagpalungkot sa kanila dati, yun pa din ang nakakapagpalungkot sa kanila ngayon. Yun nga lang, parang mas mabigat lang dalhin yung lungkot ngayon. Hindi ko alam kung bakit pero ganoon yata talaga pag tumatanda. Kasabay yata sa paghina ng buto mo ang paghina ng kapasidad mong magbuhat ng problema.


Pero hindi ko sinulat ang post na ito para ikuwento ang mga problema namin. Isinulat ko ito para ikuwento kung paanong napatunayan ko na, na totoo ang time machine. Dahil noong gabing yoon, kasama ang mga kaibigan ko noong college, 19 years old lang ulit ako. Nagsilbing salamin ang anim na mukha ng mga kaibigan ko - salamin kung saan nakita ko yung sarili ko sampung taon na ang nakakaraan. Kahit sa isang gabi lang na iyon, wala akong ibang inisip kundi ang pagpapatawa, at ang pagtawa.

Walang kliyente. Walang hearing. Walang deadline. Walang kaaway. Walang gagawin. Walang kakausapin. Walang stress. Walang meeting; wala ang lahat ng bagay na nagpapakumplikado sa pag-inog ng mundo ng mga taong katulad namin na, kagaya ng lahat, kinailangang tumanda. Pero noong gabing iyon, gamit ang isang magic mic at humigit kumulang apat na bote na alak, pansamantala eh nadaya namin ang tadhana. Wala sa aming 27 o 28 noon.

Pansamantala....

Kinabukasan, kanya-kanya na ulit ng kalsada na nilakaran. Kanay-kanya na ulit ng panaginip na hahabulin.


Merong akong teorya. Ayon dito, ng panahon ay kontrolado ng isang malaking orasan. At ang orasan na iyon ay binabantayan ng isang mama na malaki ang katawan. Hindi siya pumapayag na galawin ang orasan na iyon. Walang pwedeng makialam sa orasan na iyon. Kaya naman, kahit anong gawin natin, hindi nating magawang maibalik ang kahit isang oras o minuto sa buhay natin, kapag ito ay nagdaan na. Ang batas ng buhay ay ito - pag bahagi na nang nakaraan, nakaraan na lang talaga iyon.Pero noong March 1, 2008, nakatulog yung mama na nagbabantay sa orasan na sinasabi ko.

Pansamantala, sa di malamang kadahilan, nagawa kong manipulahin ang panahon.

Ngayon, nandito ako sa harap ng laptop na ito, at matiyagang nag-aabang at umaasa na muling makakatulog yung mama. Tahimik na naghihintay ng isa pang "pansamantala"...