Tuesday, August 28, 2012

Subok Matira Game

Alas nuwebe kanina, gusto ko na matulog. Noong nararamdaman ko na na parang inaantok na ako, humiga na ako. Kaso, lumipas ang dalawang oras, kahit anong pikit ko sa mata ko, hindi ko masara ang diwa ko. Ganoon talaga minsan ang utak - uutusan kang patayin ang ilaw, humiga sa kama, para lang dalhin ka sa isang sulok ng kuwarto mo; at sa sulok ng kuwarto mo na iyon, habang nag-iisa, mapipilitan kang mag-isip.  

Higit sa isang bilyong kurap ng mata na ang nakakaraan, dalamhati ang sumasalubong sa akin sa mga ganitong pagkakataon. Kagaya ng simula ng letra ng kanta ng kanta na madalas kong marinig kapag linggo ng umaga, parang kailan lang noong ginugugol ko ang panahong kagaya nito sa pag-iisip kung bakit ako nag-iisa. Nakatutuwang malaman na ang "parang kailan lang" na iyon ay parang kailan na lang talaga. Hindi na ako niyayakap ng kalungkutan sa gabi. Kagaya noon, wala pa rin naman akong kasama ngayon. Wala akong kasama, pero hindi na ako nag-iisa. 

Hindi ko kayang ibigay ang buong detalye ng dahilan ng pagbabagong ito sa buhay ko. Kung gagawin ko iyon, tinitiyak ko na aabutan ako ng antok. Kanina niya pa ako hinahabol at, ilang sandali na lang, aabutan na niya ako. Ayan, inabutan na nga ako. 

Goodnight. 

P.S. Zzzz.... Zzzzz....