Wednesday, May 31, 2006

150

Kasama ang post na ito, 150 na lahat-lahat ang nasusulat ko sa blog na ito. Kanina binalikan ko yung mga sinulat kong iba. Nakakatuwang malaman na kung ano-ano lang pala talaga ang pinagsusulat ko dito. May mga seryoso din naman, pero karamihan ata eh mga naiisip kong kagaguhan pag wala akong magawa.

Hindi ko alam kung ilan talaga ang nagbabasa nito. Pero nakakataba ng puso pag naririnig ko iyong ibang tao na nagsasabi na natatawa daw sila sa ibang sinusulat ko. Minsan nga, nagugulat ako kasi yung mga taong hindi ko iisiping magbabasa dito, eh yun pa pala ang nagtitiyagang sumilip sa mga iniisip ko. Masaya ang pakiramdam pag nalaman mong nakakapagpasaya ka kahit papano. Isa kasi sa mga natutunan ko sa buhay eh hindi ganoon kadaling makapagpasaya ng iba. Kung tutuusin, mas madaling makasakit.

Pero ngayon yata eh hindi na kaya ng isip ko na makapagpasaya. Dati kaya ko, kasi masaya din ako. Ngayon, medyo nabalutan ng agiw yung buhay ko. Kailangan kong maglinis. Kailangan kong mag-ayos ng mga bagay na magulo. Higit sa lahat, kailangan kong hanapin ulit yung tao na nagsusulat dito. Pakiramdam ko kasi, parang wala na siya. Masyado atang madilim ngayon kaya parang hirap akong makita siya.

Hirap akong makakita ng dahilan para tumawa ngayon. Hindi na ganoon kadaling ibuka ang bibig para tumawa. Nakakalungkot isipin na, sa lahat ng tao, naubusan ako ngayon ng patawa. Ligaw akong naghahanap ngayon. Lito akong umiikot sa isang bilog na hindi ko mapasok-pasok.

Alam ko namang may katapusan lahat. Sa dinami-dami ng dinanas ko, alam kong hindi naman buong buhay mo eh tatabunan ka ng problema. Pero sa ngayon, kailangan ko lang talagang mag-isip. Kailangan kong abangan yung katapusan ng pinagdadaanan ko.

Hindi ko alam kung kailan ulit ako susulat dito. Siguro, kapag nahanap ko na kung ano man ang nawawala sa akin.

Sa lahat ng mga nagtiyagang magbasa dito - salamat.

Magkikita ulit tayo....sana.

Thursday, May 25, 2006

No Smoking

Parang kailan lang ng sinulat ko ito.

Pero ngayon, isa na iyang malaking kasinungalingan. Ilang buwan na rin ang nakakaraan, bumalik na naman ako sa pagyoyosi. Nagpa-member na naman ako sa PLCS, na mas kilala sa tawag na Philippine Lung Cancer Society.

Sayang din yung halos isang taon kong pagtigil. Sarap na ng pakiramdam ko nun kasi hindi ako madaling hingalin. Tapos pag gumigising ako sa umaga, hindi ganoon kabigat ang dibdib ko. Ngayon ang dali ko na namang hingalin. Bumubuhat lang ako ng yellow paper eh napapagod na ko. Tapos pag umaga pa, yung dibdib ko eh parang inapakan ni Ronald McDonald. Bad trip talaga.

Nagpaplano akong huminto ulit ngayon. Naghihintay ang ako ng tamang tyempo - yun bang tyempong butas na ang baga ko. Nakaya ko naman dati eh. So walang dahilan para hindi ko makaya ngayon. Mahirap kung sa mahirap. Pero mas mahirap siguro kung dumating ang oras na sa tubo na lang ako humihinga. Mahirap na manligaw pag nangyari yun.







Friday, May 19, 2006

Fears

Lahat ng tao may kinakatakutan. Kahit gaano ka pa katapang, merong mga bagay na alam mong hindi mo kayang harapin mag-isa. At dahil normal lang naman akong tao, siyempre meron din naman akong mga bagay na kinakatakutan. Mga bagay na alam kong hindi ko kakayanin, tulad na lamang ng mga sumusunod:

1. MAMATAY NG NAG-IISA. - Hindi kaya ng isip at puso ko na mamatay ng mag-isa. Yun na yata ang pinakamalungkot na magyayari sa isang tao. Kaya kung ako sana ang masusunod, gusto ko sanang kamatayan eh yung masabugan ng nuclear bomb habang nasa SM Manila. At least, alam ko sa sarili ko na hindi ako mamatay ng nag-iisa pag ganun. Tiyak na marami kaming papanaw.

2. IPIS. - Kung anumang relasyon meron kami ng ipis, palaisipan pa rin sa akin hanggang ngayon. Basta ang alam mo lang, ayaw na ayaw ko siyang nakikita. Lalo na at papalipad na siya. handa kong ibuwis ang buhay ko para sa bayan, pero hindi ko kayang harapin ang isang ipis na lumilipad.

3. TUMANDANG BINATA. - Kailangan pa bang ipaliwanag ito? Palagay ko naman lahat ng tao eh ayaw tumadang nag-iisa. Bata pa naman ako kaya hindi pa huli ang lahat. Alam ko sa sarili ko na kahit na ano ang mangyari, meron akong babae na mapapakasalan. At bilang katunayan na hindi ako nagmamadali, pakakasalan ko yung babae na nakilala ko sa beerhouse noon isang araw. Mukhang gustong gusto niya kasi ko. Parang ayaw nyang humiwalay sa akin habang binibigyan ko siya ng pera. Yun na siguro ang matatawag na tunay na pag-ibig. Kaya hindi ko na siya pakakawalan.

4. MARAMI PANG IBA PERO TINATAMAD NA KO. - Marami pang iba pero tinatamad na nga ako.
4.

Signs

Bakit wala akong nakikitang mga ganitong signs?

1. PWEDENG TUMAWID, NAKAKABUHAY.
2. Yes Parking.
3. Yes Jaywalking.
4. Keep Left.
5. Save the user, jail the pusher. Then again, kill them both.
6. Tapat mo linis mo. Tapat ko pakilinis mo na rin.
7. Skyway is not a traffic discipline zone.
8. ONE WAY...yes I did it...ONE WAY.
9. Dont break the glass if there's no fire.
10. Noise please.
11. Wag magbayad na maaga (kahit kailan) para lalong di abala.
12. Buo lang po sa umaga.
13. Breastfeeding is still best for adults (particularly male adults).

Thursday, May 11, 2006

Three reasons to smile

Masama ang loob ko ngayong araw na ito. Hindi talaga ako masaya. Bakit? Dahil sa mga sumusunod na dahilan:

1. Meron na palang boyfriend si Barbie. Ang masama pa doon, hindi man lang niya sinabi sa akin. Kundi ko pa nabasa sa dyaryo eh hindi ko pa malalaman. Hindi naman sa pinagsisiksikan ko ang sarili ko sa kanya. Pero hindi ba't meron naman akong karapatan na malaman ang katotohanan? Siyempre kung malalaman ko iyong totoo, mas mabuting magmula mismo bibig nya. Kaso hindi ganoon ang nangyari! Oo nga't hindi naman nya ko ng personal - nandoon na tayo. Pero bakit hindi man lang siya nag-exert ng effort para kilalanin ako? Ansama talaga sa loob ko. Parang napahiya pa tuloy ako dahil nagsulat pa naman ako sa kanya. Grabe! Pero di bale, nandyan naman si Kitchie eh.

2. Speaking of napahiya, napahiya ako sa korte kanina. Kahit na madalas akong hindi umamin ng kasalanan, parang kasalanan ko yata kanina kaya nagkaganon. Alam ko naman kasi kung kelan ako mali eh. Hindi ganoon kataas ang pride ko para hindi umamin ng pagkakamali. On second thought, hindi pala! Wala akong kasalanan kanina. Sila ang nagkamali kaya ako napahiya. Ayoko na lang i-detalye kasi nga nakakahiya. Basta sa susunod na pumirma ako ng slumbook, yung karanasan ko kanina ang isusulat ko na most embarrassing moment ko.

3. Mali na naman ang nasulat kong schedule kanina sa planner ko. Yung schedule na akala ko eh ngayon mangyayari, bukas pa pala. Ang ganda! Hindi talaga bagay sa kin ang may planner. Hindi yata talaga bagay sa isang taong walang plano sa buhay ang magkaron ng planner. Inconsistent kumbaga.

Bad trip tlaga ko ngayon. Buti na lang at medyo mature na ko. Hindi ako nagmukmok na lang sa tabi sa kabila ng mga nangyari kanina. Ang ginawa ko ay ang natural na ginagawa ng mga matured na tao kapag nadedepress - kumain ako ng kumain.

Friday, May 05, 2006

2nd Letter for the day

Dear Barbie Almabis,

Sigurado ako na hindi mo mababasa ang sulat na ito. Hindi dahil sa hindi ka marunong magbasa, kundi dahil alam kong masyado kang busy sa iyong mga gigs. Wag kang mag-alala, hindi mo man mabasa ito, hindi naman ako magtatampo. Kasi hindi naman ako matampuhing tao.

Kaya ko naisipang sumulat sa iyo eh meron sana kong gusto itanong - gusto mo ba ko maging boyfriend? Wala lang. Baka kasi kako naghahanap ka ng boyfriend. Kesa ibang tao pa, ako na lang. Sigurado ka pa na hindi kita lolokohin.

Alam ko na marami kang manliligaw. May guwapo, may mayaman, at may mga macho din. Pero ngayon pa lang eh sinasabi ko na sa iyo na walang halaga ang mga bagay na iyan. Aanhin mo ang guwapo, mayaman, at macho? Eh hindi mo naman yan madadala sa hukay. Ako, pede mong dalhin kahit saan. Mag-volunteer pa ko na mauna sa iyo sa hukay kung gusto mo. Tsaka isa pa, ang kagwapuhan ay kumukupas - ang kapangitan ay hindi. Pag tumanda ang guwapo, pangit na siya. Ang pangit, kahit tumanda, pangit pa din. Saan ka pa?

Iniisip mo siguro - "Eh sino ka ba? Ni hindi nga kita kilala tapos gagawin kitang boyfriend?!?" Barbie, yun nga ang punto eh, gawin mo kong boyfriend para makilala mo ko. Tinitiyak ko sayo na isa kong mabuting tao. Malakas lang ako kumain pero hindi ako salbahe. Sa katunayan, huli kong pakikipag-away eh elementary pa ko. Maaaring nangungupit ako dati, pero parte lang yun ng normal na paglaki.

Ano ang maipagmamalaki ko sayo, para gawin mo kong boyfriend? Hayaan mong isa-isahin ko sayo:

1. Hindi ako adik.
2. Marunong ako gumawa ng eroplano at bangka gamit ang simpleng papel.
3. Hindi ako mayaman, pero yayaman din.
4. Best in penmanship ako nung Kinder.
5. Tsaka hindi nga ako adik.

Ilan lang yan sa mga katangian ko. Kung isusulat ko lahat, baka magsara ang google sa kakainin kong space. Kaya kung ako talaga ang gagawin mong boyfriend, wala ka nang mahihiling pa*.

Nga pala, marunong din akong mag-gitara. Kumakanta din ako. Hinihintay ko lang ang pagsikat ng banda namin. Alam ko namang paparating na yun. Kahit sampung taon ko ng hinihintay, malakas talaga ang kutob ko na sisikat na kami itong taong ito. Kaya bagay na bagay talaga tayo.

Kung sakali na makita mo ang lohika ng pagpili sa akin bilang iyong boyfriend, wag kang mag-atubili na sulatan ako agad. Pinapangako ko na papansinin kita.

Umaasa,

Cidie

*Bukod sa magpapayat akong konti.

Isang bukas na liham sa kumakanta ng Videoke noong Linggo

Dear Tikas,

Hindi ko sigurado kung iyan talaga ang pangalan mo. Yan na lang ang napili kong itawag sayo dahil, sa totoo lang, matikas ka talaga. Matikas ang tindi ng iyong self-confidence. Matikas din ang kawalan mo ng kahihiyan.

Noong Linggo ay may dinaluhan akong binyagan. Masaya ako noon dahil kumpleto ang barkada namin na mag-aanak sa isa pa naming barkada. Kahit sa Candava, Pampangga pa ang binyag, at kahit wala pa akong tulog nun dahil galing ako sa reunion, pinilit ko talagang makapunta. Maayos naman ang binyag sa simbahan kahit medyo may kainitan sa dami ng magpapabinyag. Hindi pa kita nakikita noon. Pagdating ko sa bahay ng aking barkada para kumain, dun ko narinig ang mala-demonyo mong tinig.

Noong una ay inakala kong nagpapatawa ka lang habang kumakanta ng "The day you said goodnight". Akala ko ay isa ka lang talagang magaling na komedyante dahil talaga namang nakakatawa kung pano mo awitin ang nasabing kanta. Pero ang tawa na bumalot sa aking bibig, ay unti-unting nabalutan ng ngitngit, dahil lahat ng kanta mo ay parang nagpapatawa ka na lang palage. Dun ko napagtanto na seryoso ka pala sa iyong pag-awit, at ang mas malala pa dun, hindi mo binitiwan ang mike. Sa bilang namin ng aming mga kaibigan, 12 songs ang sunod-sunod mong kinanta, bago ka nagpasyang tumigil. At dahil nga ang boses mo ay talaga namang nakakabaog, malaki ang posibilidad na ako, sampu ng mga sinamang palad na nakakarinig sau, ay hindi na kailanman magkakaroon ng anak.

Paano ko ba pedeng i-describe ang iyong boses? Wala akong maisip na salitang naimbento ang tao, para mailarawan kung gaano ka kawala sa tono. Sa totoo lang, nung kinanta mo ang Ulan ng Cueshe, parang gusto ko pasagasaan sa rumaragasang tren ang ulo ko. Hindi ko malaman kung ang kinakanta mo ay compose mo ba oh ano. Dahil kung ang tono ng kanta ay nasa chord na F, ikaw ay nasa chord na T. Isipin mo na lang Tikas, walang chord na T! Ganoong kalayo!

Hindi ko sinasabi na maganda ang aking boses. Miski magandang lalake ako, hindi naman ganoon kaganda ang aking tinig*. Pero por dyos por santos recoletos, hindi naman ganoon kalayo ang tono ko sa aktuwal na tono ng kanta. At pag nawawala ako sa tono, tumitigil naman ako. Ikaw? LABINGDALAWANG KANTANG puro wala sa tono! Sa totoo lang, kung umisa ka pa, nagbabalak na kong bagsakan ka na lang ng bloke sa ulo habang nakatalikod. Di bale nang makulong, matiyak ko lang na wala nang iba pang mabibiktima ng boses mo. Ang boses mo, sa aking palagay, ang ginagamit na pang-torture sa impyerno. Mas pipiliin ko pa ang kumukulong putik, kesa ang paulit-ulit mong pagkanta ng "Makita kang muli".

Medyo na-trauma tuloy akong umattend ng binyag. Kinakabahan ako at baka matyempo na naman ako't makita kitang ulit. Pag nagkataon kasi, baka isang kanta mo pa lang eh bigla na lang akong mabaliw.

Lubos na kaguwapuhan,

Cid

*Medyo hawig lang ng konti kay Josh Groban.