Dear Ninoy,
Happy Birthday sa'yo. Hindi ako sigurado kung ilang taon ka na ngayon, pero sana ay mas marami pang dumating. Teka lang, patay ka na nga pala kaya wala ng dadating pa. In any case, happy birthday pa rin.
Alam mo, bata pa lang ako eh idolo na kita. Idolo ka kasi ng tatay ko. Meron siyang tape ng mga speeches mo. At dati ay madalas niya yung isalang sa cassette player namin. Habang nakikinig siya eh kinukuwento niya sa akin kung sino ka raw, at kung ano ang ginawa mo para sa Pilipinas. Mula sa mga kuwento na iyon ni Papa, nabuo sa isip ko kung ano at sino ka.
Noong magka-isip ako, mas lalo ko pang naintindihan kung ano ang mga ginawa mo. Sa paunti-unting pagbabasa, naintindihan ko kung bakit ganoon na lang ang paghanga sa iyo ng tatay ko. Kaya naman, ng matuto na akong mag-isip mag-isa, natutunan kitang hangaan.
Itong sulat kong ito ay hindi para purihin ka. Masyado ng maraming papuri ang tinaggap mo. Nakakasawa na ang paulit-ulit na parangal para sa'yo. Wala ng dating ang paghahatid ng bulaklak sa puntod mo, ng kung sino-sinong pulitiko.
Ginagawa ko ang sulat na ito para humingi ng dispensa sa iyo. Sabi mo kasi - the Filipino is worth dying for. Sa tingin ko, hindi ata.
Nakikita mo ba ang sitwasyon namin ngayon?
Wala na si Marcos dito, pero nandito pa rin ang mga Marcos. May kapangyarihan pa rin sila. Noong isang araw nga, nakita ko si Imelda sa SM Mall of Asia. Alam mo, pinagkakaguluhan siya doon. Meron pang mga nagpapa-picture at nagpapa-autograph. Hindi ko talaga mainitindihan kung bakit. Ang alam ko kasi, hindi dapat hangaan ang mga ganoong tao. Short term lang ata talaga ang memory ng mga Pinoy. Nakalimutan na namin kung ano ang ginawa ni Imelda sa Pilipinas. Nakakatawa na nakakalungkot no?
Kung mapapansin mo rin, bibihira ang Pilipino na gusto mag-stay dito sa Pilipinas. Lahat, ang gusto eh sa ibang bansa na lang mag-trabaho. Ang mga doktor namin dito, at may iilan pang abogado, nag-aaral ng nursing para lang maka punta sa States. Hindi mo naman sila masisisi dahil sa hirap ng buhay dito. Kasi sa totoo lang, ang mga magiginhawa lang ang buhay dito eh yung mga dati pang mayayama; o di naman kaya eh yung mga pulitiko. Pero yung mga karaniwang tao, karaniwan pa rin.
Kung titingnan mo ang roster ng mga taong bumubuo sa gobyerno, parang wala rin akong nakikita na "worth dying for". Meron nga kaming Senado na, sa dinami-dami ng mga batas na pedeng isulat para sa kapakanan ng nakararami, ang naisip niyang bill eh yung pagbabawal ng paggamit ng stapeler sa take-out na order. Ang galing di ba? At ang mas masam pa dun, hindi siya nagpapatawa lang.
Hindi ata kami "worth dying for".
Wala pa rin kaming disiplina. Kulng pa ring ang pagmamahal namin sa bayan namin. Palagi pa ring namaning inuuna ang sarili naming kapakanan, kesa sa kapakanan ng nakararami. Wala pa ring direksyon ang Pilipinas, dahil wala pa ring direksyon ang mga Pilipino. Hindi pa rin talaga namin alam kung saan kami pupunta. Mali ata ang pagtitiwala na binigay mo sa amin.
Pero paminsan-minsan, may mga pagkakataon na nakakakita ko ng mga positibo dito sa Pinas. Nakikita ko iyon mula sa mga simpleng bagay na hindi napapansin, at hindi talaga papansinin, ng dyaryo. Tuwing nakikita ko na may Pinoy na tumutulong sa kapwa nya Pinoy; tuwing may naririnig akong balita kung paanong may mga taong nagsusumikap para mabuhay, ng hindi nagnanakaw sa kaban ng bayan, nabubuhayan ako ng pag-asa. Naiisip ko na meron pang liwanag para sa Pilipinas, kahit papano.
Sa totoo lang, hind pa kami "worth dying for". Ilang taon pa ng pagbabago, bago namin maabot ang antas na yun.
Humahanga,
Cid
P.S. Napanood mo ba yung Sukob? Ok din no?
The dice of fate has been rolled and each one of us has been assigned a role to play. Ours is to keep lighting the beaconlight of freedom for those who have lost their way. Ours is to articulate the fervent hopes of a people who have suddenly lost their voices. Ours is to adopt the solid stance of courage in the face of seemingly hopeless odds so that hope no matter how dim or distant will never banish from sight.
- Ninoy Aquino