28 taon...
Alipin ka pa din ng kahapon. Hindi mo pa rin kayang iwanan ang kahapong pilit mong ginagamit na pananggalang sa ngayon. Hinihintay mo pa din ang bukas na wari bang sa iyo ay matagal ng lumipas. At hinahanap mo ang taong dati rati ay madali mong tawaging ikaw. Saang banda nga ba ng paglalakbay mo siya naiwan?
Saan ka pupunta?
Tinatanaw mo ang bukas ngunit umaalon ang paningin mo. Makulimlim sa dakong iyon kaya natatakot ka. Taliwas sa akala ng karamihan, kailanman ay hindi ka naging sigurado sa mga bagay na parang kasing-dalas na ng ulan. Paunti-unti man, marahang sumasara ang pag-asang dati-rati ay kalaro mo at kausap.
Nalilito ka.
Nalalaman mong walang nakakaalam sa kung ano ang nasa isip mo. Nakadaragdag sa iyong kaba ang malamang isa kang malaking palaisipan para sa ibang tao. At nanganganib kang patuloy na mapaligiran ng kaibigan at kakilala, ng nag-iisa.
Hindi biro ang dami ng tanong na nasa isip mo. Hindi rin biro ang malaman na malamang na hindi mo masagot ang lahat ng iyon. Naghahanap ka ng sagot. Pero hinahanap ka din niya. Malabo na kayong magkita....
Masaya ka ba?
Meron ka pang 28 taon ulit para mag-isip....
- Don Alejandro Buenaventura (1876)