Mahirap din talaga minsan yung hindi mo masyado binibigyang pansin kung ano ang isinusuot mo sa araw-araw.
Ganun kasi ako.
Hindi katulad ng iba na halos dalawang oras ang inaabot kakaisip kung bagay ba ang orange na t-shirt sa red na panatalon, hindi ko masyado pinagtutuunan ng pansin yung mga ganung bagay. Basta sa akin, suot lang ng suot. Kahit anong kulay pa yan, basta kasya, ayos na. Kaya kung tutuusin, hindi naman talaga ako baduy, tamad lang.
Ang kagandahan naman sa hindi masyadong mapili sa sinusuot na damit eh mabilis lang ang orasyon ko pagkatapos maligo. Mga kulang pitong minuto lang siguro ang nauubos ko sa pagdadamit. All in all, kasama na ang paliligo, halos sampung minuto lang ang nagagamit ko sa pag-aayos. Pero kahit ganun, madalas pa din akong late sa mga usapan...trapik kasi eh.
Kaninang umaga, katulad ng nakagawian ko na, bumunot lang ako basta ng pantalon at polo sa mga damit ko. Wala nang kumbinasyon chuva. Para kasi sa akin, ang damit ay damit lang. Hindi pang-porma*. Anyway, ayun nga. Dahil hindi ko na tinitingnan kung ano ang sinusuot ko, hindi ko din nakita na butas pala ang nasuot kong pantalon. As in may malaking butas sa may bandang puwitan.
Hindi naman kapangitan ang puwet ko, pero nahihiya pa din ako ng sitahin ako at sabihan nga na butas daw ang aking pantalon. Mga bandang hapon na ng sitahin ako. Kaya buong araw na pala akong naglalakad, at kung saan-saan nagpunta, ng wala man lang kamalay-malay na meron na pala akong kahihiyang dala-dala. Napilitan tuloy akong bumili ng polo na mahaba. As in kasing-haba ng mga polo ni B1 at B2**, para lang mapagtakpan ang dapat mapagtakpan. Gayunpaman, parang ayaw ko ng isipin kung gaano kadaming tao na ang nakakita sa akin kanina, at lihim na natawa.
Kaya simula sa araw na ito, magbabagong buhay na ako. Kailangan ko ng ayusin ang buhay ko; araw-araw na akong magsusuot ng mahabang polo...
*Ito ang dahilan kung bakit may orange ako na barong.
**Si B1 at B2 ay ang dalawang baklang saging na mapapanood dati sa TV.
No comments:
Post a Comment