Thursday, November 08, 2007

Kung ako ay may anak....

Dear anak,

Yaman din lamang at nasa hustong gulang ka na, nararapat lang na bigyan kita ng mga payo tungkol sa buhay. Hindi ito perpektong payo, dahil hindi naman ako perpekto. Pero ang mga sasabihin ko sa iyo dito ay natutunan ko, hindi sa libro, kundi sa araw-araw na paglalakad. Alam kong matututunan mo din naman ito balang araw, pero naisip ko lang na sabihin ko na sa iyo ngayon dahil, sa totoo lang, wala akong magawa. Sa mga susunod na pangungusap ay matutuklasan mo ang sikreto ng buhay, na hanggang ngayon ay sikreto pa rin sa ibang tao.

1. Wag kang magugulat sa sasabihin kong ito anak pero, hindi totoo si santa claus. Walang overweight na lalaking nakapula na bumababa sa bintana natin tuwing pasko at naglalagay ng laruan o pera sa medyas mo. Ako lang talaga ang naglalagay noon kapag tulog ka na. Medyo nakukunsensiya nga ako pag nakikita kitang naghihintay sa harap ng medyas, na para bang asang-asa na makikita mo si santa claus. Nuong sinabihan mo ako minsan na "you saw mommy kissing santa claus", hindi iyon si Santa Claus. Yun ay ang kumpare ko na siyang dahilan kung bakit hiwalay na kami ng mommy mo. Dun na siya sumama. Kaya itigil mo na ang pagbabantay sa harap ng medyas mo tuwing pasko dahil hindi nga totoo si Santa Claus. Sa edad mo ngayon na forty five, nakakaasiwa nang tingnan.

2. Sa ayaw mo man at sa gusto anak, tataba ka. Yun ang isa sa katotohan na kailangan mong harapin. Wag mo nang pilitin na mag-diet o mag-gym dahil pareho iyong walang silbi. Puno't dulo, lahat ay tumataba. Wag mong pansinin yung mga artista na nasa magasin dahil hindi naman totoo na ganoon sila ka-sexy o ka-macho. Photoshop lang ang dahilan kung bakit sila ganoon. Tandaan mo na ang mga taong hindi tumataba ay yun lang wala talagang makain (kagaya ng mga pulubi), o kaya naman ay yung mga taong hindi makakain (kagaya ng mga adik).

3. Tungkol naman sa maselang paksa ng pag-ibig, didiretsuhin na kita anak - kahit na hindi ka kagandahang lalaki ay wag kang mawawalan ng pag-asa pagdating sa pag-ibig. Hindi lahat ng babae ay puro panlabas na anyo lang ang tinitingnan. Hindi totoo na mga guwapo lang ang kaya nilang ibigin. Anak, meron pa ding mangilan-ngilan diyan na ang hinahanap sa isang lalake ay hindi mukha, kundi pera. Dahil nga medyo pangit ka, magpakayaman ka at sila mismo ang maghahabol at iibig sa iyo.

4. WAG NA WAG kang kukuha ng credit card anak. Yun ang dahilan kung bakit hanggang ngayon ay nagtatago tayo.


5. Iwasan mong magbisyo. Wag kang magyosi, magsugal, mambabae, maglasing at kung ano-ano pa. In short, iwasan mong sumaya. Mas makakabuti sa buhay mo kung malungkot ka lang palagi.


6. Mag-aral ka nang mabuti anak. Pero gawin mo lang yun habang nasa elementary ka pa. Pagdating mo ng high school at kolehiyo, mapapansin mo na wala ng nag-aaral sa iyong mga kaklase. Yun talaga ang dapat. Mapapansin mo naman na, sa kabila ng hindi mo pag-aaral, pumapasa ka pa rin. Ganoon ang siste ng pag-aaral dito sa Pilipinas.

Sa ngayon ay hanggang dito na lamang ang sulat ko. Susubukan kong sumulat pa sa iyo sa mga susunod na taon ng buhay mo. Sana ay kapulutan mo ito ng aral.

Nagmamahal,

Daddy Cid


6 comments:

Anonymous said...

hindi naman totoo yang number 2 ano, yan namang number 6 matatalino at genius lang ang nagsasabi nyan, siguro (sigurado) isa ka don. kakatawa number 3, sariling anak nilait-lait. sa number 1 kala ko sasabihin mo ikaw yong overweight na nakikita ng anak mo na nakapula.

Tasyong Hindi Gaanong Pilosopo said...

anonymous, totoo ang number 2. tingnan mo ako. at nde ako genius. tanungin mo ako nga math para malaman mo...

kaano-ano mo yung dalawang anonymous sa baba?

:)

Anonymous said...

isa ka lang e, sabi dun sa number 2 lahat tumataba. lahat ka ba? :) at nde lang yung magagaling sa math ang genius ha.

Anonymous said...

tama c anonymous genius ka nga tanggapin mo ang katotohanan :}

Anonymous said...

haha.
Namber 1 - Nde ako sang-ayon. Nakita ko santa claws nung bata ako.

Namber 2 - Sang-ayon ako. Ako rin mataba.

Namber 3 - Haha. yn lang.

Namber 4 - Nagulat ako. Kasi kakakuha ko lang ng credit card eh sa HSBC. Haha. I-cancel ko na ba?

Namber 5 - KOrek!

Namber 6 - hehe. Oi nde naman. Isa akong part-time titser sa Mapua... masisipag naman sila. Ang totoo, kadalasan kapag ang estudyante mayaman, tamad mag-aral pero nde naman lahat.

Steffi said...

1 - haha! yes.

2 - totoo rin! tumataba ako, paunti-unti, halos hindi napapansin. pero tumataba pa rin habang tumatanda.

3 - Marami rin namang lalaki na gold-digger.

4 - Tama, masyado nang uso ang identity theft.

5 - Nakakaubos ng pera ang bisyo, mas malala pa sa credit card.

6 - Minsan mas umaasenso pa ang mababa ang grade. Ewan ko nga ba, siguro nagiging masyadong bookish ang mga matatalino. =D