Wednesday, November 28, 2007

Salamin for sale

It's official - sira ang salamin namin sa bahay!

Matagal na din akong hindi tumititig sa salamin. Kapag umaga kasi, napapalingon lang ako sa salamin pag magsusuklay ako. Pero kaninang umaga, parang may kung anong hiwaga ang bumalot sa akin kaya, parang babae, napatitig ako sa sarili ko sa salamin. At sa nakita ko, napatunayan ko na sira nga ang hayup na salamin na iyon.

Para kasing ang taba ng dating ko sa salamin na iyon. Hindi siya makatotohanan.

Kagabi lang, bago ako matulog, parang may nakita pa akong abs sa tiyan ko. Nang bilangin ko siya eh walo pa siya. Pero pagharap ko kaninang umaga lang, meron pa naman akong nakita pero hindi na siya pedeng tawaging abs dahil isa na lang siya - isa na lang siyang malaking ab. Parang imposible naman ata na ganun kabilis ang mga pangyayari. Hindi dapat ganoon kabilis nawawala ang paiging "hunk" ko.

Naalala ko tuloy yung pelikulang Spiderman. Noong nakagat si Peter Parker ng radioactive na spider, biglang gumanda ang katawan niya sa loob lang ng isang gabi. Hindi kaya ganoon din ang nangyari sa akin? Hindi kaya at nakagat ako ng isang radioactive na baboy? Kaya paggising ko eh nagkaganito na ako? Pinipilit kong isipin pero parang wala talaga akong maalala na nakasalubong na baboy kahapon, na lihim na kumagat sa akin.

Ano ba ang nangyayari sa akin?!? Hindi kaya may sakit ako? Umiinom naman ako ng Fitrum pagkatapos kong kumain ng dalawang order ng lechon kawali at tatlong rice, pero parang walang nangyayari. Bakit ako tumataba? BAKIT?!?

Minsan tuloy ay iniisip ko na lang na baka parusa sa akin ito. Malamang, noong previous life ko eh sobrang ganda ng katawan ko. Ala-Adonis siguro ako at sa sobrang ganda ng katawan ko eh ultimo mukha ko ay may abs. Sobrang "hunk" ko siguro noon na sa tenga ko lang ay makakakita ka ng biceps. Pero malaki ang posibilidad na inabuso ko ang "gift" ko na iyon. Ayan tuloy nangyari sa akin sa buhay na ito.

P.S. Walang silbi ito.

3 comments:

Steffi said...

Sinasabi ko na nga ba... niloloko lang tayo ni Juday tungkol sa Fitrum.

Anonymous said...

hay naku

Anonymous said...

pakshet. malamang pareho yung nabilhan natin ng salamin. wala bang consumer protection program ang DTI?? kailangang protektahan ang mga karapatan nating makakuha ng dekalidad na produkto, gaya na lamang ng salamin na nagsasabi ng totoo!

buti na lang hindi ako bumibili ng fitrum.