Tuesday, March 04, 2008

No Inspection, No Entry!

Malaking kalokohan!

Hindi ko maintindihan kung bakit ganito sa Pilipinas! Parang isang napakalaking airport itong bansang ito! Paano ba naman, kahit saan ka magpunta at kahit saan ka pumasok, merong security guard na titingin sa bag na dala mo. Yun ay kung may tinitingnan talaga siya. Pakiramdam ko minsan na trip lang talaga nilang mang-istorbo at makiusyoso kung ano ba ang laman ng bag ko. Sa buong mundo, dito lang ata nangyayari na ang tingin sa lahat ng may dala ng bag eh terorista! Halos nalibot ko na ang buong mundo. Kung saan-saang parte na ako ng globo nakapunta pero dito lang talaga sa atin merong ganoon!*

Pansinin mo.

Sakay ka ng LRT at merong titingin ng dala mo. Pagbaba mo ng LRT at lumipat ka naman ng MRT, may titingin na naman at kakapkap sa iyo. Pupunta ka sa mall, sa eskuwelahan, o kahit saan pa, may pipilit sa iyo na buksan ang bag mo para makumpirma nila kung sugo ka ba ni Bin Laden o hindi. Pucha! Baka pagdating ng araw, papasok na lang ako ng bahay namin, sa isang public toilet, o sa simbahan, kailangan ko pa ding buksan ang bag ko!

Buti sana kung effective na security measure yung ginagawa nila. Eh napatunayan na (ng ilang pagsabog) na wala namang effect yung pagbukas nila sa mga bag. Paano, bubuksan lang yung bag tapos may itutusok na stick! Yun lang naman ginagawa nila. Para bang pag dinutdot nila yung stick na kahoy sa loob ng bag eh malalaman nila kung sasabog yun o hindi. Wala namang silbi iyon! Minsan nga eh gusto ko lagyan ng putol na ulo ng tao yung bag ko. Tingnan ko lang kung mapapansin nila yun sa pamamagitan lang ng kahoy. Problema lang eh wala akong makitang volunteer na papayag pagamit sandali yung ulo niya.

Napuno na ako kanina.

Ang hirap-hirap dalhin ng bag ko. At lalong mahirap siyang buksan. Tapos, sa lahat pa ng dadaanan ko na may entrance eh merong sisita at papabuksan sa akin. As if naman may dala akong nukleyar. At kung may dala man ako, sa tingin ba nila eh ilalagay ko iyon sa backpack ko?!? Buwisit talaga! Kung merong lang akong backpack sa loob ng baga ko, doon na lang ako maglalagay ng gamit para hindi ako naaiistorbo ng mga lekat na guwardiyang iyan. Buti sana kung ang magpapabukas ng bag ko at kumakapkap sa akin eh si Marian Rivera. Kahit hindi lang bag ko ang pabuksan niya; at kahit ilang oras pa niya akong kapkapan!

Ang kinakabahan lang ako, baka mamaya eh ganun din pala sa langit. Pag namatay ako (na hindi naman mangyayari kasi imortal ako) at nasa gate na ng langit, baka may guwardiya pa ding naka-abang dun sa gate at may hawak na stick na kahoy! Magwawala na ako pag ganun....

*Ok. Nagisisinungaling lang ako kasi, bukod sa Pilipinas, isang bansa pa lang ang napupuntahan ko. Pero blog ko naman ito so ok lang mag-exaggerate.

4 comments:

Anonymous said...

mukha akong eng-eng dito sa maliit kong cubicle habag tumatawa dito sa blog entry mo! Haha! Namiss ko mga entries mo tsong.

nga pala, wala akong ibang blogsite kundi netbananasenorita.mulitply.com

Tasyong Hindi Gaanong Pilosopo said...

tsang,

hinahanap ko ang blog mo pero bakit hindi ko makita?

tsong

Anonymous said...

suggestion, siguro magdala ka na lang ng wooden stick din palagi, tapos ngumiti sa guard at sabihin na... tapos na, natusok mo na yung bag mo. or.. habang tinutusok ng guard yung bag mo sabayan mo sya sa pagtusok na parang nakikipag kumpetensya ka sa kanya. yon lang naiisip kong mga pang asar

Anonymous said...

tsong,

mali kasi ispelling...

netbananasenorita.multiply.com