Monday, October 06, 2008

... and on the third day, he blogged again

Kung tutuusin, marami na akong dapat naisulat na bago dito sa blog na ito. Marami akong naiisip lalo na pag nasa biyahe. Pero sa di malamang kadahilanan, pagkaupo ko sa harap ng computer, naglalaho lahat. Lalo na pag nakapanood na ako sa you tube, o kaya ay nakapag-open na ng friendster account. Naglalahong parang bula lahat ng nasa utak ko. Totoo nga yata yung bintang ng nanay ko sa akin na ako raw ay medyo tamad. Pero sabi nga ng nabasa ko sa internet, hindi naman talaga ako tamad - nagkataon lang na hindi ako napapagod magpahinga.

Anyway, isa na akong ganap na empleyado ngayon. Natanggap ako bilang isang sorbetero diyan sa may Ortigas. Okay naman yung compensation kung ikukumpara sa tinatanggap ko ngayon. At dahil wala naman akong tinatanggap ngayon, hindi mahirap pag-isipan. Kailangan ko na rin kasi ng stable job. Hindi maaasahan ang pag-aartista lalo na ngayong hindi na uso ang laos.

Dahil nga sa isa na akong empleyado, napilitan akong kumuha ng mga requirements tulad ng NBI at Police Clearance. Huli akong kumuha ng mga ganoong requirements eh noong magsisimula akong magtrabaho sa McDo. Medyo matagal na yun kasi second year college pa lang ako noon. Samakatuwid, sampung taon na ang nakakaraan mula nung pumila ako bilang aplikante. Awa ng Diyos, wala pa ring pagbabago sa pila. Mahaba pa rin at nakakabuwisit. Sa sobrang haba ng pila eh parang may nakita ako doon na nakasabay ko pa atang pumila sampung taon na ang nakakaraan. As of this writing, nandun pa rin yata siya.

Hindi ko maintindihan kung bakit ang dami-daming etchos par lang makakukha ng NBI, lalo na ng Police Clerance. Halimbawa, bakit sa NBI, hiwalay ang clearance kung "for travel abroad" ang hihingin mo? Bakit? Nag-iiba ba ang records mo pag "for employment"? Kapag ba "for travel abroad" lang nila ilalagay sa iyong clearance na meron kang 100 na pending warrants of arrest? At pag "for employment" ay hindi naka-relect na isa ka sa top ten most wanted ng Interpol? Nalalabuan talaga ako. In fairness, medyo mabilis naman ang proseso. Un nga lang, hindi ko gusto ang kinalabasan ng picture ko sa NBI.

Makulit kasi yung mama na kumukuha ng picture. Sampung beses niyang sinabi na yumuko daw ako ng todo para makita sa computer. Eto tuloy ang kinalabasan....


Sino ngayon ang maniniwala na wala kong record kung ganyan ang itsura nang makikita nila?!? Hindi naman ako kagandahang lalake, pero noong huli kong tiningnan ang sarili ko sa salamin, hindi naman ata ako ganyan kapangit!

Sumunod kong kinuha eh yung Police Clearance. In fairness, medyo maayos naman yung picture ko doon kaya hindi ko na lang ilalagay. Yung nga lang, mas nakakainis kumuha ng police clearance kesa sa nbi clearance. Mas maraming kaartehan. Sasabak ka na naman sa pilahan na para bang pila ng mga bumibili ng NFA Rice. Pero ang ultimate na kabuwisitan dun eh kapag bibigay na sa iyo yung clearance, tatanungin ka kung gusto mo makuha agad. Gusto ko ngang sabihin - "Eh sino bang gago ang ayaw makuha agad? Na ang gusto eh after six years niya makuha yung clearance?!?". Kaso may baril yung nagtanong kaya minabuti ko na lang na sumagot ng "opo". Akalain mo ba namang kailangan daw magbayad ng additional na Php50 para makuha noong araw ding yun, yung clearance! Ang masama pa, noong tinanong ko kung magbibigay sila ng resibo, hindi daw sila nagbibigay. Walang kurap niyang sinabi yun sa akin habang nagkakape ang ungas!

Ayos ah! Kund hindi ka nga naman mababaog sa kawusitan! Ok lang sa aking magbayad eh. Ang ayoko lang eh yung lolokohin ako. Lalo pa at abogado ako! alam ko ang batas!

Kaya ang ending eh nagbayad na din ako kahit walang resibo. Pero bago ako matulog nung gabing yun, pinagdasal ko na lang na sana ay galing china ang gatas na nilalagay niya sa kape niya...


Friday, March 07, 2008

Bakit hindi ako pwedeng taga-bigay ng love advice sa radyo?

Sa di malamang kadahilanan, natataon na tuwing nakasakay ako sa taxi, lagi kong naririnig itong isang istasyon sa radyo na programa sa gabi ay ang pagbibigay ng "love advice" sa mga callers nila. Hindi ko alam kung natityempo lang ako, o talagang karamihan ata ng taxi drivers ay heartbroken.


Ang siste ng programang iyon ay ganito - may tatawag na caller na may problema sa puso, papayuhan naman ng DJ na di ko kilala, tapos ay magpapatugtog ng love song na bagay dun sa istorya ng caller. Isa lang ang masasabi ko - karumal-dumal ang programang iyon! At karumal-dumal siya, hindi dahil sa corny siya o anuman, kundi dahil sa mga problemang dinudulog ng mga callers. Hindi ko naman maiwasan na mapakinggan dahil yun ang istasyon ng taxi driver. Baka pag pinalipat ko eh pababain ako. Ang masasabi ko lang, tuwing mapapakinggan ko iyon, nagsisisi ako kung bakit hindi na lang ako ginawang bingi.

Heto ang mga examples ng mga tawag doon. Inalis ko na ang advice ng DJ at pinalitan ko ng sarili kong advice...

Caller No. 1:
Merong po akong boyfriend dati. Eight years na po kaning hiwalay. Iniwan niya po ako dahil nakabuntis siya. Pero ngayon po ay bumabalik siya. Natuklasan daw niya, lately, na ako naman pala talaga ang mahal niya. Kaso ay hindi niya daw magagawang iwan ang pamilya niya. Ano po ba ang gagawin ko?

DJ Cid:
Iha, lately niya lang natuklasan na ikaw pala ang mahal niya? After eight years? Ang masasabi ko lang diyan ay - BAKEEETTT??? Nabagsakan ba siya ng satellite eight years ago at na-comatose? Kung hindi naman, baka kalahati siyang tao at kalahating palaka, na kailangang mag-hibernate ng walong taon? Wag ka ng mag-aksaya ng panahon dun kay kermit. Bukod sa sakit ng ulo, Hindi niya pala maiwan ang pamilya niya eh bakit ka pa niya iniistorbo? Ang mabuti pa, mag-aral ka na lang maglaro ng ragnarok at dun mo na lang aksayahin ang oras mo.

Caller No. 2:
Matagal na po kami ng boyfriend ko. Pero sa ilang taon po naming pagsasama, lagi ko na lang po siya nahuhuli na may ibang babae. Hindi lang po isang beses ko siya nakita na may kasamang iba. Nitong huli po, nalaman ko pa na bakabuntis siya ng ibang babae. Nataon pa na ikakasal na kami saka ko nalaman. Kapag kinakausap ko naman siya, ang palagi niyang sinasabi eh libangan lang naman niya ang mga babae. Mahal na mahal ko po siya kaya naniniwala naman ako sa kanya. Ano po ba ang dapat kong gawin?

DJ Cid:
TANGA! (Sabay bagsak ng phone.) Next caller....

Caller No. 3:
Ano po ba ang gagawin ko sa anak sa labas ng mister ko?

DJ Cid:
Papasukin mo. Next caller....

Caller No. 4:
Dati po akong nanalo Bikini Contest sa Boracay. Finalist din po ako sa Binibining Pilipinas. Ngayon po ay 22 years old na po ako pero wala pa din akong boyfriend. Hindi po kasi ako nagtatagal sa isang relasyon dahil may malaki po akong problema - nymphomaniac po ako. Ano po ba ang maipapayo ninyo sa akin?

DJ Cid:
Maraming lalaki diyan ang nakakaintindi sa sitwasyon mo iha. Hindi lahat kami ay mababaw. Merong mga kagaya ko na handang tanggapin kung sino ka. Pero sa tingin ko, para sa mas mahaba at malinaw na payo, kailangan nating magkita. Pag hindi na tayo on-air, ibibigay ko sa iyo ang cellphone number ko. Sa tingin ko ay kailangan talaga natin ng mas masinsinang usapan para sa problema mong iyan. Wag kang mag-atubili na mag-text kapag sinusumpong ka ng iyong sakit para magkita agad tayo; at nang mahanap kita ng doktor na makakatulong sa iyo.




Tuesday, March 04, 2008

No Inspection, No Entry!

Malaking kalokohan!

Hindi ko maintindihan kung bakit ganito sa Pilipinas! Parang isang napakalaking airport itong bansang ito! Paano ba naman, kahit saan ka magpunta at kahit saan ka pumasok, merong security guard na titingin sa bag na dala mo. Yun ay kung may tinitingnan talaga siya. Pakiramdam ko minsan na trip lang talaga nilang mang-istorbo at makiusyoso kung ano ba ang laman ng bag ko. Sa buong mundo, dito lang ata nangyayari na ang tingin sa lahat ng may dala ng bag eh terorista! Halos nalibot ko na ang buong mundo. Kung saan-saang parte na ako ng globo nakapunta pero dito lang talaga sa atin merong ganoon!*

Pansinin mo.

Sakay ka ng LRT at merong titingin ng dala mo. Pagbaba mo ng LRT at lumipat ka naman ng MRT, may titingin na naman at kakapkap sa iyo. Pupunta ka sa mall, sa eskuwelahan, o kahit saan pa, may pipilit sa iyo na buksan ang bag mo para makumpirma nila kung sugo ka ba ni Bin Laden o hindi. Pucha! Baka pagdating ng araw, papasok na lang ako ng bahay namin, sa isang public toilet, o sa simbahan, kailangan ko pa ding buksan ang bag ko!

Buti sana kung effective na security measure yung ginagawa nila. Eh napatunayan na (ng ilang pagsabog) na wala namang effect yung pagbukas nila sa mga bag. Paano, bubuksan lang yung bag tapos may itutusok na stick! Yun lang naman ginagawa nila. Para bang pag dinutdot nila yung stick na kahoy sa loob ng bag eh malalaman nila kung sasabog yun o hindi. Wala namang silbi iyon! Minsan nga eh gusto ko lagyan ng putol na ulo ng tao yung bag ko. Tingnan ko lang kung mapapansin nila yun sa pamamagitan lang ng kahoy. Problema lang eh wala akong makitang volunteer na papayag pagamit sandali yung ulo niya.

Napuno na ako kanina.

Ang hirap-hirap dalhin ng bag ko. At lalong mahirap siyang buksan. Tapos, sa lahat pa ng dadaanan ko na may entrance eh merong sisita at papabuksan sa akin. As if naman may dala akong nukleyar. At kung may dala man ako, sa tingin ba nila eh ilalagay ko iyon sa backpack ko?!? Buwisit talaga! Kung merong lang akong backpack sa loob ng baga ko, doon na lang ako maglalagay ng gamit para hindi ako naaiistorbo ng mga lekat na guwardiyang iyan. Buti sana kung ang magpapabukas ng bag ko at kumakapkap sa akin eh si Marian Rivera. Kahit hindi lang bag ko ang pabuksan niya; at kahit ilang oras pa niya akong kapkapan!

Ang kinakabahan lang ako, baka mamaya eh ganun din pala sa langit. Pag namatay ako (na hindi naman mangyayari kasi imortal ako) at nasa gate na ng langit, baka may guwardiya pa ding naka-abang dun sa gate at may hawak na stick na kahoy! Magwawala na ako pag ganun....

*Ok. Nagisisinungaling lang ako kasi, bukod sa Pilipinas, isang bansa pa lang ang napupuntahan ko. Pero blog ko naman ito so ok lang mag-exaggerate.

Monday, March 03, 2008

Marunong pa kaya akong magsulat?

November 28, 2007.

Yang ang date ng huli kong post dito. Hindi ko na din alam kung bakit ganoon katagal simula noong huli akong magsulat. Dumaan ang pasko, bagong taon, three kings, at iba't ibang okasyon. Nakaranas ako ng kalungkutan, kasiyahan, katamaran at kasipagan, pero hindi ko nagawang isulat iyon dito. Paano, tuwing naaadik akong magsulat, wala naman ako sa harap ng computer. At kung kailan naman nasa harap na ako ng computer, saka naman ako nakakaramdam na wala na ang kaadikan ko.

Pero ngayon, kailangan kong magsulat ulit tungkol sa nangyari sa akin noong nakaraang sabado, March 1, 2008. Sa maniwala kayo sa hindi, nakasakay ako sa isang time machine.

Nakareceive ako ng text sa kaklase ko noong college na si Jemabel. Last week pa siya nagtetext at nagsasabi na magkita-kita nga raw kami ng mga kaklase ko noong college. Sa totoo lang, hindi naman ako masyado na-excite dahil ilang beses nang nagkaroon ng ganoong plano pero hindi naman natutuloy. Kaya naman, yung iba kong kaklase noong college, huli kong nakita eh graduation pa namin - at yun ay walong taon na ang nakakaraan.

Walong taon? Halos isang dekada na ang dinagdag sa mga mukha namin ng panahon. Lingid sa kaalaman nila, gusto ko rin sana silang makita. Gusto ko rin kasing malaman kung meron ba sa kanilang tumaba. Ugali ko kasi talaga ang maghanap ng karamay.

Natuloy naman ang pagkikita namin. Sa tingin ko, natuloy din iyon dahil na rin sa makulit si Jem sa kakatawag at kakatext. Buti na lang at talagang OC siya. Isa pa, ikakasal na kasi si Len. Hindi naman maganda kung hindi man lang namin siya mabisita bago man lang mag-iba ang apelyido niya. Hindi kami ganoon karami noong nagkita kami. Ang nandoon lang ay sila Len, Luther, Jem, Ria, Vanessa, Philip, at ako (na siyang pinakapogi sa grupo). Hindi naman ako nadismaya sa pagkikita namin dahil, katulad ng inaasahan, hindi lang ako ang tumaba.

Tiningnan ko isa-isa ang mga kaklase ko noong college. Napansin ko na hindi naman ganoon kalaki ang dinagdag ng panahon sa mga mukha nila. Kahit paano, nakita ko pa rin sa mga mukha nila kung ano ang nakikita ko dati. Ganoon pa rin sila tumawa. At kung ano ang nakakapagpatawa sa kanila dati, mukhang yun pa din naman ang nakakapagpatawa sa kanila ngayon. At sa mga bago nilang kuwento, nabasa ko din na kung ano ang nakakapagpalungkot sa kanila dati, yun pa din ang nakakapagpalungkot sa kanila ngayon. Yun nga lang, parang mas mabigat lang dalhin yung lungkot ngayon. Hindi ko alam kung bakit pero ganoon yata talaga pag tumatanda. Kasabay yata sa paghina ng buto mo ang paghina ng kapasidad mong magbuhat ng problema.


Pero hindi ko sinulat ang post na ito para ikuwento ang mga problema namin. Isinulat ko ito para ikuwento kung paanong napatunayan ko na, na totoo ang time machine. Dahil noong gabing yoon, kasama ang mga kaibigan ko noong college, 19 years old lang ulit ako. Nagsilbing salamin ang anim na mukha ng mga kaibigan ko - salamin kung saan nakita ko yung sarili ko sampung taon na ang nakakaraan. Kahit sa isang gabi lang na iyon, wala akong ibang inisip kundi ang pagpapatawa, at ang pagtawa.

Walang kliyente. Walang hearing. Walang deadline. Walang kaaway. Walang gagawin. Walang kakausapin. Walang stress. Walang meeting; wala ang lahat ng bagay na nagpapakumplikado sa pag-inog ng mundo ng mga taong katulad namin na, kagaya ng lahat, kinailangang tumanda. Pero noong gabing iyon, gamit ang isang magic mic at humigit kumulang apat na bote na alak, pansamantala eh nadaya namin ang tadhana. Wala sa aming 27 o 28 noon.

Pansamantala....

Kinabukasan, kanya-kanya na ulit ng kalsada na nilakaran. Kanay-kanya na ulit ng panaginip na hahabulin.


Merong akong teorya. Ayon dito, ng panahon ay kontrolado ng isang malaking orasan. At ang orasan na iyon ay binabantayan ng isang mama na malaki ang katawan. Hindi siya pumapayag na galawin ang orasan na iyon. Walang pwedeng makialam sa orasan na iyon. Kaya naman, kahit anong gawin natin, hindi nating magawang maibalik ang kahit isang oras o minuto sa buhay natin, kapag ito ay nagdaan na. Ang batas ng buhay ay ito - pag bahagi na nang nakaraan, nakaraan na lang talaga iyon.Pero noong March 1, 2008, nakatulog yung mama na nagbabantay sa orasan na sinasabi ko.

Pansamantala, sa di malamang kadahilan, nagawa kong manipulahin ang panahon.

Ngayon, nandito ako sa harap ng laptop na ito, at matiyagang nag-aabang at umaasa na muling makakatulog yung mama. Tahimik na naghihintay ng isa pang "pansamantala"...

Wednesday, November 28, 2007

Salamin for sale

It's official - sira ang salamin namin sa bahay!

Matagal na din akong hindi tumititig sa salamin. Kapag umaga kasi, napapalingon lang ako sa salamin pag magsusuklay ako. Pero kaninang umaga, parang may kung anong hiwaga ang bumalot sa akin kaya, parang babae, napatitig ako sa sarili ko sa salamin. At sa nakita ko, napatunayan ko na sira nga ang hayup na salamin na iyon.

Para kasing ang taba ng dating ko sa salamin na iyon. Hindi siya makatotohanan.

Kagabi lang, bago ako matulog, parang may nakita pa akong abs sa tiyan ko. Nang bilangin ko siya eh walo pa siya. Pero pagharap ko kaninang umaga lang, meron pa naman akong nakita pero hindi na siya pedeng tawaging abs dahil isa na lang siya - isa na lang siyang malaking ab. Parang imposible naman ata na ganun kabilis ang mga pangyayari. Hindi dapat ganoon kabilis nawawala ang paiging "hunk" ko.

Naalala ko tuloy yung pelikulang Spiderman. Noong nakagat si Peter Parker ng radioactive na spider, biglang gumanda ang katawan niya sa loob lang ng isang gabi. Hindi kaya ganoon din ang nangyari sa akin? Hindi kaya at nakagat ako ng isang radioactive na baboy? Kaya paggising ko eh nagkaganito na ako? Pinipilit kong isipin pero parang wala talaga akong maalala na nakasalubong na baboy kahapon, na lihim na kumagat sa akin.

Ano ba ang nangyayari sa akin?!? Hindi kaya may sakit ako? Umiinom naman ako ng Fitrum pagkatapos kong kumain ng dalawang order ng lechon kawali at tatlong rice, pero parang walang nangyayari. Bakit ako tumataba? BAKIT?!?

Minsan tuloy ay iniisip ko na lang na baka parusa sa akin ito. Malamang, noong previous life ko eh sobrang ganda ng katawan ko. Ala-Adonis siguro ako at sa sobrang ganda ng katawan ko eh ultimo mukha ko ay may abs. Sobrang "hunk" ko siguro noon na sa tenga ko lang ay makakakita ka ng biceps. Pero malaki ang posibilidad na inabuso ko ang "gift" ko na iyon. Ayan tuloy nangyari sa akin sa buhay na ito.

P.S. Walang silbi ito.

Thursday, November 08, 2007

Kung ako ay may anak....

Dear anak,

Yaman din lamang at nasa hustong gulang ka na, nararapat lang na bigyan kita ng mga payo tungkol sa buhay. Hindi ito perpektong payo, dahil hindi naman ako perpekto. Pero ang mga sasabihin ko sa iyo dito ay natutunan ko, hindi sa libro, kundi sa araw-araw na paglalakad. Alam kong matututunan mo din naman ito balang araw, pero naisip ko lang na sabihin ko na sa iyo ngayon dahil, sa totoo lang, wala akong magawa. Sa mga susunod na pangungusap ay matutuklasan mo ang sikreto ng buhay, na hanggang ngayon ay sikreto pa rin sa ibang tao.

1. Wag kang magugulat sa sasabihin kong ito anak pero, hindi totoo si santa claus. Walang overweight na lalaking nakapula na bumababa sa bintana natin tuwing pasko at naglalagay ng laruan o pera sa medyas mo. Ako lang talaga ang naglalagay noon kapag tulog ka na. Medyo nakukunsensiya nga ako pag nakikita kitang naghihintay sa harap ng medyas, na para bang asang-asa na makikita mo si santa claus. Nuong sinabihan mo ako minsan na "you saw mommy kissing santa claus", hindi iyon si Santa Claus. Yun ay ang kumpare ko na siyang dahilan kung bakit hiwalay na kami ng mommy mo. Dun na siya sumama. Kaya itigil mo na ang pagbabantay sa harap ng medyas mo tuwing pasko dahil hindi nga totoo si Santa Claus. Sa edad mo ngayon na forty five, nakakaasiwa nang tingnan.

2. Sa ayaw mo man at sa gusto anak, tataba ka. Yun ang isa sa katotohan na kailangan mong harapin. Wag mo nang pilitin na mag-diet o mag-gym dahil pareho iyong walang silbi. Puno't dulo, lahat ay tumataba. Wag mong pansinin yung mga artista na nasa magasin dahil hindi naman totoo na ganoon sila ka-sexy o ka-macho. Photoshop lang ang dahilan kung bakit sila ganoon. Tandaan mo na ang mga taong hindi tumataba ay yun lang wala talagang makain (kagaya ng mga pulubi), o kaya naman ay yung mga taong hindi makakain (kagaya ng mga adik).

3. Tungkol naman sa maselang paksa ng pag-ibig, didiretsuhin na kita anak - kahit na hindi ka kagandahang lalaki ay wag kang mawawalan ng pag-asa pagdating sa pag-ibig. Hindi lahat ng babae ay puro panlabas na anyo lang ang tinitingnan. Hindi totoo na mga guwapo lang ang kaya nilang ibigin. Anak, meron pa ding mangilan-ngilan diyan na ang hinahanap sa isang lalake ay hindi mukha, kundi pera. Dahil nga medyo pangit ka, magpakayaman ka at sila mismo ang maghahabol at iibig sa iyo.

4. WAG NA WAG kang kukuha ng credit card anak. Yun ang dahilan kung bakit hanggang ngayon ay nagtatago tayo.


5. Iwasan mong magbisyo. Wag kang magyosi, magsugal, mambabae, maglasing at kung ano-ano pa. In short, iwasan mong sumaya. Mas makakabuti sa buhay mo kung malungkot ka lang palagi.


6. Mag-aral ka nang mabuti anak. Pero gawin mo lang yun habang nasa elementary ka pa. Pagdating mo ng high school at kolehiyo, mapapansin mo na wala ng nag-aaral sa iyong mga kaklase. Yun talaga ang dapat. Mapapansin mo naman na, sa kabila ng hindi mo pag-aaral, pumapasa ka pa rin. Ganoon ang siste ng pag-aaral dito sa Pilipinas.

Sa ngayon ay hanggang dito na lamang ang sulat ko. Susubukan kong sumulat pa sa iyo sa mga susunod na taon ng buhay mo. Sana ay kapulutan mo ito ng aral.

Nagmamahal,

Daddy Cid


Sunday, November 04, 2007

Aswang sa Tondo

Merong aswang sa Tondo. Wala sigurong maniniwala sa akin, pero bata pa lang ako ay alam ko na na merong aswang dito. At hindi lang ako ang nakakakita sa kanya. Marami kaming mga bata noon, na siguradong-sigurado na aswang yung isa sa kapitbahay namin.

Hindi ko sigurado kung ano tunay na pangalan ng aswang na yun. Basta kabisado ko yung itsura niya. Matanda na siya at makikita mo na sa mukha niya ang lahat ng senyales ng pagiging isang matanda - kulubot na mukha, nalalagas na buhok, at kakaunting ngipin. Kaya nung bata kami, takot na takot kaming magpipinsan kapag dumaraan na siya sa bahay. Natatakot kami na kainin niya. Pero, awa ng Diyos, sa ilang taon na nakatira kami sa Tondo, wala naman akong kakilala o kamag-anak na kinain niya. Sabi nila, nagbabago din daw ng anyo yung aswang nay un, pero hindi ko naman nakita. Sabi lang ng pinsan ko eh nakita niya raw na naging paniki.

Kaya sigurado ako na aswang siya.

Ilang taon din ang tinakbo ng buhay ko. Dala siguro ng eksperyensya ng pagtanda, hindi na ako masyadong natatakot sa aswang ditto sa Tondo pag paminsan-minsan ay nakikita ko siyang dumadaan sa harap ng bahay naming. Gayunpaman, nanatiling nakatatak sa ulo ko na isa siyang aswang. Kaya kahit kalian ay hindi ko siya binati o inimbitang makisalo sa amin pag kumakain kami ng mga barkada ko sa labas. Maqhirap na dahil baka nga pati kami ay kainin niya.

Kaninang umaga, napagawi ako sa lugar kung saan alam kong nakatira yung aswang. Nagulat ako sa nakita ko. May tolda sa harap ng bahay nila. At, kagaya ng iba pang katulad na sitwasyon, nalaman ko na may patay sa kanila. At mas lalo akong nagtaka nang malaman ko na ang patay pala ay yung aswang.

Bakit siya namatay? Hindi ba at walang kamatayan ang mga aswang? O baka naman matagal na siyang hindi kumakain ng tao? Kaya siguro nanghina siya at namatay. Madami akong tanong kaya minabuti ko na makipag-tsismisan muna sa mga tambay sa harap ng bahay ng aswang.

Nakakalungkot pala ang buhay ng aswang na ito.

Iniwan siya ng asawa niya, dati pa. Ang mga anak niya din, matapos niyang palakihin mag-isa, iniwan din siya. Hindi nga nila sigurado kung dadalaw man lang sa lamay ang mga anak niya. Sa iilang tao na nandoon sa lamay, karamihan dun ay nakikisugal lang at hindi nakikiramay. Ito ay sa kabila ng sinasabi nila sa akin na mabait naman ang aswang na yun.

Naisip ko tuloy na mahirap pala maging aswang, mag-isa ka na ngang nabubuhay, mag-isa ka pang mamamatay.

Nagturok ako ng isang kandila bago umalis. Nakakalungkot man ang mga narinig at nakita ko, natutuwa na rin akong malaman na, ngayong wala na siya, malamang ay mas maayos ang kalagayan niya. Hindi ko alam kung paano manghusga ang Diyos sa mga katulad niyang aswang. Wala akong ideya kung paano hahatulan ng Diyos ang mga aswang na kagaya niya. Pero, natitiyag ko na ang panghuhusga at panghahatol ng Diyos, ay higit na mabuti kaysa sa panghuhusga at panghahatol ng mga tao dito…