Tuesday, August 28, 2007

28 years later


28 taon...

Alipin ka pa din ng kahapon. Hindi mo pa rin kayang iwanan ang kahapong pilit mong ginagamit na pananggalang sa ngayon. Hinihintay mo pa din ang bukas na wari bang sa iyo ay matagal ng lumipas. At hinahanap mo ang taong dati rati ay madali mong tawaging ikaw. Saang banda nga ba ng paglalakbay mo siya naiwan?

Saan ka pupunta?

Tinatanaw mo ang bukas ngunit umaalon ang paningin mo. Makulimlim sa dakong iyon kaya natatakot ka. Taliwas sa akala ng karamihan, kailanman ay hindi ka naging sigurado sa mga bagay na parang kasing-dalas na ng ulan. Paunti-unti man, marahang sumasara ang pag-asang dati-rati ay kalaro mo at kausap.

Nalilito ka.

Nalalaman mong walang nakakaalam sa kung ano ang nasa isip mo. Nakadaragdag sa iyong kaba ang malamang isa kang malaking palaisipan para sa ibang tao. At nanganganib kang patuloy na mapaligiran ng kaibigan at kakilala, ng nag-iisa.

Hindi biro ang dami ng tanong na nasa isip mo. Hindi rin biro ang malaman na malamang na hindi mo masagot ang lahat ng iyon. Naghahanap ka ng sagot. Pero hinahanap ka din niya. Malabo na kayong magkita....

Masaya ka ba?

Meron ka pang 28 taon ulit para mag-isip....

- Don Alejandro Buenaventura (1876)

Tuesday, August 14, 2007

Pants

Mahirap din talaga minsan yung hindi mo masyado binibigyang pansin kung ano ang isinusuot mo sa araw-araw.

Ganun kasi ako.

Hindi katulad ng iba na halos dalawang oras ang inaabot kakaisip kung bagay ba ang orange na t-shirt sa red na panatalon, hindi ko masyado pinagtutuunan ng pansin yung mga ganung bagay. Basta sa akin, suot lang ng suot. Kahit anong kulay pa yan, basta kasya, ayos na. Kaya kung tutuusin, hindi naman talaga ako baduy, tamad lang.

Ang kagandahan naman sa hindi masyadong mapili sa sinusuot na damit eh mabilis lang ang orasyon ko pagkatapos maligo. Mga kulang pitong minuto lang siguro ang nauubos ko sa pagdadamit. All in all, kasama na ang paliligo, halos sampung minuto lang ang nagagamit ko sa pag-aayos. Pero kahit ganun, madalas pa din akong late sa mga usapan...trapik kasi eh.

Kaninang umaga, katulad ng nakagawian ko na, bumunot lang ako basta ng pantalon at polo sa mga damit ko. Wala nang kumbinasyon chuva. Para kasi sa akin, ang damit ay damit lang. Hindi pang-porma*. Anyway, ayun nga. Dahil hindi ko na tinitingnan kung ano ang sinusuot ko, hindi ko din nakita na butas pala ang nasuot kong pantalon. As in may malaking butas sa may bandang puwitan.

Hindi naman kapangitan ang puwet ko, pero nahihiya pa din ako ng sitahin ako at sabihan nga na butas daw ang aking pantalon. Mga bandang hapon na ng sitahin ako. Kaya buong araw na pala akong naglalakad, at kung saan-saan nagpunta, ng wala man lang kamalay-malay na meron na pala akong kahihiyang dala-dala. Napilitan tuloy akong bumili ng polo na mahaba. As in kasing-haba ng mga polo ni B1 at B2**, para lang mapagtakpan ang dapat mapagtakpan. Gayunpaman, parang ayaw ko ng isipin kung gaano kadaming tao na ang nakakita sa akin kanina, at lihim na natawa.

Kaya simula sa araw na ito, magbabagong buhay na ako. Kailangan ko ng ayusin ang buhay ko; araw-araw na akong magsusuot ng mahabang polo...

*Ito ang dahilan kung bakit may orange ako na barong.
**Si B1 at B2 ay ang dalawang baklang saging na mapapanood dati sa TV.

Wednesday, August 01, 2007

Financially challenged

Dear Pera,

Habang sinusulat ko ito, umaasa ako na nasa isa kang computer shop ngayon at nag-susurf sa internet. Sana ay suwertihin ako at mapadaan ka sa blog kong ito, at mabasa mo ang sulat kong ito. Dalangin ko na nasa maayos kang kalagayan habang binabasa mo ito.

Pera, ilang beses na kong sumulat sa iyo. Sinubukan ko ang email mo (pengeng_pera@yahoo.com), pero hindi ka naman sumasagot.. Tinext at tinawagan din kita pero palaging off ang cellphone mo. Ano ba ang problema? Bakit mo ba ko iniiwasan?!?

Wala akong masamang ginagawa sa iyo, pera. Alam mo iyon. Pero ilang buwan ng halos hindi tayo nagkikita. Kung magkita man ay sandali lang. As in nagpupunta ka din sa iba. Ni wala kang pasabi kung bakit. Masakit ang ginagawa mo sa akin totoo lang. Nagdurugo ang puso ko tuwing hindi kita nakikita. At lately eh hindi na talaga kita nakikita. Maawa ka naman....

Bumalik ka na sa piling ko. Mukha na akong tangang nakikiusap sa iyo ngayon. Kinakain ko na ang pride ko. Kahit ang sabi ng mga nakakatanda ay hindi ka naman daw mahalaga, ang masasabi ko lang sa kanila ay leche sila! Eh di sila ang ang mabuhay ng wala ka. Wag na nila ko idamay. Gusto kitang makasama. At sana ay magtagal na ang susunod nating pagkikita. Pangako ko na aalagaan kitang mabuti.

Wag ka na magalit sa akin please... Kung ano man ang kasalanan ko, patawarin mo na sana ako. Anuman ang mangyari, hihintayin kita.....

Nakikiusap,

Cid

P.S. Kung talagang ayaw mo na sa akin, mag-iwan ka naman ng kapalit. Thanks.

Thursday, June 14, 2007

Ano ang mangyayari pag wala akong mapagsabihan?

Gusto ko lang linawin na, simula nung natuto akong mag-isip mag-isa, hindi ko naging ugali ang pag-isipan ng malalim ang iniisip sa akin ng ibang tao. Wala talaga akong pakialam, basta alam ko na hindi naman ako nang-gagago. Kung ano isipin ng iba, problema nila iyon. Mas madami pa akong bagay na dapat isipin kesa diyan.

At puwede ba?!? Wala akong panahon na bigyang pansin, o gawing subject ng discussion ang mga usapin na masyadong pambata! Puwedeng kang mag-isip bata, pero sa hindi sa paraan na nagiging para kang black hole, na sumisipsip ng gulo!

Gusto ko sanang sabihin sa iyo ito pero nakakapagod lang dahil alam kong hindi mo maiintindihan.

Yun lang.

Masaya na ulit ako....

Wednesday, May 30, 2007

Party List

Noong nakaraang eleksyon, nagtrabaho ako bilang security guard sa provincial canvassing. Dahil walang coordination ang local security guards sa security guards na galing sa HQ, wala naman akong ginawa dun kundi mag-tally lang ng mga boto. At nakakatamad pala ang trabaho na yun. Parang inutusan akong magtelebabad sa pamamagitanng panonood ng 700 Club.

Okay lang naman pagdating sa mga local at national candidates. Ang sobrang nakakasira ng ulo yung pag-tally ng party list. NAPAKADAMI ng party list. Hindi ko akalain na meron palang 93 na registered party list. Siyempre, kapag isa-isa iyong binabasa, tumatagal talaga. Ang ginagawa pa naman ng mga canvassers eh binabasa ang buong pangalan ng mga party list.

Kung tutuusin, maganda naman ang rationale kung bakit merong party list. Sila dapat ang representatives ng mga marginalized sectors dito sa atin. Ang problema, basahin mo pa lang yung mga pangalan ng mga party list na iba, magdududa ka na kung talagang "marginalized sectors" ba talaga ang nire-represent nila. Meron ngang party list na The True Marcos Loyalist. HA? Kelan pa naging marginalized sector yun!

Ang tatlo sa pinaka-common na salita na makikita mo sa mga paty list ay:

1. "Alliance of" chuva chuva ek ek
2. "Alyansa ng mga" etc., etc., etc.
3. "Association of" yadada yadada yadada

Halata tuloy na kaya lang nila ginagamit ang mga salitang yan eh para nasa una sila ng listahan. Hindi mo talga maintindihan kung sino at ano ba talaga ang pinaglalaban nila. Kasi parang lahat pedeng magtayo ng party list. Kailangan mo lang eh magandang acronym.

Kaya eto ang mga party list na i-reregister ko next elections....

1. ACBE (Alliance of Care Bears Enthusiast)
2. APIR (Alyansa ng mga Pilipinong Ibig ang Red Horse)
3. API (Alyansa ng mga Pilipinong Inutil)
3. ACATES (Association of Citizens Advocating The Enlightenment of Smurfs)
4. OTU-PIHIT (Organisasyon ng mga Tunay na Pilipinong Hindi pa Tuli)
5. ACCAI (Alliance of very Concerned Citizens against In-growns)
6. SAPAW (Samahan ng mga Pilipinong Ayaw sa Walis)
7. SASAYA (Stay As Sweet As You Are)
8. ITALY (I Trust And Love You)
9. JAPAN (Just Always Pray At Night)
10. ADIDAS (Ako ay Dapat Isuot Dahil Ako'y Sapatos)

Friday, May 11, 2007

Senator Cid

Sa darating na eleksyon, malaki ang posibilidad ng hindi ako manalo bilang Senador. Una sa lahat. hindi ako sikat. Pangalawa, hindi ako nag-file ng certificate of candidacy. At pangatlo, wala akong pera para mangampanya. Ang perang nasa bulsa ko ngayon eh sakto lang pampagawa ng humigit kumulang anim na sticker, at mga apat na election poster. Kung senador ang tatakbuhin ko, parang kulang ata iyon. Lalo pa at, sa huli kong pagkakaalam, higit sa sampung tao ang bumoboto tuwing eleksyon.

Pero, kagaya ng madalas kong sinasabi, hindi ako nawawalan ng pag-asa. Alam kong may potensyal ako bilang isang pulitiko. Stepping stone ko siguro ang baranggay chairman, tapos ay senador na. Pagtapos nun ay either presidente ng Pilipinas, o kaya naman ay Pope.

Anyway, sino ba ang ayaw maging senador? Lalo pa at ang mga senador dito sa Pilipinas ay walng ginawa kundi magtrabaho para sa ikabubuti ng Pilipinas. As in lahat sila ay halos doon na matulog sa Senate Hall para makipagdebate at gumawa ng mga batas. Higit sa lahat, hindi sila nakikipag-usap sa mga contractors para maging wasto ang paggamit nila sa kanilang pork barrel. At may kaibigan silang higante, na barkada ni Maria Makiling, na siyang nangangalaga sa kalikasan. Sa lugar nila, na malayong-malayo, at merong isang ilog na ang tubig ay nakakagaling sa anumang uri ng sakit. Higit sa lahat, ang ulan sa kanila ay gawa sa magnolia chocolait, na minsan ay napagkakamalang selecta moo.

Senator Cid! Ang ganda pakinggan. Nag-iisip na ko ng mga mgandang election propaganda eh -

(a) Seed (sounds like Cid), itanim sa senado.

(b) Cid,pangarap niyang tuparin ang pangarap niya. Pero pagtapos, pangarap niyo naman.

(c) Cid, titikayin ang libreng gamot sa lahat ng walang sakit!

(d) Sugod kasama si Cid! (to the tune of Sugod mga Kapatid by Sandwich)

(e) Cid, ang may pinakamagandang boses sa senado.

Anyway, mga working concepts pa naman yan. Sigurado ko na sa 2010 ay may mga mas maganda pa akong maiisip.

Kung mananalo ako, ano ang plataporma ko? Kahit sa Pilipinas ay hindi kailangang may plataporma para manalo, gusto ko lang meron akong handang programa. Hindi tama na walang programa ang isang kandidato. Kaya heto ang mga naisip ko -

(a) Hindi na tayo aangkat ng bigas. Ipagbabawal ko na lang ang pagkain ng bigas. Tutal, marami namang Pilipino ang plastik (tulad ng mga kapatid ko) at "no rice" diet sila. Kung bawal na kumain ng bigas, tipid na ang bansa, papayat pa ko.

(b) Walang kaibigan, walang kamag-anak, walang kumpare. Puro cronies lang.

(c) Aalisin ko ang trapik. Nakakasira ng ulo ang sobrang trapik. Kung gaano kabagal ang galaw ng trapik sa EDSA pag biyernes ng gabi, ganun din kabagal ang pag-angat ng ekonomiya. Kaya bilang solusyon sa trapik, pagbabawal kong ang anumang uri ng sasakyan sa kalsada (except sa sasakyan ko siyempre). Mandatory ang paglalakad sa lahat. Hindi pwedeng dahilan ang layo ng lalakarin. Pag napatupad ko ito, lahat ng Pinoy ay magiging slim.

Pwede! Ilang lang yan sa mga naiisip ko. Pero tinatamad na ko eh. Kita nyo naman, konti pa lang nagagawa ko, tinatamad na ko, pwedeng-pede na talaga ako maging senador.

Monday, April 16, 2007

Class Predictions

Bakit wala akong nakikitang ganitong class predictions sa likod ng annual?

CLASS PREDICTIONS FOR BATCH 2007

Ngayon ay 2020 na. Ang aking mga kaklase ay mga sikat ng tao sa lipunan. Halimbawa na lamang ay si Ton-Ton Lico na class valedictorian namin noong high-school, hanggang ngayon ay tinutugis pa rin siya ng alagad ng batas dahil sa pyramiding scheme na kanyang naimbento. Kung dati-rati ay tahimik lang si Ton-Ton, nakakatuwang malaman na isa na siya sa pinakasikat na Estafador ng bansa!

Si Estela Mana, naaalala mo pa ba? Siya yung "shy girl" ng klase. Yung laging namumula kapag may nagsasabi ng green jokes? Nakakatutuwang malaman na isa na siyang devoted mother ngayon sa kanyang dalawampung anak. Kahit ang dalawampung anak niyang iyon ay mula sa iba't ibang lalake, nakakataba ng pusong malaman na kaya niya itong alagaan sa kabila ng kanyang munting kinikita bilang dancer sa isang nightclub sa quiapo. katrabaho niya si Dindi Louan, na noon ay nagbabalak na magmadre.

Si Dra. Luisa Menor, ang kaklase nating number 1 sa science class, ay sikat na sa buong mundo. Natuklasan niya ang gamot sa isa sa pinakamalalang sakit sa buong mundo - ang sakit na kung tawagin ay sinat. Ang gamot ay tinawag niyang Biogesic. Sayang nga lang at nakulong siya sa kasong copyright infringement. Kasama niyang nakakulong ang class dentist na si Dra. Pinky Digo. Nakulong si Dra. Digo ng makapatay siya matapos maglagay ng braces sa isang sanggol.

Si Monte Claro, ang class debater, ay isa na ring sikat na abogado. Walang papantay sa kanyang galing kung pag-uusapan ay ang kanyang expertise. Isa siya sa pinaka-successful na abogado na nagha-handle ng mga kasong jaywalking at double parking. Malaki ang kanyang opisina sa city hall, duon sa may ilalim ng punong narra, kung saan siya nag-nonotaryo.

Si Brando Gardo, ang school bully na laging may ginugulpi, ay isa sa pinakasikat fashion designers ngayon. Siya rin ay isang sikat na lobbyist na sinusulong ang pagkakaroon ng same sex marriage.

Si Cid Andeza, na muntik nang hindi grumadweyt, ay isang sikat na businessman. Siya ang kauna-unahang Pinoy na naging Pope. Siya na rin ang may-ari ngayon ng buong mundo.