Friday, December 16, 2005

King Kong

Nitong mga nakaraang araw eh natambakan ako ng trabaho sa opisina. Kaya hindi nakapagtatakang ang huli kong post eh lagpas isang linggo na ang nakakaraan. Ilang beses ko na sinubukan na magsulat ulit, pero puro umpisa lang ang nagagawa ko. Hindi ko lagi matapos dahil...well...dahil hindi ko nga matapos.

Kahapon eh hindi ako nakapasok sa opisina. Nasagasaan kasi ako at ng 18 wheeler truck. Bale naputulan ako ng dalawang kamay. Kaya ang pinangsusulat ko ng post na ito ay ang natitira kong dalawang paa. Joke lang! Baka magkatotoo, syete! Ok lang magkatotoo sa iba wag lang sa akin. Selfish ako eh.

Ang totoong dahilan kung bakit hindi ako nakapasok kahapon ay isang malupit na sikreto. Masyadong mabigat at malalim ang dahilan. Masyadong personal kaya hindi ko maaring isulat sa blog na ito at baka maraming madamay at manganib ang buhay. Hindi totoo ang kumakalat na balita na kaya ako hindi nakapasok ay dahil sa nanoood ako ng King Kong. Sus! Hindi totoo yun!

Speaking of King Kong, pakiramdam ko ata eh nasayang ang pera ko sa pelikulang yun. Dragging ang takbo ng istorya. Para sa akin eh masyadong OA din sa haba ang pelikula. Kaya nga hindi ko tinapos. Baka kasi kung tinapos ko eh hanggang ngayon eh nasa sinehan pa ako. Anyway, alam ko naman na ang ending eh mamamatay si King Kong eh. Kamatayan ko nga eh hindi ko inaabangan, yung kay King Kong pa!

Napansin ko na maraming nanonood ng pelikula na yun kagabi. Karamihan sa kanila ay mga bata na kasama ang kanilang mga magulang. Dapat sa mga magulang na iyon eh ikulong! Masyadong bastos ang pelikula para sa mga bata. Dapat dun eh R-18 dahil sa dami ng breast exposures. Halos kalahati ng pelikula eh nakalabas lagi ang boobs ni King Kong. Nagtataka nga ako kung bakit hindi pinutol yun ng MTRCB.

Sa mga nagbabalak na manood ng King Kong, ang payo ko ay wag nyo ng ituloy. Imbes na ipanood nyo ng sine, ibigay nyo na lang sa akin ang pera nyo at matutuwa pa sa inyo ang tadhana.

Sa gumawa naman ng King Kong, heto ang mga mumunting suggestions para mapaganda nyo ang pelikula nyo, at maging angkop sa panlasang pinoy:

1. Pede nyo lagyan si King Kong ng pakpak. Tapos i-connect nyo ang pelikulang yan sa teleseryeng Mulawin. Tiyak na tatangkilikin iyan dito sa Pilipinas.

2. Hindi exciting ang pelikula kung walang love story. Suggestion ko eh lagyan nyo ng ka-love team si King Kong. Wag si Winnie the Pooh dahil masyado siyang maliit. Pede na siguro si Juday para halos magkasinglaki lang sila ng mukha. Tawagin nyo ciang Queen Kong.*

3. Isali nyo ako sa pelikula. Bale ako ang papatay kay King Kong sa pamamagitan ng aspile. Pagtapos nun eh may kissing kami ni Cindy Kurleto sa ibabaw ng bangkay ni King Kong.

*Para sa mga Juday fans - biro lang.


No comments: