Friday, May 05, 2006

Isang bukas na liham sa kumakanta ng Videoke noong Linggo

Dear Tikas,

Hindi ko sigurado kung iyan talaga ang pangalan mo. Yan na lang ang napili kong itawag sayo dahil, sa totoo lang, matikas ka talaga. Matikas ang tindi ng iyong self-confidence. Matikas din ang kawalan mo ng kahihiyan.

Noong Linggo ay may dinaluhan akong binyagan. Masaya ako noon dahil kumpleto ang barkada namin na mag-aanak sa isa pa naming barkada. Kahit sa Candava, Pampangga pa ang binyag, at kahit wala pa akong tulog nun dahil galing ako sa reunion, pinilit ko talagang makapunta. Maayos naman ang binyag sa simbahan kahit medyo may kainitan sa dami ng magpapabinyag. Hindi pa kita nakikita noon. Pagdating ko sa bahay ng aking barkada para kumain, dun ko narinig ang mala-demonyo mong tinig.

Noong una ay inakala kong nagpapatawa ka lang habang kumakanta ng "The day you said goodnight". Akala ko ay isa ka lang talagang magaling na komedyante dahil talaga namang nakakatawa kung pano mo awitin ang nasabing kanta. Pero ang tawa na bumalot sa aking bibig, ay unti-unting nabalutan ng ngitngit, dahil lahat ng kanta mo ay parang nagpapatawa ka na lang palage. Dun ko napagtanto na seryoso ka pala sa iyong pag-awit, at ang mas malala pa dun, hindi mo binitiwan ang mike. Sa bilang namin ng aming mga kaibigan, 12 songs ang sunod-sunod mong kinanta, bago ka nagpasyang tumigil. At dahil nga ang boses mo ay talaga namang nakakabaog, malaki ang posibilidad na ako, sampu ng mga sinamang palad na nakakarinig sau, ay hindi na kailanman magkakaroon ng anak.

Paano ko ba pedeng i-describe ang iyong boses? Wala akong maisip na salitang naimbento ang tao, para mailarawan kung gaano ka kawala sa tono. Sa totoo lang, nung kinanta mo ang Ulan ng Cueshe, parang gusto ko pasagasaan sa rumaragasang tren ang ulo ko. Hindi ko malaman kung ang kinakanta mo ay compose mo ba oh ano. Dahil kung ang tono ng kanta ay nasa chord na F, ikaw ay nasa chord na T. Isipin mo na lang Tikas, walang chord na T! Ganoong kalayo!

Hindi ko sinasabi na maganda ang aking boses. Miski magandang lalake ako, hindi naman ganoon kaganda ang aking tinig*. Pero por dyos por santos recoletos, hindi naman ganoon kalayo ang tono ko sa aktuwal na tono ng kanta. At pag nawawala ako sa tono, tumitigil naman ako. Ikaw? LABINGDALAWANG KANTANG puro wala sa tono! Sa totoo lang, kung umisa ka pa, nagbabalak na kong bagsakan ka na lang ng bloke sa ulo habang nakatalikod. Di bale nang makulong, matiyak ko lang na wala nang iba pang mabibiktima ng boses mo. Ang boses mo, sa aking palagay, ang ginagamit na pang-torture sa impyerno. Mas pipiliin ko pa ang kumukulong putik, kesa ang paulit-ulit mong pagkanta ng "Makita kang muli".

Medyo na-trauma tuloy akong umattend ng binyag. Kinakabahan ako at baka matyempo na naman ako't makita kitang ulit. Pag nagkataon kasi, baka isang kanta mo pa lang eh bigla na lang akong mabaliw.

Lubos na kaguwapuhan,

Cid

*Medyo hawig lang ng konti kay Josh Groban.

2 comments:

Anonymous said...

ala Josh Groban: hindi porque may magandang katangian tayo ay may karapatan tayong hanapin yun sa iba o pintasan ang iba. ano nga ba yung kinanta mo sa "Dimos" ni richard at ericka?
Tikas at sa mga tulad nya: makuntento kana kung nakakapagsalita ka, hindi lahat ng nakakapagsalita at may kakayahang kumanta. itanong sa may lathala kung kakayanin nyang magsupply ng packaging tape.

;-)

Anonymous said...

Grabe anonymous, ang simple mong bumanat!
Josh - ala eh nde ka naman masyadong pintasero noh?