Monday, October 23, 2006

Oo, tinatablan pa din ako.

Kahit kailan, hindi ako natutuwa kapag meron akong sakit. Bukod sa hindi ako natutuwang uminom ng gamot, hindi rin nakaka-aliw na mabigat ang pakiramdam ko. Lalo pa at ang ulo ko ay parang tinataniman ng narra sa sakit.

Noong sabado pa ganito ang pakiramdam ko. Hindi ko rin alam kung bakit nagkaganito. Basta ang alam ko lang, paggising ko eh nanginginig na ang aking kalamnan at masakit na ang ulo ko. Buti na lang kamo at umuwi ang mga kapatid ko sa Tondo. At least ay merong kumalinga sa akin. Kahit papano ay nagkaroon ako ng mga private nurses.

Dapat talaga ay hindi na ako papasok ngayon. Kaso kapag hindi naman ako pumasok eh deadcock ako sa opisina. Merong mga kailangang tapusin na hindi ko pede ipagpabukas. Plano ko nga sana eh noong sabado ko trabahuhin. Kaso eh bigla nga akong sinaniban kaya wala rin akong natapos. Pero hindi bale, kakayanin ko talaga itong tapusin ngayon. Tutal eh wala namang pasok bukas. Bukas na lang ako magpapahinga ng todo.

Samantala...kelangan munang magtrabaho.

Ang pinaka-ayoko talaga pag may sakit ako eh yung wala akong ganang kumain. Paano ka ba naman kasi gaganahan eh lasang paracetamol lahat ng kinakain ko. Bata pa lang ako eh hindi ko na nakahiligang kumain ng paracetamol. Kaya nga kung merong man akong mahihiling ngayon, yun ay sana maglasang lechon na lang lahat ng kinakain ko kapag may sakit ako. Kung ganon mangyayari, malamang kahit isang taon akong may sakit eh ok lang.

Haayyy.....sakit sa ulo talaga.

Pero may positive effect din ang pagkakaroon ko ng sakit - hindi ako makapagyosi. Bukod dun, wala na akong maisip.

Thursday, October 19, 2006

A show of support

Dear Mayor Binay,

Isang mapagpalayang araw sa iyo!!!

Gusto kitang batiin sa ginagawa mo ngayong pagkontra sa preventive suspension na nais ipataw sa iyo ng rehimeng Arroyo. Tunay nga na ang rehimeng ito ay tuta ng kano.

Isa ka talagang matapang na tao dahil hindi ka gumagamit ng ibang tao para harangan ang mga nais mag-implement ng order laban sa iyo. Sa halip, walang takot mong hinaharap mag-isa ang pagsubok na ito. Hindi ka gumagamit ng mga bayaring tao para harangan ang city hall ng makati. Wala ka ring kasamang may armas na siyang nagbabantay sa iyo. Napakatapang mo talaga.

Matagal na talaga kitang idolo. Sa katunayan, hindi lang isang beses ako sumulat sa Ponds, sa Likas Papaya, sa Block & White, at marami pang kumpanya na nagbebenta ng whitening products. Sumulat ako sa kanila para i-rekomenda ka sa kanila para maging modelo, pero hanggang ngayon ay wala pa ding sumasagot sa aking liham. Hindi ko talaga malaman ang dahilan kung bakit. Maganda pa naman sana kung magiging modelo ka nila - ikaw yung "before".

Pero balik tayo sa totoong dahilan ng aking sulat...

Naniniwala ako na wala kang kasalanan na ginawa laban sa gobyerno, lalo na sa iyong mga constituents. Pinalalabas lamang talaga nila ang lahat ng iyan para mapagtakpan ang kanilang kamalian. Nag-imbento sila ng mga akusasyon laban sa iyo. Sinasabi nila na meron ka daw ghost employees eh wala naman talaga. Sa katunayan, nakakuha ako ng listahan ng ibang empleyado diyan sa Makati. Ang listahan na ito ang magpapatunay na walang ghost employees ang Makati. Narito ang ilan sa nakalistang empleyado ng makati:

1. Casper
2. Sadako
3. Sam Wheat (search sa google kung sino ito)
4. Spooky
5. Myrtle

Ngayon, sino ang magsasabi na kayo ay merong ghost employees?!? Wala talagang kuwenta ang gobyerno natin. Ang daming mayor diyan na masama! Kung sino pa yung walang condo units sa makati, siya pa ang napagbibintangang gumagawa ng mali. Hindi ka naman corrupt! Wala ka ngang gaanong kinukuha sa tuwing may gustong magtayo ng building sa makati eh. Malinis ka, as in.

Bilang tanda ng aking suporta sa iyo, araw-araw akong kakain ng barbeque sa baba. Araw-araw din akong maliligo at magsisipilyo bago pumasok. Samakatuwid, araw-araw kong gagawin ang lagi ko naman talagang ginagawa.

Sana ay wag kang umalis sa city hall ng Makati. Ang payo ko din eh mag-hunger strike ka ng dalawang taon. Wag kang kumain at uminom ng kahit konti, hangga't wala kang nakakamit na hustisya.

Lubos na hindi gumagalang,

Cidie

P.S. Bagay sa iyo ang naka-fatigue. Lalo kang pumuputi.

Sabi nga ni Gary Valenciano - "kay tagal mo mang nawala, babalik ka rin".

Ang tagal ko ngang walang nagawang post. Ang daming nangyari sa buhay ko na hindi ko ata nasulat dito. Balak ko pa naman na pagtanda ko, at kung sakaling meron na akong Alzheimers, itong blog na lang na ito ang titingnan ko para maalala ko kung ano ang mga nangyari sa buhay ko. Yun ay kung maalala ko pa na meron nga pala kong blog.

Maraming dahilan kung bakit hindi na ko masyadong nagpo-post. Pero dalawa ang nangunguna sa listahan - trabaho at katamaran. Minsan kasi maraming kailangan tapusin. Sa sobrang dami, pag natapos mo na eh tinatamad na ko magsulat. Ang gusto ko na lang eh kumain at matulog.

Mahirap talaga minsan ang maging artista. Masyadong maraming taping at shooting. Lalo pa at katatapos lang ng pelikula ko under Star Cinema - "Tinimbang ka ngunit sobra".

Bukod sa matagal na kong hindi nakakapagsulat, matagal na rin akong hindi nakakapanood ng pelikula. Ang pangako ko nga sa sarili ko last week eh manood ako ng "The Departed". Awa ng Diyos eh hindi ko pa rin napapanood. Pero hindi ko papayagang hindi mapanood yun this week. Actually, ang balak ko mamaya eh manood ng dalawang sunod na pelikula. At kung sakaling may oras pa (at hindi pa ako bulag), gagawin ko ng tatlo. Wala lang. Masarap ding mag-trip na walang dahilan eh. Tsaka ang gusto kong trip eh yung hindi na kailangan ng maraming paliwanag.

Daming drama ngayon sa buhay ko. Pag inisa-isa ko eh baka mapuno agad ang free space na alloted para sa blog na ito. Pakiramdam ko minsan, kailangan kong gumapang para maka-usad. Buti na lang talaga at mas may itura ko kesa kay Jinggoy. Yun na lang nakakagaan ng loob ko.

May bago nga pala akong laptop. Yung dati ko eh nabasa nung bumagyo. Hindi ko naman kasi alam na hindi pala yung pede gawing payong. Walang espesyal na dahilan kung bakit ko nabanggit na meron na kong bagong laptop. Gusto ko lang talagang magyabang.

Last but not the least, meron na nga pala kong girlfriend. Meron kasing engkantada na nagkagusto sa akin nung nadaan ako minsan sa Balete drive. Kahit na apat ulo niya, at kalahati ng katawan nya ay katawan ng kalapati, pumayag na ko. Wala naman kasi sa itsura iyan eh. Nasa pagmamahalan yan.