Thursday, November 09, 2006

LRT at MRT

Ilang buwan na din akong sumasakay ng LRT at MRT ngayon. Mas mabilis kasi saka hindi ako gaanong mukhang galing sa desyerto pag yun ang sinasakyan ko. Pera na lang talaga kung ang masakyan kung LRT o MRT eh walang aircon. Pag kasi ganon ang nasasakyan ko, pagdating ko sa office, parang galing ako sa pakikipag-meeting kay sa satanas sa impyerno.

Sa ilang buwan kong pagsakay sa railway system dito sa Pinas, wala pa talaga kong nararanasang byahe na nakaupo ako ng maayos. Palagi na lang akong nakikipagsiksikan. Kaya nga itong darating na kapaskuhan, ang wish ko lang eh sana makaupo man lang ako sa LRT sa buong byahe ko. Minsan nga, miski hindi ako bababa sa Baclaran, parang naiisip ko na bumaba na lang doon para man lang maranasan ko kung ano ang pakiramdam ng upuan ng LRT, bago man lang ako pumanaw.

Napakasikip kasi ng LRT. At walang exception dyan. Tapos, masikip na nga, pipilitin pang pumasok ng iba. Kaya higit pa talaga sa sardinas ang kakalabasan nyo. Kaya nga walang katotohanan yung sinasabi ng LRT operator na humawak daw sa handrails. Langya! Kahit hindi ka humawak hindi ka naman babagsak dun sa sobrang sikip eh. Kung ikaw ay isang ina, kahit magpadede ka ng sanggol sa LRT*, tapos bitawan mo yung sanggol na hawak mo, hindi malalaglag. Parang floating lang siya dun.

Sa MRT, in fairness, nakakatyempo din naman ako ng upuan. Lagi kasing sa Taft ang station ko na sinusimulan. Kaso, kahit bihira na nga lang akong makaupo, tyempong meron palaging matanda na sasakay. Pagsakay nya na paupuin ko siya. At siyempre, kagaya ng isang pangkaraniwang pinoy ngayon - nagkukunwari na lang akong tulog.

Pero ang kinaiinisan ko talaga dyan eh yung mga taong sumasalubong sa mga bumababa. Kahit hindi nila kamag-anak yung mga bumababa eh sinasalubong pa din nila. Noong isang linggo nga, dala na din ng buwisit ko, nasigawan ko yung mga sumasalubong sa akin habang pababa ako sa Guadalupe.

"SANDALI LANG!" -sabi ko. Tapos ginulpi na ko ng taong bayan.

*Hindi ko nirerekomendang gawin ninyo ito, sa dami ng manyakis na sumasakay sa LRT. Pero kung ako katabi nyo, po-protektahan ko kayo.

No comments: