Monday, March 20, 2006

Ewan ko

Labingtatlong araw na ang nakakaraan, nagpost ako sa blog na ito.

Grabe! Ganun na pala katagal. Ang hirap kasi makahanap ng oras nitong mga nakaraang araw. Medyo madaming trabaho. Maraming dapat puntahan. Kaya pagdating ko dito sa opisina, ang ginagawa ko na lang kadalasan eh ang maidlip. Tinatakasan ako ng inspirasyong magsulat kapag ganoong pagkakataon. Katulad ng karamihan, mas inspired akong matulog kapag pagod.

San ba nakakabili ng time machine?

Taliwas sa akala ng iba, nag-iisip din naman ako minsan. Hindi sa lahat ng pagkakataon eh puro kalokohan lang ang naiisip ko. Minsan kasi eh kailangan din namang magseryoso. Minsan kailangan kong harapin ang isang problema, ng hindi nakatawa. Minsan talaga, hindi kayang takpan ng ngiti ang nararamdaman mong lungkot. Kahit naging ugali ko na ang pagiging masayahin, hindi ko maitatago na, kahit papano, nakakaramdam din ako ng stress.

Uuulitin ko, san ba nakakabili ng time machine?

Parang kailan lang, parang ilang kisapmata pa lang ang nakakaraan, isa kong bata na walang ibang problema kundi ang paglalaro. Maliwanag pa sa sikat ng araw ang alaala ng mga adventures ko noon. Kada lakad, kada takbo, at kada lugar na mapupuntahan ay bago. Hindi ko pa alam ang kahulugan ng salitang mababaw noon. Kaya siguro ang mga bagay na sa tingin ko ngayon ay mababaw na dahilan para maging masaya, ay nagbibigay sa akin noon ng sapat na dahilan para tumawa ng tumawa. Ngayong "malalim" na ako, natuklasan ko na ang pagiging mature ay hind garantiya ng kasiyahan. Hindi sila directly proportionate kumbaga.

Kung walang nabibiling time machine, meron bang na-aarkila?

Kapag napapagod ako, kapag nakikita ko ang pangit sa mundo na ginagalawan ko ngayon, binabalikan ko ang alaala na naipon ko noong bata pa ako. Ang tawag ko sa kanila eh mga "Alaalang Batibot". Alaala ng mga panahon na inosente pa akong naniniwala kay Pong Pagong, kay Kiko Matsing, at kay Manang Bola. Mga alaala ng isang musmos na walang puknat na sumusubaybay sa programang Batibot, sa pag-aakalang iyon talaga ang totoong mundo. Napakarami kong masayang alaala noon na hindi matatawaran ng kahit ano.

Meron bang mahihiraman ng time machine?

Hindi ata sumabay sa edad ko ang utak ko. Hindi kinayang sabayan ng pagtanda ng katawan ko, ang pagtanda ng isip ko. Iyon siguro ang dahilan kaya, paminsan-minsan, kinakailangan kong takasan ang kasulukuyan, sa pamamagitan ng pagbabalik-tanaw sa nakaraan.

Masama bang gumawa ng time machine?

Wala sigurong masama sa pag-aalala sa nakaraaan na hindi na pedeng balikan.

Kailangang kong harapin ang hamon ng araw na ito ng nakatayo. Hindi ko pedeng yukuan ang panahon. Hindi madaling kalaban ang oras. At mas lalong hindi madaling talikuran na lang basta ang mga pagsubok na dala nito.

Pero hangga't nandyan ang mga "Alaalang Batibot", wala akong dapat ipangamba.



2 comments:

Anonymous said...

"Wala sigurong masama sa pag-aalala sa nakaraaan na hindi na pedeng balikan." - korek. madalas ko rin naiisip ang mga "alalaang batibot" ko at nalulungkot sapagkat miss na miss ko ang maging bata, at medyo ironic kasi nung bata ako, gustong gusto ko nang lumaki at maging malaya. pero ngayon, gusto ko ng bumalik din sa pagkabata dahil ang gulo ng buhay teenager. TEEN ANGST ampfootah...

paalam nio po kung natapos niyo ng ang ginagawa niyong time machine. hihiramin ko rin. hehehe ^_^

Anonymous said...

I agree kung meron lang time machine kapag nakakaramdam ka na medyo ang hirap na ng dinadala mo kahit sandali lang makabalik ka sa mga moments na masaya kahit hindi isang buong araw ok lang. At makita mo ulit ang mga taong miss mo! Kapag nagkaroon ka baka pwedeng pahiram din.