Wednesday, November 28, 2007

Salamin for sale

It's official - sira ang salamin namin sa bahay!

Matagal na din akong hindi tumititig sa salamin. Kapag umaga kasi, napapalingon lang ako sa salamin pag magsusuklay ako. Pero kaninang umaga, parang may kung anong hiwaga ang bumalot sa akin kaya, parang babae, napatitig ako sa sarili ko sa salamin. At sa nakita ko, napatunayan ko na sira nga ang hayup na salamin na iyon.

Para kasing ang taba ng dating ko sa salamin na iyon. Hindi siya makatotohanan.

Kagabi lang, bago ako matulog, parang may nakita pa akong abs sa tiyan ko. Nang bilangin ko siya eh walo pa siya. Pero pagharap ko kaninang umaga lang, meron pa naman akong nakita pero hindi na siya pedeng tawaging abs dahil isa na lang siya - isa na lang siyang malaking ab. Parang imposible naman ata na ganun kabilis ang mga pangyayari. Hindi dapat ganoon kabilis nawawala ang paiging "hunk" ko.

Naalala ko tuloy yung pelikulang Spiderman. Noong nakagat si Peter Parker ng radioactive na spider, biglang gumanda ang katawan niya sa loob lang ng isang gabi. Hindi kaya ganoon din ang nangyari sa akin? Hindi kaya at nakagat ako ng isang radioactive na baboy? Kaya paggising ko eh nagkaganito na ako? Pinipilit kong isipin pero parang wala talaga akong maalala na nakasalubong na baboy kahapon, na lihim na kumagat sa akin.

Ano ba ang nangyayari sa akin?!? Hindi kaya may sakit ako? Umiinom naman ako ng Fitrum pagkatapos kong kumain ng dalawang order ng lechon kawali at tatlong rice, pero parang walang nangyayari. Bakit ako tumataba? BAKIT?!?

Minsan tuloy ay iniisip ko na lang na baka parusa sa akin ito. Malamang, noong previous life ko eh sobrang ganda ng katawan ko. Ala-Adonis siguro ako at sa sobrang ganda ng katawan ko eh ultimo mukha ko ay may abs. Sobrang "hunk" ko siguro noon na sa tenga ko lang ay makakakita ka ng biceps. Pero malaki ang posibilidad na inabuso ko ang "gift" ko na iyon. Ayan tuloy nangyari sa akin sa buhay na ito.

P.S. Walang silbi ito.

Thursday, November 08, 2007

Kung ako ay may anak....

Dear anak,

Yaman din lamang at nasa hustong gulang ka na, nararapat lang na bigyan kita ng mga payo tungkol sa buhay. Hindi ito perpektong payo, dahil hindi naman ako perpekto. Pero ang mga sasabihin ko sa iyo dito ay natutunan ko, hindi sa libro, kundi sa araw-araw na paglalakad. Alam kong matututunan mo din naman ito balang araw, pero naisip ko lang na sabihin ko na sa iyo ngayon dahil, sa totoo lang, wala akong magawa. Sa mga susunod na pangungusap ay matutuklasan mo ang sikreto ng buhay, na hanggang ngayon ay sikreto pa rin sa ibang tao.

1. Wag kang magugulat sa sasabihin kong ito anak pero, hindi totoo si santa claus. Walang overweight na lalaking nakapula na bumababa sa bintana natin tuwing pasko at naglalagay ng laruan o pera sa medyas mo. Ako lang talaga ang naglalagay noon kapag tulog ka na. Medyo nakukunsensiya nga ako pag nakikita kitang naghihintay sa harap ng medyas, na para bang asang-asa na makikita mo si santa claus. Nuong sinabihan mo ako minsan na "you saw mommy kissing santa claus", hindi iyon si Santa Claus. Yun ay ang kumpare ko na siyang dahilan kung bakit hiwalay na kami ng mommy mo. Dun na siya sumama. Kaya itigil mo na ang pagbabantay sa harap ng medyas mo tuwing pasko dahil hindi nga totoo si Santa Claus. Sa edad mo ngayon na forty five, nakakaasiwa nang tingnan.

2. Sa ayaw mo man at sa gusto anak, tataba ka. Yun ang isa sa katotohan na kailangan mong harapin. Wag mo nang pilitin na mag-diet o mag-gym dahil pareho iyong walang silbi. Puno't dulo, lahat ay tumataba. Wag mong pansinin yung mga artista na nasa magasin dahil hindi naman totoo na ganoon sila ka-sexy o ka-macho. Photoshop lang ang dahilan kung bakit sila ganoon. Tandaan mo na ang mga taong hindi tumataba ay yun lang wala talagang makain (kagaya ng mga pulubi), o kaya naman ay yung mga taong hindi makakain (kagaya ng mga adik).

3. Tungkol naman sa maselang paksa ng pag-ibig, didiretsuhin na kita anak - kahit na hindi ka kagandahang lalaki ay wag kang mawawalan ng pag-asa pagdating sa pag-ibig. Hindi lahat ng babae ay puro panlabas na anyo lang ang tinitingnan. Hindi totoo na mga guwapo lang ang kaya nilang ibigin. Anak, meron pa ding mangilan-ngilan diyan na ang hinahanap sa isang lalake ay hindi mukha, kundi pera. Dahil nga medyo pangit ka, magpakayaman ka at sila mismo ang maghahabol at iibig sa iyo.

4. WAG NA WAG kang kukuha ng credit card anak. Yun ang dahilan kung bakit hanggang ngayon ay nagtatago tayo.


5. Iwasan mong magbisyo. Wag kang magyosi, magsugal, mambabae, maglasing at kung ano-ano pa. In short, iwasan mong sumaya. Mas makakabuti sa buhay mo kung malungkot ka lang palagi.


6. Mag-aral ka nang mabuti anak. Pero gawin mo lang yun habang nasa elementary ka pa. Pagdating mo ng high school at kolehiyo, mapapansin mo na wala ng nag-aaral sa iyong mga kaklase. Yun talaga ang dapat. Mapapansin mo naman na, sa kabila ng hindi mo pag-aaral, pumapasa ka pa rin. Ganoon ang siste ng pag-aaral dito sa Pilipinas.

Sa ngayon ay hanggang dito na lamang ang sulat ko. Susubukan kong sumulat pa sa iyo sa mga susunod na taon ng buhay mo. Sana ay kapulutan mo ito ng aral.

Nagmamahal,

Daddy Cid


Sunday, November 04, 2007

Aswang sa Tondo

Merong aswang sa Tondo. Wala sigurong maniniwala sa akin, pero bata pa lang ako ay alam ko na na merong aswang dito. At hindi lang ako ang nakakakita sa kanya. Marami kaming mga bata noon, na siguradong-sigurado na aswang yung isa sa kapitbahay namin.

Hindi ko sigurado kung ano tunay na pangalan ng aswang na yun. Basta kabisado ko yung itsura niya. Matanda na siya at makikita mo na sa mukha niya ang lahat ng senyales ng pagiging isang matanda - kulubot na mukha, nalalagas na buhok, at kakaunting ngipin. Kaya nung bata kami, takot na takot kaming magpipinsan kapag dumaraan na siya sa bahay. Natatakot kami na kainin niya. Pero, awa ng Diyos, sa ilang taon na nakatira kami sa Tondo, wala naman akong kakilala o kamag-anak na kinain niya. Sabi nila, nagbabago din daw ng anyo yung aswang nay un, pero hindi ko naman nakita. Sabi lang ng pinsan ko eh nakita niya raw na naging paniki.

Kaya sigurado ako na aswang siya.

Ilang taon din ang tinakbo ng buhay ko. Dala siguro ng eksperyensya ng pagtanda, hindi na ako masyadong natatakot sa aswang ditto sa Tondo pag paminsan-minsan ay nakikita ko siyang dumadaan sa harap ng bahay naming. Gayunpaman, nanatiling nakatatak sa ulo ko na isa siyang aswang. Kaya kahit kalian ay hindi ko siya binati o inimbitang makisalo sa amin pag kumakain kami ng mga barkada ko sa labas. Maqhirap na dahil baka nga pati kami ay kainin niya.

Kaninang umaga, napagawi ako sa lugar kung saan alam kong nakatira yung aswang. Nagulat ako sa nakita ko. May tolda sa harap ng bahay nila. At, kagaya ng iba pang katulad na sitwasyon, nalaman ko na may patay sa kanila. At mas lalo akong nagtaka nang malaman ko na ang patay pala ay yung aswang.

Bakit siya namatay? Hindi ba at walang kamatayan ang mga aswang? O baka naman matagal na siyang hindi kumakain ng tao? Kaya siguro nanghina siya at namatay. Madami akong tanong kaya minabuti ko na makipag-tsismisan muna sa mga tambay sa harap ng bahay ng aswang.

Nakakalungkot pala ang buhay ng aswang na ito.

Iniwan siya ng asawa niya, dati pa. Ang mga anak niya din, matapos niyang palakihin mag-isa, iniwan din siya. Hindi nga nila sigurado kung dadalaw man lang sa lamay ang mga anak niya. Sa iilang tao na nandoon sa lamay, karamihan dun ay nakikisugal lang at hindi nakikiramay. Ito ay sa kabila ng sinasabi nila sa akin na mabait naman ang aswang na yun.

Naisip ko tuloy na mahirap pala maging aswang, mag-isa ka na ngang nabubuhay, mag-isa ka pang mamamatay.

Nagturok ako ng isang kandila bago umalis. Nakakalungkot man ang mga narinig at nakita ko, natutuwa na rin akong malaman na, ngayong wala na siya, malamang ay mas maayos ang kalagayan niya. Hindi ko alam kung paano manghusga ang Diyos sa mga katulad niyang aswang. Wala akong ideya kung paano hahatulan ng Diyos ang mga aswang na kagaya niya. Pero, natitiyag ko na ang panghuhusga at panghahatol ng Diyos, ay higit na mabuti kaysa sa panghuhusga at panghahatol ng mga tao dito…

Thursday, October 04, 2007

Ang tanong na bumabagabag sa isip ko ngayon....

Bakit ang buhok ko, pag nilagyan ng gel, umaayos? Pero nung nilagyan ko yung mukha ko hindi naman umayos... Naging malagkit lang. Fake ata ito.

Wednesday, October 03, 2007

Abogado

Nandito ako ngayon sa korte. As in literal na nasa korte. Wala pa yung judge at mukhang matatagalan pa din bago dumating yung kalaban. kaya, kesa maglaro na naman ng snake, naisipan ko na lang na magsulat. Kakasawa na kasi yung snake. Hindi ko naman matapos-tapos. Bukod dun, gusto ko ding magyabang sa abogado na nasa likod ko. Gusto kong pakita na meron akong laptop at para bang sobrang busy dahil habang naghihintay ng pagtawag ng kaso eh kailangan pang tapusin yung iba niyang trabaho. Wag lang siyang magkamaling magtanong kung magkano pera ko ngayon dahil medyo mawawalan ako ng dahilan para magyabang.

Palagi na lang ganito dito sa korteng ito. Palagi na lang huli magsimula. Hindi ko naman magawa na huli ng pumasok. Kasi, noong nakaraang ganun ang ginawa ko, pumasok naman ng maaga yung judge. Ayun tuloy, ako pa ang napagalitan. Kaya eto ako ngayon, naghihintay.

Kung tutuusin, kahit na meron din naming “exceptional” moments ang pagiging abogado, parang napansin ko na karamihan sa gagawin mo eh maghintay. As in maghihintay ka palagi sa korte. Hihintayin mo yung judge. Hihintayin mo yung kalaban. Hihintayin mo yung apela. Hihintayin mo yung desisyon. At higit sa lahat, hihintayin mo yung bayad sa iyo. Parang isang walang katapusang paghihintay ang trabahong ito.

Puro pa postponement ang mararanasan mo. Lahat na halos ng dahilan eh maririnig mo pag nagpapa-postpone ang kalaban. Kesyo may LBM, may sakit, namatayan, may conflct sa schedule, etch. Ang hindi ko na lang nakikitang dahilan na gingamit sa ngayon eh - dinukot sila ng mga alien.

Tama yung isang kliyente ko eh. Buti na lang at hindi abogado ang lahat ng tao. Parang masaklap isipin kung ganoon ang sitwasyon. Isipin mo na lang, kuha ka ng order sa fastfood, tapos sasabihin sa iyo postponed daw ang pagdating ng order mo dahil wala ang cook. O kaya, pag papunta ka sa ospital dahil manganganak ka, paghiga mo sa delivery room eh sasabihan ka na pigilan muna ang panganganak mo dahil gumamit ng delaying tactics ang doctor. Pede ding pag hihingin mo yung sukli sa bayad mo sa dyip eh mag-oobject yung driver. Wala sigurong kasing gulo ang mundo pag ganun.

Come to think of it, isa namang napakalaking korte ang mundo. Lahat tayo merong kailangang patunayan. Lahat tayo naghihintay ng desisyon kung tama ba tayo o hindi. Lahat tayo may objection. Lahat tayo, merong concurring at dissenting opinion. At, kalimitan, bawat isang opinion natin na yun, hindi natin basta-basta papatalo ng walang laban – ke mali yun ke tama.

Merong kumakalat na myth tungkol sa mga abogado. Lahat daw ng mga abogado ay mayayabang. Feeling daw kasi ng bawat abogado, sila ang pinakamagaling sa lahat. Para bang sa lahat ng mga naging abogado eh sila na talaga ang number one. Hindi totoo yun! Hindi totoo na lahat ng abogado ay nag-claim na sila ang pinakamagaling. Kasi, kung tutuusin, ako talaga ang pinakamagaling.

· P.S. Wala pa rin ang kalaban ko. Wala na rin akong masulat. Snake na lang ulit.

Monday, October 01, 2007

Ulan

Ano ba ang meron sa ulan? Kagaya ng karamihan, isa ako sa mga nakakaramdam ng kakaiba tuwing papatak ang ulan. Hindi isyu kung gaano kalakas ang ulan. Kahit ambon lang, parang may kakaibang damdamin ang dinadala ng bawat patak ng tubig na galing sa langit.

Elementary pa lang ako, medyo naiintindihan ko na kung paano nagkakaroon ng ulan. Yung water cycle na yan eh ilang ulit naming pinag-usapan ng titser ko. Kaya hanggang ngayon, medyo may ideya pa ako sa mga terms na tulad ng evaporation at condensation. Pero wala akong naalalang diskusyon, kung saan tinalakay namin kung paanong, paminsan-minsan, nagdadala ng kalungkutan ang ulan. Hindi naman kasi ata iyon parte ng water cycle.

Ang lakas ng ulan ngayon dito. Parang yung ulan noong isang araw. Akala mo eh wala ng katapusan; akala mo eh merong nabutas na ulap kay tuloy-tuloy ang pagbagsak ng tubig. Dati-rati, walng papantay sa tuwa ko kapag umuulan. Pero ngayon, merong hindi maipaliwang na dalang lungkot ang bawat patak. Kahit kaya kong maipaliwanag kung saan nangagaling ang ulan, hindi ko yata maiplaiwang ngayon kung saan nanggagaling ang lungkot.

Gusto kong lumabas para maligo. Kaso gabi na. Masyado ng madilim para magtampisaw. Kaya, mangiti man ako habang nagpapakabasa, hindi ko rin makikita. Sa ngayon, hindi ko pa nalalaman kung ano ang silbi ng mga tawa na, kahit galing sa akin, hindi ko makita.

Tuesday, August 28, 2007

28 years later


28 taon...

Alipin ka pa din ng kahapon. Hindi mo pa rin kayang iwanan ang kahapong pilit mong ginagamit na pananggalang sa ngayon. Hinihintay mo pa din ang bukas na wari bang sa iyo ay matagal ng lumipas. At hinahanap mo ang taong dati rati ay madali mong tawaging ikaw. Saang banda nga ba ng paglalakbay mo siya naiwan?

Saan ka pupunta?

Tinatanaw mo ang bukas ngunit umaalon ang paningin mo. Makulimlim sa dakong iyon kaya natatakot ka. Taliwas sa akala ng karamihan, kailanman ay hindi ka naging sigurado sa mga bagay na parang kasing-dalas na ng ulan. Paunti-unti man, marahang sumasara ang pag-asang dati-rati ay kalaro mo at kausap.

Nalilito ka.

Nalalaman mong walang nakakaalam sa kung ano ang nasa isip mo. Nakadaragdag sa iyong kaba ang malamang isa kang malaking palaisipan para sa ibang tao. At nanganganib kang patuloy na mapaligiran ng kaibigan at kakilala, ng nag-iisa.

Hindi biro ang dami ng tanong na nasa isip mo. Hindi rin biro ang malaman na malamang na hindi mo masagot ang lahat ng iyon. Naghahanap ka ng sagot. Pero hinahanap ka din niya. Malabo na kayong magkita....

Masaya ka ba?

Meron ka pang 28 taon ulit para mag-isip....

- Don Alejandro Buenaventura (1876)

Tuesday, August 14, 2007

Pants

Mahirap din talaga minsan yung hindi mo masyado binibigyang pansin kung ano ang isinusuot mo sa araw-araw.

Ganun kasi ako.

Hindi katulad ng iba na halos dalawang oras ang inaabot kakaisip kung bagay ba ang orange na t-shirt sa red na panatalon, hindi ko masyado pinagtutuunan ng pansin yung mga ganung bagay. Basta sa akin, suot lang ng suot. Kahit anong kulay pa yan, basta kasya, ayos na. Kaya kung tutuusin, hindi naman talaga ako baduy, tamad lang.

Ang kagandahan naman sa hindi masyadong mapili sa sinusuot na damit eh mabilis lang ang orasyon ko pagkatapos maligo. Mga kulang pitong minuto lang siguro ang nauubos ko sa pagdadamit. All in all, kasama na ang paliligo, halos sampung minuto lang ang nagagamit ko sa pag-aayos. Pero kahit ganun, madalas pa din akong late sa mga usapan...trapik kasi eh.

Kaninang umaga, katulad ng nakagawian ko na, bumunot lang ako basta ng pantalon at polo sa mga damit ko. Wala nang kumbinasyon chuva. Para kasi sa akin, ang damit ay damit lang. Hindi pang-porma*. Anyway, ayun nga. Dahil hindi ko na tinitingnan kung ano ang sinusuot ko, hindi ko din nakita na butas pala ang nasuot kong pantalon. As in may malaking butas sa may bandang puwitan.

Hindi naman kapangitan ang puwet ko, pero nahihiya pa din ako ng sitahin ako at sabihan nga na butas daw ang aking pantalon. Mga bandang hapon na ng sitahin ako. Kaya buong araw na pala akong naglalakad, at kung saan-saan nagpunta, ng wala man lang kamalay-malay na meron na pala akong kahihiyang dala-dala. Napilitan tuloy akong bumili ng polo na mahaba. As in kasing-haba ng mga polo ni B1 at B2**, para lang mapagtakpan ang dapat mapagtakpan. Gayunpaman, parang ayaw ko ng isipin kung gaano kadaming tao na ang nakakita sa akin kanina, at lihim na natawa.

Kaya simula sa araw na ito, magbabagong buhay na ako. Kailangan ko ng ayusin ang buhay ko; araw-araw na akong magsusuot ng mahabang polo...

*Ito ang dahilan kung bakit may orange ako na barong.
**Si B1 at B2 ay ang dalawang baklang saging na mapapanood dati sa TV.

Wednesday, August 01, 2007

Financially challenged

Dear Pera,

Habang sinusulat ko ito, umaasa ako na nasa isa kang computer shop ngayon at nag-susurf sa internet. Sana ay suwertihin ako at mapadaan ka sa blog kong ito, at mabasa mo ang sulat kong ito. Dalangin ko na nasa maayos kang kalagayan habang binabasa mo ito.

Pera, ilang beses na kong sumulat sa iyo. Sinubukan ko ang email mo (pengeng_pera@yahoo.com), pero hindi ka naman sumasagot.. Tinext at tinawagan din kita pero palaging off ang cellphone mo. Ano ba ang problema? Bakit mo ba ko iniiwasan?!?

Wala akong masamang ginagawa sa iyo, pera. Alam mo iyon. Pero ilang buwan ng halos hindi tayo nagkikita. Kung magkita man ay sandali lang. As in nagpupunta ka din sa iba. Ni wala kang pasabi kung bakit. Masakit ang ginagawa mo sa akin totoo lang. Nagdurugo ang puso ko tuwing hindi kita nakikita. At lately eh hindi na talaga kita nakikita. Maawa ka naman....

Bumalik ka na sa piling ko. Mukha na akong tangang nakikiusap sa iyo ngayon. Kinakain ko na ang pride ko. Kahit ang sabi ng mga nakakatanda ay hindi ka naman daw mahalaga, ang masasabi ko lang sa kanila ay leche sila! Eh di sila ang ang mabuhay ng wala ka. Wag na nila ko idamay. Gusto kitang makasama. At sana ay magtagal na ang susunod nating pagkikita. Pangako ko na aalagaan kitang mabuti.

Wag ka na magalit sa akin please... Kung ano man ang kasalanan ko, patawarin mo na sana ako. Anuman ang mangyari, hihintayin kita.....

Nakikiusap,

Cid

P.S. Kung talagang ayaw mo na sa akin, mag-iwan ka naman ng kapalit. Thanks.

Thursday, June 14, 2007

Ano ang mangyayari pag wala akong mapagsabihan?

Gusto ko lang linawin na, simula nung natuto akong mag-isip mag-isa, hindi ko naging ugali ang pag-isipan ng malalim ang iniisip sa akin ng ibang tao. Wala talaga akong pakialam, basta alam ko na hindi naman ako nang-gagago. Kung ano isipin ng iba, problema nila iyon. Mas madami pa akong bagay na dapat isipin kesa diyan.

At puwede ba?!? Wala akong panahon na bigyang pansin, o gawing subject ng discussion ang mga usapin na masyadong pambata! Puwedeng kang mag-isip bata, pero sa hindi sa paraan na nagiging para kang black hole, na sumisipsip ng gulo!

Gusto ko sanang sabihin sa iyo ito pero nakakapagod lang dahil alam kong hindi mo maiintindihan.

Yun lang.

Masaya na ulit ako....

Wednesday, May 30, 2007

Party List

Noong nakaraang eleksyon, nagtrabaho ako bilang security guard sa provincial canvassing. Dahil walang coordination ang local security guards sa security guards na galing sa HQ, wala naman akong ginawa dun kundi mag-tally lang ng mga boto. At nakakatamad pala ang trabaho na yun. Parang inutusan akong magtelebabad sa pamamagitanng panonood ng 700 Club.

Okay lang naman pagdating sa mga local at national candidates. Ang sobrang nakakasira ng ulo yung pag-tally ng party list. NAPAKADAMI ng party list. Hindi ko akalain na meron palang 93 na registered party list. Siyempre, kapag isa-isa iyong binabasa, tumatagal talaga. Ang ginagawa pa naman ng mga canvassers eh binabasa ang buong pangalan ng mga party list.

Kung tutuusin, maganda naman ang rationale kung bakit merong party list. Sila dapat ang representatives ng mga marginalized sectors dito sa atin. Ang problema, basahin mo pa lang yung mga pangalan ng mga party list na iba, magdududa ka na kung talagang "marginalized sectors" ba talaga ang nire-represent nila. Meron ngang party list na The True Marcos Loyalist. HA? Kelan pa naging marginalized sector yun!

Ang tatlo sa pinaka-common na salita na makikita mo sa mga paty list ay:

1. "Alliance of" chuva chuva ek ek
2. "Alyansa ng mga" etc., etc., etc.
3. "Association of" yadada yadada yadada

Halata tuloy na kaya lang nila ginagamit ang mga salitang yan eh para nasa una sila ng listahan. Hindi mo talga maintindihan kung sino at ano ba talaga ang pinaglalaban nila. Kasi parang lahat pedeng magtayo ng party list. Kailangan mo lang eh magandang acronym.

Kaya eto ang mga party list na i-reregister ko next elections....

1. ACBE (Alliance of Care Bears Enthusiast)
2. APIR (Alyansa ng mga Pilipinong Ibig ang Red Horse)
3. API (Alyansa ng mga Pilipinong Inutil)
3. ACATES (Association of Citizens Advocating The Enlightenment of Smurfs)
4. OTU-PIHIT (Organisasyon ng mga Tunay na Pilipinong Hindi pa Tuli)
5. ACCAI (Alliance of very Concerned Citizens against In-growns)
6. SAPAW (Samahan ng mga Pilipinong Ayaw sa Walis)
7. SASAYA (Stay As Sweet As You Are)
8. ITALY (I Trust And Love You)
9. JAPAN (Just Always Pray At Night)
10. ADIDAS (Ako ay Dapat Isuot Dahil Ako'y Sapatos)

Friday, May 11, 2007

Senator Cid

Sa darating na eleksyon, malaki ang posibilidad ng hindi ako manalo bilang Senador. Una sa lahat. hindi ako sikat. Pangalawa, hindi ako nag-file ng certificate of candidacy. At pangatlo, wala akong pera para mangampanya. Ang perang nasa bulsa ko ngayon eh sakto lang pampagawa ng humigit kumulang anim na sticker, at mga apat na election poster. Kung senador ang tatakbuhin ko, parang kulang ata iyon. Lalo pa at, sa huli kong pagkakaalam, higit sa sampung tao ang bumoboto tuwing eleksyon.

Pero, kagaya ng madalas kong sinasabi, hindi ako nawawalan ng pag-asa. Alam kong may potensyal ako bilang isang pulitiko. Stepping stone ko siguro ang baranggay chairman, tapos ay senador na. Pagtapos nun ay either presidente ng Pilipinas, o kaya naman ay Pope.

Anyway, sino ba ang ayaw maging senador? Lalo pa at ang mga senador dito sa Pilipinas ay walng ginawa kundi magtrabaho para sa ikabubuti ng Pilipinas. As in lahat sila ay halos doon na matulog sa Senate Hall para makipagdebate at gumawa ng mga batas. Higit sa lahat, hindi sila nakikipag-usap sa mga contractors para maging wasto ang paggamit nila sa kanilang pork barrel. At may kaibigan silang higante, na barkada ni Maria Makiling, na siyang nangangalaga sa kalikasan. Sa lugar nila, na malayong-malayo, at merong isang ilog na ang tubig ay nakakagaling sa anumang uri ng sakit. Higit sa lahat, ang ulan sa kanila ay gawa sa magnolia chocolait, na minsan ay napagkakamalang selecta moo.

Senator Cid! Ang ganda pakinggan. Nag-iisip na ko ng mga mgandang election propaganda eh -

(a) Seed (sounds like Cid), itanim sa senado.

(b) Cid,pangarap niyang tuparin ang pangarap niya. Pero pagtapos, pangarap niyo naman.

(c) Cid, titikayin ang libreng gamot sa lahat ng walang sakit!

(d) Sugod kasama si Cid! (to the tune of Sugod mga Kapatid by Sandwich)

(e) Cid, ang may pinakamagandang boses sa senado.

Anyway, mga working concepts pa naman yan. Sigurado ko na sa 2010 ay may mga mas maganda pa akong maiisip.

Kung mananalo ako, ano ang plataporma ko? Kahit sa Pilipinas ay hindi kailangang may plataporma para manalo, gusto ko lang meron akong handang programa. Hindi tama na walang programa ang isang kandidato. Kaya heto ang mga naisip ko -

(a) Hindi na tayo aangkat ng bigas. Ipagbabawal ko na lang ang pagkain ng bigas. Tutal, marami namang Pilipino ang plastik (tulad ng mga kapatid ko) at "no rice" diet sila. Kung bawal na kumain ng bigas, tipid na ang bansa, papayat pa ko.

(b) Walang kaibigan, walang kamag-anak, walang kumpare. Puro cronies lang.

(c) Aalisin ko ang trapik. Nakakasira ng ulo ang sobrang trapik. Kung gaano kabagal ang galaw ng trapik sa EDSA pag biyernes ng gabi, ganun din kabagal ang pag-angat ng ekonomiya. Kaya bilang solusyon sa trapik, pagbabawal kong ang anumang uri ng sasakyan sa kalsada (except sa sasakyan ko siyempre). Mandatory ang paglalakad sa lahat. Hindi pwedeng dahilan ang layo ng lalakarin. Pag napatupad ko ito, lahat ng Pinoy ay magiging slim.

Pwede! Ilang lang yan sa mga naiisip ko. Pero tinatamad na ko eh. Kita nyo naman, konti pa lang nagagawa ko, tinatamad na ko, pwedeng-pede na talaga ako maging senador.

Monday, April 16, 2007

Class Predictions

Bakit wala akong nakikitang ganitong class predictions sa likod ng annual?

CLASS PREDICTIONS FOR BATCH 2007

Ngayon ay 2020 na. Ang aking mga kaklase ay mga sikat ng tao sa lipunan. Halimbawa na lamang ay si Ton-Ton Lico na class valedictorian namin noong high-school, hanggang ngayon ay tinutugis pa rin siya ng alagad ng batas dahil sa pyramiding scheme na kanyang naimbento. Kung dati-rati ay tahimik lang si Ton-Ton, nakakatuwang malaman na isa na siya sa pinakasikat na Estafador ng bansa!

Si Estela Mana, naaalala mo pa ba? Siya yung "shy girl" ng klase. Yung laging namumula kapag may nagsasabi ng green jokes? Nakakatutuwang malaman na isa na siyang devoted mother ngayon sa kanyang dalawampung anak. Kahit ang dalawampung anak niyang iyon ay mula sa iba't ibang lalake, nakakataba ng pusong malaman na kaya niya itong alagaan sa kabila ng kanyang munting kinikita bilang dancer sa isang nightclub sa quiapo. katrabaho niya si Dindi Louan, na noon ay nagbabalak na magmadre.

Si Dra. Luisa Menor, ang kaklase nating number 1 sa science class, ay sikat na sa buong mundo. Natuklasan niya ang gamot sa isa sa pinakamalalang sakit sa buong mundo - ang sakit na kung tawagin ay sinat. Ang gamot ay tinawag niyang Biogesic. Sayang nga lang at nakulong siya sa kasong copyright infringement. Kasama niyang nakakulong ang class dentist na si Dra. Pinky Digo. Nakulong si Dra. Digo ng makapatay siya matapos maglagay ng braces sa isang sanggol.

Si Monte Claro, ang class debater, ay isa na ring sikat na abogado. Walang papantay sa kanyang galing kung pag-uusapan ay ang kanyang expertise. Isa siya sa pinaka-successful na abogado na nagha-handle ng mga kasong jaywalking at double parking. Malaki ang kanyang opisina sa city hall, duon sa may ilalim ng punong narra, kung saan siya nag-nonotaryo.

Si Brando Gardo, ang school bully na laging may ginugulpi, ay isa sa pinakasikat fashion designers ngayon. Siya rin ay isang sikat na lobbyist na sinusulong ang pagkakaroon ng same sex marriage.

Si Cid Andeza, na muntik nang hindi grumadweyt, ay isang sikat na businessman. Siya ang kauna-unahang Pinoy na naging Pope. Siya na rin ang may-ari ngayon ng buong mundo.

Talambuhay ng isang munggo

Isa akong naghihingalong blogger.


Hindi ko mawari kung bakit parang ang hirap magsulat ngayon. Para bang wala akong makitang bagong topic na pede ko i-post. Paulit-ulit na lang ata ang nakikita ko sa mundo. Sa dinami-dami ng pede kong isulat, wala akong maisip. Tama ata na minsan eh meron talagang "creative drought".

Yung ang nangyayari sa akin ngayon. Kung dati, isa akong "feeling" manunulat, ngayon ay isa na lamang akong munggo. Wala pa kong nakikitang munggo na nakakapagsulat ng maayos.

Hindi ko pede idahilan na wala akong oras. Ang dami-dami kong oras eh. Sino bang tao ang walang oras? Lahat naman meron. Nakakalat lang yan eh. Pero kahit nakakalat, hindi ko alam kung paano gamitin. Kasi nga, isa kong munggo. At wala akong nakikitang munggo na may relo at daily planner.

Mahirap maging munggo.

Walang sense ito sa nakakabasa. At sa tingin ko, yung ang isa sa problema ko. Tinatangka kong bigyan ng sense ang lahat. Pero hindi naman pede iyon. 98% ng mundo ay walang sense. Yun ang madaling makita, kaya madaling maisulat.

Aha!!!

Kaya pala madaling magsulat dati. Kasi 98% and pede kong gawing topic. Hindi katulad ngayon na 2% na lang ang naiisip ko isulat. Babaguhin ko iyon.

Magsusulat ako. Magsusulat ako ng magsusulat. Masaya akong nagsusulat dati. Kaya dapat lang na maging masaya ulit akong magsusulat ngayon.

Hindi kailangang maging maganda isusulat ko. Hindi kailangan nakakatawa palagi. Ang kailangan eh magsulat ako. Ako ang kauna-unahang munggo na may sinusulat araw-araw...

Wednesday, January 10, 2007

Complaint

Note: This is the working draft of the Complaint which I plan to file against my hair. I just need to find a lawyer who would be willing to represent me because I think it would be inappropritate if I were to represent myself.


Republic of the Philippines
National Capital Judicial Region
Regional Trial Court
City of Manila
Branch __

Cid S.T.A.
Plaintiff,

versus For: Damages
with Application for
the issuance of a Temporary Restraining Order

Cid's Hair/s
Defendants.


COMPLAINT

Plaintiff, through undersigned Counsel, and unto this Honorable Court, most respectfully avers that:

1. Plaintiff is of legal age, unfortunately single, and presently residing somewhere in Cavite where he can be served with summons, notices, and other processes of this Honorable Court.

2. Defendants are also of legal age , single, and residing at Plaintiff's head, where he can be served with summons, notices, and other processes of this Honorable Court.

STATEMENT OF FACTS

3. Plaintiff has been living with the Defendant from the day he was born. The former therefore assumed that the latter will be with him until the day he dies.

4. However, without any justifiable reason, Defendants (well most of them) have consistently been leaving Plaintiff's head. This, therefore, exposes the latter's forehead in the most humiliating manner.

5. Because of the Defendant's malicious abandonment, Plaintiff remains single and unwanted by majority of the female population.

ARGUMENTS

6. Defendant should not leave the Plaintiff until after the laytter is 60 years old. That is the natural order of things, for God's sake!

7. Plaintiff deserves to have his previous hairline back to its original position.

PRAYER

Wherefore, premises considered, it is most respectfully prayed of this Honorable Court that a Temporary Restraining Order be issued enjoining the Defendant from leaving the Plaintiff.

Other reliefs just and equitable under the circumstances are likewise prayed for.