Monday, August 17, 2009

2:15 am

Ngayon na lang ulit ako nagtrabaho nang ganitong oras. Antok na antok na ako pero kailangan ko pa ding magsulat. At sawang-sawa na ako magsulat sa totoo lang. Kaya minabuti ko na lang na sumulat ng post dito sa inaagiw ko na blog.

Meron akong kuwento/tip.

Kagagaling ko lang sa Iloilo kanina. Pero dahil umaga na pala ngayon, kahapon pa pala ako galing. Sabado ako pumunta doon. Bale isang araw lang ako kaya wala masyadong thrills. Ang kakaiba lang na nangyari eh nung pagpunta ko sa airport.

12:05 pm ang alis nang eroplano kaya, ang nakalagay sa likod ng tiket eh dapat 45 minutes before the flight eh nandun na ako. Nakalimutan ko na hindi pala sa akin yung eroplano kaya medyo late na ako nakaalis ng cavite. Ang siste, kahit sobrang nagmamadali na ako, hindi ko pa din napigilan ang aking pinakatatagong katangahan. Sa bagong terminal kasi ako nagpunta at 11:30 na eh nandun pa ako sa maling terminal. Napilitan tuloy ako magtaxi papunta sa terminal 2. Hindi ko naman kasi alam na sa terminal 2 pala lahat ng flights ng PAL.

Tip No. 1 - Wag sasakay ng taxi galing sa Terminal 3 papunta sa Terminal 2!

In fairness sa taxi eh mabilis siya magmaneho. Sampung minuto lang eh nandun na ako sa tamang terminal. Hayup siya sumingit. Pero mas hayup siya maningil! Akalain mo ba namang singilin ako ng Php200 para sa biyaheng iyon! Kung may panahon lang ako makipag-away eh malamang nakakulong na ako ngayon sa salang multiple murder! Multiple, dahil apat na beses ko siyang papatayin! Pero dahil sobrang nagmamadali na ako (at medyo malaki ang katawan nung driver) nagbayad na din ako. Leche talaga!

Tip No. 2 - Magpakasal kung kinakailangan!

Pagpasok ko sa terminal eh gumulantang sa akin ang masamang balita - sarado na ang check-in counter. Hindi katulad ng pagcheck-in sa mga motel, may hangganan pala yung sa eroplano. Ang sabi sa akin eh mag-chance passenger na lang daw ako sa susunod na biyahe at maghintay ng lagpas tatlong oras. Napilitan tuloy akong magpakasal.

Hinanap ko yung supervisor ng PAL at kinausap. Ganito ang naging tema ng usapan namin -

Ako: Ma'am, baka naman puwede ninyo akong isingit pa? Baka puwede niyo pa open yung check-in?

Supervisor: Sir, sorry po talaga pero sarado na ang computer kaya hindi na po puwede.

Ako: Hindi po ba kayang gawan ng paraan yan? Makikiusap lang po ako sa inyo. (Pero ang nasa isip ko nito ay - Anak ng teteng! Hindi ba puwedeng buksan ulit yang computer?!? Blackout ba?!? Sarado? May kandado ba yang computer na hindi na mabubuksan dahil nilunok mo yung susi!!!!)

Supervisor: Sarado na ang system sir. Sorry talaga. Sa susunod na flight na lang po kayo mamayang 4pm.

Ako: Miss, kaya ko kinuha yung flight na ito dahil ikakasal ako mamayang 2:00pm sa Iloilo. Kung 4pm eh hindi matutuloy ang kasal namin ng magiging asawa ko. Maawa ka naman. Late lang ako ng dating dahil naiwan ko yung singsing sa bahay. Gawan niyo naman ng paraan. (With matching nangingilid na luha)

Supervisor: (Nag-isip sandali) Sige sir pero sana sa susunod eh agahan niyo na po. (Sabay niluwa yung susi at binuksan ang saradong computer)

Ako: Salamat talaga ng marami miss! Hulog ka ng langit! (Sabay takbo ng sobrang bilis papunta sa eroplano.

Ano ngayon kung masama ang tingin sa akin ng mga pasahero nung pagdating ko sa eroplano dahil parang ako lang ang hinintay? Ano ngayon aber?

Moral Lesson: Wag iboto si Bayani dahil baka lagyan niya ng pink fences ang daanan ng eroplano sa langit.

2 comments:

Anonymous said...

strikes again!

Steffi said...

Haha! :D Ilang beses ka na "kinasal"?