Tuesday, November 22, 2005

of miracles and ipods

Merong milagro na nangyari kanina. Sayang nga at walang gaanong tao na nakakita. Kung nagkataon eh marami sanang nagbagong buhay dahil sa milagrong yun. Ang naging saksi lang kasi eh ako at saka si papa.

Ginising ako ni papa ng maaga. Tapos, eto ang milagro, sabi ba naman sa akin eh dalhin ko na lang daw yung sasakyan dahil hindi naman daw niya gagamitin. O di b?! Isang malaking milagro yun! Anong panama ng mga aparisyon dyan ng mga nagsasayaw na araw o anupaman?! Si papa pinadala sa akin yung sasakyan ng walang pag-aatubuli??? Syete! Malapit na yata magunaw ang mundo.

Kaninang agahan eh sabay din kami kumain ni padir. Maling, daing at adobo (ung kagabi pa) ang ulam namin, tapos meron pang sinangag. Kaya naman ang kinain ko eh pede na namang bumuhay ng isang pamilya. Gusto ko sanang ipangako na hindi na ulit ko kakain mamayang tanghalian kaso masisira ko lang ang pangako na yun. Kaya hindi na lang.

Anyway, iba ang tema ng usapan namin kanina ni padir. Akalain mo ba naman na interesado daw siyang bumili ng Ipod? Pinag-iipunan nya raw yun para sa pasko.

Naiintindihan ko na si papa eh sobrang hilig sa music. Parang ako, andami nya ding koleksyon ng mga kanta. Nde ako sure kung ako ang nagmana sa kanya o siya ang nagmana sa akin, pero pareho kaming masaya na basta maganda ang sounds na pinakikinggan. Pero ngayon ko lang nalaman na si papa eh may pagka-teki din pala. Gusto nya din palang magka-Ipod.

Ako eh matagal ng nangangarap na magkaron nun. Tuwing may makikita ko sa Greenbelt na naglalakad at may dalang Ipod, parang gusto kong maging holdaper o snatcher pansamantala. Tapos kung magkakaso eh palalabasin ko na lang na siraulo ako. Medyo madaling patunayan yun sa totoo lang.

Sayang yung dati kong mp3 player na nawala. Haaayyy....yoko ng elaborate at nadidismaya lang ako.

Itong darating na pasko, miski hindi na bagay sa edad ko, maglalagay ako ng medyas sa dingding ng kuwarto ko. Aba! Malay natin at totoo pala si Sta. Claus. Magpapakabait ako at baka sakaling bawasan nya muna sahod ni rudolph, o ng mga workers nyang duwende, para mabili ako ng ipod.

Tuesday, November 15, 2005

Ghost in you

Meron kung anong multo ang pumasok sa isip ko kanina. Walang dahilan pero naisipan kong hanapin ka. Sinubukan ko na lahat pero hindi kita makita. Sinubukan ko sa google, nagbakasakali ako sa friendster, at tiningnan ko rin ang names database.

Pero wala ka.

Matagal na kitang hindi nakita. Kung lima o anim na taon siguro eh meron na. Natatawa nga ako at nahihiya sa sarili ko dahil, kahit alam kong napakalayo na ng "ikaw" ngayon sa "ikaw" na nakilala ko dito, parang merong pa ring parte ng sarili ko na gustong magkaron ng ideya kung sino ka na ngayon.

Kung tutuusin, halos wala ka pang apat na buwan na naging bahagi ng buhay ko. Halos tuldok lang yun kung ikukumpara sa naging agos ng buhay ko. Pero kahit pa sabihing tuldok lang yun. naging masaya ako noon sa paraang paulit-ulit na naaalala ko.

Kolehiyo pa lang ako noon. Masyado pang bata para maging makakalimutin. At yun siguro ang isa sa mga dahilan kung bakit hanggang ngayon, paglipas ng nde birong taon, kabisado ko pa lahat ng bagay tungkol sayo.

Huli kong balita sayo ay may asawa ka na. May anak ka na din daw. Sana ay wala kang kasingsaya. Sana ay bihira ka na lang samahan ngayon ng pag-iisa.

Mahal pa ba kita? Malakas ang loob kong sasabihin na hindi na. Matagal ng lumipas ang mga bagay na dapat lang na lumipas. Matagal ko ng natalo ang kalungkutan na dala ng iyong paglayo.

Hindi kita hinahanap dahil mahal kita. Hinahanap kita dahil mahal ko ang masasayang alaala na sabay nating binuo. Mahal ko ang alaala ng parte na yun ng buhay ko na masasabi kong nagmahal ako ng higit pa sa kakayahan ko. Kapag nakita kita ulit, kapag naging mabait ang tadhana at pinayagan akong makasalamuha ka ulit, mangingiti ako. At sana ay makita mo na ang mga ngiti na yun ay walang halong kahit katiting na pait.

Ang title ng blog na ito ang pinakapaborito mong kanta. Hindi ko alam kung hanggang ngayon eh yun pa din. Alam kong maraming pagbabago na dinala ang mga lumipas na taon. At sana, isa sa mga pagbabagong yun, ay ang saya na hindi na hihiwalay sa buhay mo at ng iyong pamilya.

Hanggang sa susunod na alaala....

Bigo

Sa buhay natin, maraming mga bagay na tatangkain nating maabot. Maraming pangarap na pipilitin nating abutin. At, kung paanong maraming beses nating hahanapin ang kasagutan sa lahat ng mga pangarap natin, ganun din naman na maraming beses natin matatagpuan ang sarili natin na bigo. Kasabay sa paghinga natin bilang taong nakaranas ng tagumpay, ang paghihingalo bilang isang taong nakaranas ng pagkatalo.

Kagabi...muli akong naging bigo.

Hindi lang isang beses dumating sa buhay ko ang frustration. Katulad ng lahat ng tao, madaming beses ko na siya naranasan. At sa totoo lang, hanggang ngayon ay hindi pa din ako nasanay. Hanggang ngayon eh nasasaktan pa din ako ng sobra sa tuwing hindi ko makukuha ang bagay na inaasam ko.

Marami akong trabahong ginagawa sa opisina. Masasabi ko na iilan na lamang ang oras na nailalaan ko para sa aking sarili. Pero sa kabila nun, meron akong mga sandali na ginugugol mag-isa. Sa mga kaunting sandaling na yun eh nararanasan ko kung paano maging maligaya.

Kagabi ay sinubukan kong hanapin ulit ang sandali na yun. Pero sa kasamaang palad, bigo ako.

Pagkagaling ko sa opisina, pinuntahan ko ang tapat ng parking lot kung saan ako sumasakay pauwi. Iyon ang aking gawain bago umuwi - ang dumaan sa tapat ng ayala at tingnan kung nandun siya. Siya kasi ang tinutukoy kong sandali, na labis kong ikinaliligaya. Nagalak ako ng makita ko na nandun siya. Pero ang kagalakang iyon ay mabilis na naglaho na para bang isang bula na hinipan ng malakas na hangin. Ang kaligayahan ko ay naglaho.

Marahan ko siyang nilapitan at kinausap. Nakangiti siya dahil kilala nya na ko at alam kong alam nya ang pakay ko. Pero, bago pa man makapagsalita ang puso kong pagal, tahimik siyang umiling. Umiling siya at naintindihan ko na ang ibig nyang sabihin....wala ng balut.

Malas ko dahil gigil na gigil ako sa balut kagabi. Pero hindi ako nakakain kaya nagtyaga na lang ako sa mais.

Friday, November 11, 2005

What women want

Ang sulat na ito ay isinusulat ko para sa kapakanan ng mga kalalakihan. Dito ko ilalahad ang mga "signs and symbols" kung pano mo malalaman na wala kang pag-asa sa niligawan o nagugustuhan mo.

Mahirap man kasing aminin, marami sa mga kalalakihan ang mahina maka-getz. Meron silang erotic paranoia kay ande nila aga nakukuha ang message ng opposite sex pagdating sa panliligaw. Minsan eh naiisip nila na may pag-asa sila kahit na wala naman.

Dito kami talo ng kababaihan. Hindi ko din alam kung bakit pero mas malakas ang intuition ng babae. Mas magaling silang makabasa ng utak ng lalake.

Pero mga kalalakihan, wag mangamba pagka't nandito na ang mga sikreto nila. Gamitin nyo ito para malaman kung negative ba kayo sa inyong mga iniirog o iirugin pa lang. Ito ay mula sa daan-daang pagkakabasted...este....research pala.

8 NEGATIVE SIGNS

1. Pag ikaw ay nagte-text o nag-fo2rward ng mga messages, isa lang kadalasan ang uri ng reply na matatanggap mo sa kanya, to wit:________________________________________________.

2. Himalang natyetyempo na meron siyang sakit palagi kapag tumatawag ka.

3. Kung tawagin niya ang pangalan mo ay kasama ang salitang "kuya". Kapag "kuya, wag po!", mas malala.

4. Tuwing nakikita mo siya kasama ang kanyang mga kaibigan, napapansin mong laging humahalakhak ang kanyang mga friends habang nakatingin sa iyo.

5. Ayaw ka niyang dalhin sa bahay nila kahit dun ka nakikitira.

6. Kahit sa aso niya ay ayaw kang ipakilala.

7. Pag hiningi mo ang schedule nya, para sunduin siya, magtataka ka kung bakit ala-una ng madaling araw ang sasabihin nyang oras ng uwi nya.

8. Pag yayayain mo siyang magsimba, babaguhin nya ang kanyang relihiyon.


....dito muna at tawag na ako.

Ano ang mangyayari kapag nagbakasyon kayo ng walang dalang kamera?

Noong nakaraang bakasyon eh nag-road trip ako at ang iba kong kasama dito sa opisina. Nagpunta kami sa ibang probinsya sa Northern Luzon. Grabe! Ang saya tlaga kasi ang dami ko pa palang dapat mapuntahan na lugar dito sa Pilipinas. Akala ko kasi eh tatlong lungsod lang ang Pilipinas - makati, tondo, tsaka cavite. Nagkamali ako dahil meron pa palang ibang lugar dito.

Nagpunta kami sa "son of a beach" ng Bolinao. Tapos eh sa may hundred islands din. Yung iba pang lugar na pinuntahan namin eh hindi ko na maalala. Madami kasi eh. Yung dalawang lugar lang na nabanggit ko ang tumatak sa isip ko.

Sa Bolinao "son of a beach" eh tamang ligo ako. Malakas nga lang yung alon kaya hindi ako gaanong nakalayo. Ewan ko kung ano meron ang dagat pero nare-relax talaga ako doon. Siguro noong past life ko eh isa akong jelly fish o kaya naman ay syokoy.

Sa Hundred Islands naman eh medyo hindi ko nagustuhan kasi may number na na involved. Sinusubukan kong bilangin kung one hundred talaga yung isla dun pero hindi kinaya ng powers ko. Mahina kasi ako sa math. Ang kaya ko lang bilangin eh hanggang twenty. Pag lumagpas na dun eh kelangan ko na ng calculator.

Bukod sa marami akong nakitang magagandang tanawin sa bakasyon namin na yun, natuklasan ko din na madami din palang mababait na Pilipino. Akala ko kasi eh ako na lang ang natitira.* Marami kasi akong naka-chika sa mga pinuntahan naming lugar. Sa totoo lang, nakikipag-usap na ko sa ibang lahi, pero mas masarap pa din tlagang kausap ang sarili mong lahi.

Sa bakasyon naming iyon eh bumilib sa akin ang mga kasama ko sa opisina. Ako lang daw ang lalaking kilala nila na kayang dumaldal ng 6 t 7 hours straight. Partida na at hindi pa ko lasing noon. Ewan ko ha. Pero parang isa sa pinakagusto kong gawin, pangalawa siguro sa pagkain, eh iyong makipagkuwentuhan. Madami tayong kuwento pare-pareho. At natutuwa akong ikuwento ang kuwento ko, at pakinggan ang kuwento ng iba.

Anyway, eto ang mga larawan namin sa bakasyon na yun. Gamit namin ang camera na hindi nadala.

Eto kami sa may Bolinao white sand beach...










Eto naman ang solo picture ko sa beach hut...









Eto ang hundred islands...









Eto ang picture namin sa bangka...










Lastly, eto ako at ang aking walong pumuputok na abs...










*Walang kokontra.

Tuesday, November 08, 2005

"Review" reviewed

Naglilinis ako kanina ng mga files ko sa PC. May nakita kong files na ang title eh friendsters. Noong binuksan ko, natuklasan ko na ang mga nakasulat pala dun eh yung mga answers ko sa mga surveys noon sa friendster.

Noon kasing nagre2view ako for the bar hopping exam, naging adik ako sa friendster. Tuwing umaga, bago pumasok sa review, siguro eh mga dalawang oras muna kong tumatambay sa library para lang mag-internet. Aktibo ako noon sa friendster. Yung mga survey duon eh araw-araw kong sinasagutan. Sayang nga lang talaga at walng tanong na patungkol sa friendster, sa bar hopping exam. Kung nagkataon eh tiyak na perfect ako don.

Anyway, nariton ang ilan sa halimbawa ng mga kagaguhan ko...

June 26, 2004 11:08 PM
Subject: AKO RIN MAY REACTION
Message: Message: Wats ur Ist reaction when:

1.) smbody suddnly woke u up
> beeh! kunyari lng akong tulog. ganda kya ng
nkuha ko.

2.) Ur mum scolded u early morning
> nde kita ina kya wag mo kong ganyanin! (joke
lng)

3.) U saw ur crush
> tameme... wlang masabi kungdi kumusta ka.

4.) A cute girl accidentally bump u
> excuse me, why r u bumping me? may friendster
ka ba?

5.) Ur crush texted u but don’t have load
> reply ako sbihin ko wla akong load.

6.) Teacher asked u 2 say somethn but u
don’t know d answer
> may i go out?

7.) Dad saw u kissing wit ur bf/gf
> ok lng yun. basta nde bf ang nkita nya.

8.) Saw ur bf/gf wit his/her ex
> hi! hello! musta kayo! (pero sa loob2 ko,
magkaketong sana kayo sampu ng inyong mga anak.)

9.) Ur X sent a message telling u he/she
still luvs u
> ganda ng nakuha nung drugs!

10.) Accdentally deleted all d files u just
saved
> macocomatose.

11.) Can’t open ur friendster account
> alis na sa computer room. attend na lng ng
lecture sa review.

12.) U lost ur fone
> magnanakaw! snatcher!

13.) Saw ur enemy
> buhay ka pa pla? i guess nde effective lason.

14.) A person u dnt like sings ur fave song
> pag di mo tinigil yan, paghinga mo ang titigil!

15.) Som1 u luv sings the song u hate most
> pag sum1 i love, mgagandahan na rin ako.


16.) Ur bf/gf didn’t make any testimonial to
> wla akong bf. lalo na gf.

17.) A friend deleted the testimonial he/she
made 4 u
> delete ko cia sa account ko.

18.) Ur having a bad stomach wyl on a date
wit ur crush
> can u excuse me for a while? tatae lang ako.
tuloy mo lng kain mo. dont mind me.

19.) Saw ur friend wit ur crush
> sisigaw ako na adik yan!!!

20.) Nobody wud answer dis
> ha?!!!

June 23, 2004 9:58 PM
Subject: sentimyento sa buhay
Message: wla akong maisip na i-post ngayon dito sa
friendster. nde gumagana ang utak ko ngyon dhil
may clot ako sa ilong. kya naisipin ko na lng na
para bang free association ang gawin ko. ung
unang pumasok sa isip ko eh isusulat ko n lng.
bka for the first time eh wlang sense ang lumabas
dito. eto na cia....

1. nde ko maintindihan kung bkit kelangan pa ng
bar exams pra mging abogado. ganun din nman ang
kalalbasan ko. magnonotaryo lang ako sa ilalim ng
puno ng mangga sa city hall tpos kelngan ko pang
mag-exam!

2. na-snatch ang cellphone ko nung 2nd year ako
sa law. nahuli ko naman siya at kinasuhan pa sa
korte. pero na-dismiss ang kaso dhil sabi ng
judge, nde daw ako credible na witness. syete!
anong kinabukasan ang naghihintay sa akin kung
mas credible pa sa akin ang agaw-cellphone?!!

3. kelangan kong mag-asawa bgo ko sumapit ng
trenta. by that time eh wala na akong buhok at
mahirap nang maghanap ng partner. ngyon pa lang
eh mas mabilis pa sa pagtaas ng araw ang pagtaas
ng hairline ko.

4. kung makikilala kaya ako bilang ako ni
kristine hermosa, magugustuhan kya nya ako?

5. bakit ba kelangan kong mag-aral?!!! anytime eh
pedeng magunaw ang mundo. eh kung bukas eh
magunaw bigla? sayang lang ang pinag-aralan ko!
lalo na at ang propesyon na pinili ko eh
kalimitang npu2nta sa impyerno. eh kung kinain ko
na lang yung mga taon na inaral ko! kung bigla
mang magunaw bukas mundo, matutunaw akong masaya.

6. wlang kumukuha sa akin na ninong sa anak nila!
iilan pa lang ang inaanak ko. luge daw kasi sila.
yung pakimkim na binigay ko kukulangin pa kung
ikukumpara sa kinain ko.

7. pitong taon na ko nung pinanganak. wag nyong
itnong kung bkit. di ko rin alam. maganda lang
sabihin.

8. ang pinakamasagwang bagay na nakain ko eh
paste. as in yung pandikit. hnggang ngayon eh
nalalasahan ko pa.

8. nung nag-IQ test ako one time. may tnong na
pipiliin mo sa mga pictures kung ano yung edible.
nde ko lam meaning nun dati kya ang pinili ko ay
ink. kung alam ko na yun dati pa eh di sana
pinili ko ang gitara.

9. nung nde nakapasok bestfriend ko dhil sa naka-
apak siya ng pako. tinulungan ko ciang gumawa ng
excuse letter. nakalagy dun...Pls excuse me for
being absent yesterday. I was absent because I
was nailed.

10. submission ng title ng research paper nmin
nuong high school. ang topic ko ay iba't-ibang
uri ng sakit. title ko eh - My Favorite Diseases.
nde inaprobahan!

yun lng,
cidie



Thursday, November 03, 2005

Tatay Siso

Hindi ko alam kung bakit tatay siso ang tawag namin sa kanya. Kung tutuusin, Lolo Siso dapat kasi nga eh tatay siya ni mama. Pero nakagisnan na naming magpipinsan na tawagin siyang Tatay Siso. Noong October 30 eh pumunta kami sa kanya. Anniversary kasi ng kanyang paglisan dito sa piling naming mga nagmamahal sa kanya. Kaya ako, kasama ng mga iba pang kamag-anak, eh nagtipon sa maliit na sulok na yun ng sementeryo.

Kung isusulat ko lahat ng alaala ko tungkol kay tatay siso, masyadong magiging mahaba ito. Kasi, mula nung magka-isip ako, siya ang isa sa mga unang naging bahagi ng mundo ko. Bata pa ako noon eh sa kanya na ako lumalapit para humingi ng pera pambili ng mga mumurahing laruan at chichirya. Kapag ayaw akong bigyan ng pera noon ni mama o ni papa, kay tatay ako pupunta at sigurado na may matatanggap ako kahit papano.

Hindi mayaman ang pamilya namin. Yun ang dahilan kung bakit kahit kailan eh hindi ko nakita na nagbuhay marangya si tatay. Matipid siyang tao kaya ultimo bente singko ay hindi niya binabalewala. Kaya nga ayaw nila minsan na si tatay ang bibili sa palengke kasi nga daw, kahit medyo bulok na yung binibili nyang paninda, basta mura, eh ok lang. Matipid siya, pero kahit kailan eh hindi ko siya nakita na nagdamot.

Ilang pasko ng buhay ko ang dumaan ng kasama si tatay. Ilang bagong taon din na nahingan ko siya ng lusis at watusi. Aaminin ko na nung mga panahon yun, mabilis na tumatakbo ang oras ng hindi ko napapansin na napakasuwerte ko pala kay tatay. Hanggang sa huling hangin na tatanggapin ng kaluluwa ko, wala akong magagawa na magiging sapat na dahilan para pagkalooban ako ng isang napakabait na lolo.

Noong isang taon, noong nabigyan na ng taning ang buhay ni tatay, may parte ng puso ko na ayaw pumayag. Merong sumisigaw at nagpupumiglas sa loob ko...nagpupumilit na kailangan eh wag mawala si tatay. Pero noong huling beses naming nag-usap, hinding-hindi ko makakalimutan yung sinabi nya sa akin - "Lumipas na ang panahon ko. Kayo naman ngayon.". Kahit parang hirap akong tanggapin yung sinabi nyang yun, kalaunan eh naunawaan ko din kahit papano. Sinabi ko noon sa kanya na hintayin nya ang pagpasa ko at magkakaroon na siya ng apong abogado. Pero buong tapang niyang sinabi sa akin na hindi na daw nya maabutan yun. Pero sabi nya, kahit wala na daw siya, makikita pa rin naman daw nya ang pagpasa ko.

Matapos ang pag-uusap naming yun...kinabukasan eh nawala na siya.

"Tatay, hindi ko alam kung meron kang internet access dyan sa langit. Sana meron para mabasa mo itong blog ko.

Tay, abogado na ko. Pasensiya ka na kung hindi ko na natupad yung pangako ko na ako na ang sasagot sa mga gamot na kailangan mo ha. Pero tutulong pa din ako sa pamilya natin Tay. Pangako yan.

Ginagawa ko lahat ng magagawa ko para maging mabuting tao Tay. Sana nakikita mo yan. Sana kahit papano, miski sobrang kulit ko dati, maging proud ka sa akin.

Salamat sa lahat ng alaala. Pero higit sa lahat...salamat sa pagmamahal."