Friday, January 20, 2006

Brrrrrr....

Dumating na ang katabi naming tenant dito sa 3rd floor. At dahil nga nandyan na sila, pinagana na ang lahat ng aircon dito. Syete! Isangdaan yatang aircon ng barko ang nakakabit dito sa floor namin eh. Hindi ako madaling ginawin pero ngayon talaga eh kailangan ko ng aminin na unti-unti na kong nagsesebo.

Uulitin ko lang - ANG LAMIG!

Nararamdaman ko na unti-unti ng nagyeyelo ang dugo ko. Hindi na siya gumagalaw as in! Balak ko sanang magsunog ng mga libro pansamantala para lang medyo uminit pakiramdam ko pero baka magalit ang may-ari. Ayoko kasing yung libro ko ang masunog, siyempre! Kaya ngayon eh nagpapagulong-gulong na lang ako sa carpet na parang asong bagong paligo. Sinunog ko din yung isa kong daliri para medyo uminit pakiramdam mo.

Syete...kung ganito kalamig sa langit mahihirapan mag-adjust.

Thursday, January 19, 2006

Kuya

Alas-tres na ng umaga ako nakauwi kagabi. Hindi dahil sa trabaho kundi dahil sa gimik. Nagyaya kasi ang tiyuhin kong balikbakyan na lumabas. Gusto nya daw mapanood yung NYPD. Noong una eh litong-lito ako kung ano yung NYPD na sinasabi nya. Pero kalaunan eh nakuha ko na kung ano ang gusto nyang panoorin - MYMP pala.

Naghanap ang mga kapatid ko sa internet kung san may tugtog ang MYMP. Wala silang nakita pero nalaman nila na may tugtog ang Freestyle sa 19th street*. At dahil adik ang mga kapatid ko kay JinkyVidal, dun kami nagpunta.

First time kong magpunta sa lugar na yun. Maganda pala dun. May view na para kang nasa Antipolo na din. Mas trip ko sana sa labas dahil mas tahimik. Pero dahil sa loob tumutugtog ang Freestyle, dun kami sa loob nanood.

Magaling tumugtog ang Freestyle. Bilib din ako kay Jinky. Pero hindi tungkol dun ang post na ito. Ito ay tungkol sa paglalapastangan sa aking pagkatao, na naranasan ko sa pagpunta ko sa lugar na yun.

Nung tapos na kasing tumugtog yung banda, nagpuntahan yung mga kapatid ko kay Jinky para magpakuha ng picture. Halatang hindi handa ang mga kapatid ko, as in nabigla lang silang magpakuha ng litrato, as in wala iyon sa kanilang plano, dahil may dala silang digicam. Ako ang naging officila photographer nila. Anyway, na-tempt na kong magpakuha na din ng picture. Pero naudlot ng lumapit sa akin si Jinky at sabihing - "kuya, patingin nga kung kita kami".

KUYA! Kuya ang tinawag nya sa akin? Syete! Parang biglang gumuho ako sa kinatatayuan ko ng marinig ko yun. Ganun na ba ko katandang tingnan?! Alam kong gumagalang lang siya kaya niya sinabi yun pero, por dyos por santo, ANG NAKATATANDA LANG ANG GINAGALANG! Sa mga ganung pagkakataon eh mas gusto ko pang bastusin na lang ako.

Haaayyyyy......

Bagay, kung tutuusin, mas masagwa siguro kung tinawag nya kong manong.

*O Avenue?

Tuesday, January 17, 2006

Diet Wars

Last week, nanood ako ng pelikulang "dont give up on us". Tama, yung pelikula nga nila Piolo at Juday ang pinanood ko. Wag lang sanang malaman ni Papa dahil siguradong tatakwil ako non. Nagkataon kasi na ang kasama ko dito sa opisina ay isang panatiko ni Juday. Nanlibre tuloy siya ng sine para sumama kami.

In fairview, medyo ok lang naman yung pelikula. Alisin lang yung mga sobrang ka-artehan na kadalasang kasama sa mga pelikulang pilipino, pede na din. Ika nga ng barkada ko nung college, kesa naman mag-drugs.

Merong isang magandang moral lesson ang pelikulang yun na kailangan kong ibahagi sa karamihan. Pagkatapos kasi ng pelikula eh yung ang tumatak sa isip ko. At yun ay - kelangan ko ng magdyeta!

Syete! Nakakahiya mang aminin eh para atang nainggit ako kay Piolo sa pelikulang yun. Pede kasi siyang magsuot ng t-shirt na fit, nang hindi siya hinahabol ng taong bayan para sunugin. Pag ako kasi ang nagsuot ng ganun, nagmumukha akong tinda na matatagpuan sa frozen meat section ng supermarket. Pero hindi naman ako nag-iisa. Ang isa sa kasama ko dito sa opisina ay magmumukha ding taga-frozen meat section pag nagsuot ng body fit.

Kaya pagtapos ng pelikulang yun, nagdesisyon kaming dalawa na magdyeta. Bale ang usapan namin eh paunahan kaming magpayat. Simple lang ang rules - pagdating ng December, kung sino sa aming dalawa ang may "K" na magsuot ng fit, bibigyan ng kumikinang na Dalawang Milyong piso! Ok exaggeration na yun - Two Thousand lang. Pero pera pa din yun.

So ngayon eh "no rice" na talaga ko promise. IBA NA ITO! Hindi na ito kagaya ng sinabi ko dito na hindi natupad.

Mananalo ako sa pustahan na ito! Sa December ay papasok ako ng nakabarong. At hindi lang isang ordinaryong barong kundi - ISANG BARONG NA FIT!*

*Kahit magmukha akong call boy na pormal eh ok lang

Hope

I have walked my life,
with you nearby
I have breathed in your air,
when life gave me a reason to cry
I sat and looked at my past,
and saw that you were always there
All of my life's trepidations,
I'm sure you are most aware

But now I stand here waiting,
for your propitious signs
For a fixed and wonderful omen,
to confirm that you have not resigned
I beg you to stay,
and be more than ephemeral
Help me make it through this day,
and through the ensuing days' trial

My eyes have failed to see you,
much to my despair
I tried so hard to find and feel you,
but you were simply not there
I am starting to shrink,
into an irrefragably weak man,
As your image becomes dimmer,
I fear that one day I will cease to "become"

You are my only hope.....

Monday, January 09, 2006

Eroplano

Sa eroplano papuntang Manila, as usual, bago lumipad eh merong demonstration na ginawa ang mga stewardess para sa tamang pagsuot ng life jacket. Pinakita nila kung paano ito inflate. Tinuro din nila kung nasaan ang pito na pede mong gamitin na pang-signal. Isa lang naman ang tanong ko - aanhin ko ang lahat ng iyon pag sumabog ang eroplano? Kasi yun naman ang kadalasan na nagyayari eh. Pede ko bang inflate ang life jacket at gawing parachute? Mahihipan ko pa ba ang pito habang ang eroplano ay nagliliyab at ako naman ay natutunaw na sa apoy?

Nung nakalipad na ang eroplano, mula sa Masbate hanggang sa Manila ay nakatingin ako sa ulap. Isa lang din ang obserbasyon ko - wala akong nakita kahit na isang miyembro ng carebears.

Promdi

Kagagaling ko lang ng probinsya ngayon. Last Friday eh nagpunta ko ng Masbate para samahan ang uncle ko na sunduin ang Lolo at Lola ko. So, halos tatlong araw din akong walang ginawa kundi kumain at matulog.

Huli kong uwi sa probinsya namin eh halos isang taon. Wala namang nagbago simula nung huli kong uwi. Ganun pa rin ang takbo ng oras sa probinsya, di hamak na mas mabagal kesa sa takbo ng oras dito.

Sa Masbate din eh nagawa ko ang paborito kong gawin kapag gabi* - ang mag-stargazing. Dahil nga konti lang naman ang ilaw dun, tsaka wlang pollution, para kang inuulan ng bituin kapag gabi na. Ewan ko kung bakit pero nakakaramdaman ako ng kapayapaan kapag nakikita ko ang mga bituin. Para kasing kapag tinitingnana ko sila, kumikinang lang sila para sa akin. Kahit sa isip ko lang, ang sarap pagmunimunihan na may mga bagay na nakalutang sa langit, na binibigyan ako ng pansandaling pagpapahalaga. (Syete! Drama na itesh!)

Sa balkonahe din sa bahay namin sa probinsya eh may parang mini-greenhouse. Kapag umaga, dun ako umiinom ng kape. Habang nakatingin ako sa mga bulaklak dun, nakakapagpahinga ako ng sobra - higit pa sa pahinga na naidudulot ng mahimbing na pagtulog. Iilan lang ang mga pagkakataon na ganoon - iilan lang talaga.

Marami akong alaala sa probinsya namin. Maraming masasayang oras ng buhay ko ang doon nabuo. Lagi kaming naglalaro noon sa ilalim ng buwan. Laging nagtataguan at nagkukuwentuhan kapag gabi na. Hindi ako nawawalang ng kasama noon.

Pero napansin ko na nitong mga huling uwi ko sa probinsya eh kadalasan akong nag-iisa sa balkonahe. Tinitingnan ko na lang yung kalsada na dati kong pinaglalaruan. Hindi na maingay sa kalsadang yun, pero parang walang patid pa din ang ingay na dala ng masasaya kong araw sa probinsya. Wlang patid pa din ang tunog ng tawanan sa alaala ko. Ganoon yata talaga kapag nakikipaglaro ang tadhana.

Wala na ang karamihang mga kalaro ko. Kagaya ng iba pang tao na minsang naging malaking bahagi ng buhay ko, sumabay sila sa agos ng oras - nagkaroon na din sila ng sari-sarili nilang buhay.

Magkahalong saya at lungkot ang naramdaman ko nung umuwi ako sa probinsya. Saya, dahil muli kong nagawa yung mga bagay na nakakapagbigay sa akin ng kapayapaan. Lungkot, dahil naalala ko yung mga bagay na wala na, na dati kong pinagkukuhanan ng saya.

Merong naliligaw na bata sa puso ko. Ang takot ko lang, baka tuluyan ko na siyang hindi mahanap....

*Mahirap kasi itong gawin sa tanghali.

Wednesday, January 04, 2006

Year of the Dog

Lingid sa kaalaman ng karamihan, at minsan lingid din sa kaalaman ko, meron akong gift of foresight. Hindi ko maipaliwanag kung bakit pero nakikita ko ang hinaharap. Samakatuwid eh may kapangyarihan akong manghula. Hindi ko lang ito masyado pinagkakalat dahil takot ako sa magiging epekto nito sa aking buhay.

Natuklasan ko ang gift ko na ito noong bata pa ako. Siguro eh mga Grade 5 ako noon. Nangupit ako kay papa ng 50 pesos para makapaglaro ng family computer. Nalaman ito ni papa at pinauwi ako agad. Wala pa ako sa bahay, parang nakikinita ko na na ako ay makakatikim ng gulpi. True enough, nagulpi nga ako. So doon ko na-realize na "I can see the future".

Ngayong Year of the Dog, gusto kong ibahagi ang ilan sa mga predictions ko. Matagal kong pinagmuni-munihan ito at halos manghina ako ng todo dahil sa pag-gamit ko sa aking gift. Narito ang ilan lamang sa mga nakita ko na mangyayari sa taong ito, sa buong mundo:

1. Merong manganganak.

2. Nakakatakot man pero nararamdaman kong merong mamamatay. Hindi ko lang masiguro kung sino at kung saang bansa siya. Medyo blurry kasi ang nakita ko.

3. Isa sa mga buwang ito, uulan sa isang bahagi ng Pilipinas.

4. Mananatiling matiwasay at sagana ang buhay ni Bill Gates.

5. Sa taong ito, hindi ko magiging girlfriend si Kristine Hermosa.

6. Merong isang pamilya (hindi ko din alam kung sino at kung saang lugar sila) na magkakaroon ng bagong TV.

7. Wag sana ninyo itong ikagimbal pero, ayon sa aking mga nakita, merong masisiraan ng kotse.

8. At ang final kong hula - madami akong makakain na kanin ngayong taong ito.

Tip: Dahil nga Year of the Dog ngayon, magiging masuwerte ang pagpasok sa mga business - yun ay kung isa kang Dalmatian. Magkakaroon ka din ng kabiyak sa buhay na matagal mo ng hinihintay - kung ikaw ay isang Labrador. Kung ikaw naman ay asong kalye, iwasan mo ang mga lugar tulad ng Baguio, Ilokos Norte, at Tondo (lalo na kung piyesta), kung gusto mong humaba pa ang buhay mo.