Thursday, November 03, 2005

Tatay Siso

Hindi ko alam kung bakit tatay siso ang tawag namin sa kanya. Kung tutuusin, Lolo Siso dapat kasi nga eh tatay siya ni mama. Pero nakagisnan na naming magpipinsan na tawagin siyang Tatay Siso. Noong October 30 eh pumunta kami sa kanya. Anniversary kasi ng kanyang paglisan dito sa piling naming mga nagmamahal sa kanya. Kaya ako, kasama ng mga iba pang kamag-anak, eh nagtipon sa maliit na sulok na yun ng sementeryo.

Kung isusulat ko lahat ng alaala ko tungkol kay tatay siso, masyadong magiging mahaba ito. Kasi, mula nung magka-isip ako, siya ang isa sa mga unang naging bahagi ng mundo ko. Bata pa ako noon eh sa kanya na ako lumalapit para humingi ng pera pambili ng mga mumurahing laruan at chichirya. Kapag ayaw akong bigyan ng pera noon ni mama o ni papa, kay tatay ako pupunta at sigurado na may matatanggap ako kahit papano.

Hindi mayaman ang pamilya namin. Yun ang dahilan kung bakit kahit kailan eh hindi ko nakita na nagbuhay marangya si tatay. Matipid siyang tao kaya ultimo bente singko ay hindi niya binabalewala. Kaya nga ayaw nila minsan na si tatay ang bibili sa palengke kasi nga daw, kahit medyo bulok na yung binibili nyang paninda, basta mura, eh ok lang. Matipid siya, pero kahit kailan eh hindi ko siya nakita na nagdamot.

Ilang pasko ng buhay ko ang dumaan ng kasama si tatay. Ilang bagong taon din na nahingan ko siya ng lusis at watusi. Aaminin ko na nung mga panahon yun, mabilis na tumatakbo ang oras ng hindi ko napapansin na napakasuwerte ko pala kay tatay. Hanggang sa huling hangin na tatanggapin ng kaluluwa ko, wala akong magagawa na magiging sapat na dahilan para pagkalooban ako ng isang napakabait na lolo.

Noong isang taon, noong nabigyan na ng taning ang buhay ni tatay, may parte ng puso ko na ayaw pumayag. Merong sumisigaw at nagpupumiglas sa loob ko...nagpupumilit na kailangan eh wag mawala si tatay. Pero noong huling beses naming nag-usap, hinding-hindi ko makakalimutan yung sinabi nya sa akin - "Lumipas na ang panahon ko. Kayo naman ngayon.". Kahit parang hirap akong tanggapin yung sinabi nyang yun, kalaunan eh naunawaan ko din kahit papano. Sinabi ko noon sa kanya na hintayin nya ang pagpasa ko at magkakaroon na siya ng apong abogado. Pero buong tapang niyang sinabi sa akin na hindi na daw nya maabutan yun. Pero sabi nya, kahit wala na daw siya, makikita pa rin naman daw nya ang pagpasa ko.

Matapos ang pag-uusap naming yun...kinabukasan eh nawala na siya.

"Tatay, hindi ko alam kung meron kang internet access dyan sa langit. Sana meron para mabasa mo itong blog ko.

Tay, abogado na ko. Pasensiya ka na kung hindi ko na natupad yung pangako ko na ako na ang sasagot sa mga gamot na kailangan mo ha. Pero tutulong pa din ako sa pamilya natin Tay. Pangako yan.

Ginagawa ko lahat ng magagawa ko para maging mabuting tao Tay. Sana nakikita mo yan. Sana kahit papano, miski sobrang kulit ko dati, maging proud ka sa akin.

Salamat sa lahat ng alaala. Pero higit sa lahat...salamat sa pagmamahal."

4 comments:

Anonymous said...

Very touching blog, Cid! I'm sure he's truly proud of you. Basta, huwag mo lang kalimutang tuparin ung pangako mo sa kaniya (alam mo na kung ano iyon!) :-)

Anonymous said...

Naiyak na naman ako, kainis ka talaga.

Anonymous said...

Tatay Siso

Minsan na ring dumating sa buhay ko ang maalala ang mga taong naging bahagi ng buhay ko at ngayoy wala na sa mundong ginagalawan ko. Gaya mo, may lolo at lola akong nakalakihan pero di kagaya ng iyo. Lumaki akong may sariling mundo at hindi man lang naging malapit sa mga lolo at lola ko, kahit sa magulang ko. Ang totoo… may inggit akong naramdaman sa puso ko habang binabasa ko ang blog mo.. Sana, naipakita ko at naparamdam ko sa mga lolo at lola ko kung gaano ako kaproud at naging grandparents ko sila bago pa man sila kuhain ng Maykapal.

Maswerte ka at kahit papaano, naipakita mo kay tatay siso ang pagmamahal mo sa kanya. Lalo na ngayon, sobrang proud ng tatay siso mo sayo dahil di mo sya binigo… At kung ano mang pangakong binitawan mo sa lolo, sana tuparin mo…

Chell said...

very touching