Tuesday, January 31, 2006

Anticipated Insanity

Nararamdaman ko na aabutin ako ng madaling araw dito sa opisina ngayon. Katulad nung nakaraan, mukhang alas-dos ako makakauwi. Madami ang kailangan kong tapusin para manatili akong parte ng opisinang ito. Kundi eh, sabi nga ni Ichan, deadcock ako.

Pero bakit ako nagsusulat pa ng pang-post kung meron pa kong tapusin? Ewan ko din. Palagay ko eh dahil alam ko na kapag nagsimula na kong magtrabaho, masisira na naman ang ulo ko sa kakaisip. Kaya bago ako matuluyang masiraan ng bait, at mawalan ng ulirat, gawin ko muna ito.

Kaninang umaga eh galing ako sa Pre-Trial ng kaso ni Yoyoy. Hindi ko akalain na masasaktan pala ko sa maririnig ko dun. Kasi, gusto nang aregluhin ang kaso nya. May offer ang kalaban at tinanggap naman ng tyahin ko.

Nasaktan ako kasi kung pag-usapan nila si Yoyoy eh parang commodity. Tawaran at taasan ng presyo. Buhay yun ng pinsan ko! At, sa isang parte, buhay ko din yun. Dahil ng nawala siya, may parte ng pagkatao ko ang nawala kasama nya. Para sa akin, hindi kayang bayaran ng pera yun. Hindi kayang bayaran ng kahit na sino.

Hindi ako galit sa tyahin ko. Alam ko na kailangan na talaga nila ng pera para makapagsimula ulit. Naiintindihan ko ang sitwasyon nila. At bilang mga kliyente ko din, obligasyon ko na sundin ang kagustuhan nila. Kung gusto nilang aregluhin, desisyon nila yun. Wala akong magagawa.

Pero hindi ko matanggap na ganun na lang kadali...

Siguro dahil yung pinagdaanan ko, at patuloy na pinagdadaanan ngayon, hindi naging madali. Napakahirap bigyan ng presyo ang mga alaala ng dati, at ng mga saya na hindi ko na kailanman mararanasan ng kasama si Yoyoy.

May mga oras na naluluha pa din ako pag naaalala ko si Yoyoy. Mahigit apat na taon na ang nakakaraan mula ng mawala siya. Pero hanggang ngayon eh nandun pa din yung espasyo na iniwan nya sa puso at isip ko, na sa tingin ko ay hindi na pedeng punan. Mahirap ipaliwanag. Corny sa mga hindi nakakaintindi. Pero yun ang totoo.

Kaya ganun na lang ang epekto sa akin ng mga naririnig ko kanina. Handa akong dalhin ang kaso kahit saan. Handa kong ipaglaban si Yoyoy hanggang sa abot ng makakaya ko. Kaya kong gawin yun dahil alam ko na yun din ang gagawin nya para sa akin - siguro nga eh mas higit pa.

Kaso wala na sa mga kamay ko ngayon. Nagdesisyon na sila. Sana maintidihan ng pinsan ko kung bakit nagkaganun. Dahil kulang ang talino ko para maipaliwanag yun sa kanya, pagdating ng oras na magkita kami ulit.



1 comment:

Anonymous said...

hi cid!

I'm sure Yoyoy knows wat ur willing to do for him and somehow this is his sacrifice for his family. *hugs* i know how much you love ur cousin.