Tuesday, January 03, 2006

Si Kristine Hermosa sa Blue Moon

Maaga kami lumabas ng opisina kagabi. Kasi, maaga pa lang eh nagplano na kaming manood ng "Blue Moon". Alam kong marami sa mga nakakakilala sa akin ang magugulat pag sinabi ko sa ako ang nagyaya na panoorin ang pelikulang yun. Pero naintriga kasi ako sa trailer nya, at considering na palanca awardee ang gumawa ng screenplay, naisip ko na maganda siguro yun.

Ang schedule ng "Blue Moon" sa Greenbelt 3 ay 7 pm. Sakto na mga 6:30 ay nandun na kami. Nagwithdraw ng pera si Aris sa ATM. Lumabas muna ako habang nagwithdraw siya, at habang nasa labas ako ay may nangyaring kagilagilalas - DUMAAN SI KRISTINE HERMOSA SA MAY HARAP KO!!! Syete! Hindi ko maipapaliwanag ang nangyari. Parang aparisyon lang. Parang panaginip. IBA!

Sa mga hindi nakakaalam, dyahe mang aminin ay isa akong bentilador ni Kristine. Kaya ganun na lang ang reaction ko ng makita ko siya. Nung lumagpas na siya eh medyo napasayaw ako sa hindi malamang kadahilanan.

Anyway, side story lang yun. Ang main event ng post na ito ay ang pelikulang "Blue Moon".

Nagandahan ako sa pelikulang yun. Kahit palso yung ibang actors dun, nagandahan ako sa istorya nya. Matagal na akong hindi nakakapanood ng pelikulang pinoy na talagang masasabi ko na nagustuhan ko. Pero sa pelikulang ito ay masasabi kong sulit ang binayad ko na P140.00. (Syete! Katunog ko na yata si Cristy Fermin!)

Sa mga hindi pa nakakapanood, hindi ko sasabihin sa inyo na ang Corazon na tinutukoy ni Manuel Pineda (ang karakter ni Eddie Garcia), ay yung ginampanan ni Jennylyn Mercado*. Hindi ko rin sasabihin na magkikita sila ni Corazon sa huli dahil sa isang television show. Ayokong sabihin iyon dahil hindi ko ugali ang magkuwento ng pelikula sa mga hindi pa nakakapanood. Hahayaan ko kayong manood at tumuklas ng mga bagay na iyon. At dahil hindi ako mapanglait, hindi ko rin sasabihin na ang taba ni Christine Bersola(-Babao) sa pelikula, at masyadong naging halata na siya ay nagbre-breastfeed. Hindi ko talaga sasabihin yun.

Uulitin ko lang, maganda ang Blue Moon. Hindi masyadong magarbo. Simple lang at pede kang mapaisip. Yun ang gusto ko sa isang pelikula. Kung iisipin, parang yun din ang gusto ko sa babae. Pero hindi yun ang gusto kong isulat ngayon. Tsaka na.

Balik sa Blue Moon. Sabi nga sa pelikula, ang blue moon ay tungkol sa "taking second chances". Kaya kung meron ka mang mga bagay na gustong gawin na hindi mo pa nagagawa, o sabihin na hindi mo pa nasasabi, so long as buhay ka pa, binibigyan ka pa ng pagkakataon na hindi mo dapat sayangin.

Dahil sa pelikula, naisip ko tuloy yung mga bagay at pagkakataon na sinayang ko. Pero ngayon eh alam ko na hindi pa huli ang lahat.

Na-inspire ako. Alam nyo gagawin ko?

Tulad ng dati, wala....

*Hindi ko alam kung tama ang spelling. Hindi ko naman kasi pangalan ito.

No comments: