Nandito ako ngayon sa plm upang dalawin at kumustahin ang mga gusali na walong taon kong nakasiping. At katulad ng mga dati kong pangungumusta, wala pa ring reaksyon ang nasabing gusali. Talaga yatang hindi nagsasalita ang bato.
Bago ang pintura ng plm. Nde ko alam kung bakit ginawang pink ang kulay ng gusaling "mazin garzi"*. Para tuloy siyang pangharang na fence sa edsa.
Dumaan din ako sa UTMT**. Naalala ko ang mga alaala ko sa nasabing lugar. Madaming tula, kanta, at essay ang nagawa ko sa ilalim ng inspirasyon ng mga punong mangga na walang bunga. Madami ding iyakan, asaran, at awayan ang nangyari sa lugar na yun nung college ako.
Nagulat din ako dahil na-realize ko na madami palang bata sa mundo. Sa mundo kasi na ginagalawan ko eh medyo naka-dextrose na, o dili naman kaya'y naghihintay na lang ng tawag ng liwanag, ang nakakasalamuha ko. Ngayon eh parang ako yata ang naging matanda. Napagtanto ko rin sa pamamagitan ng pagpunta dito sa plm na, kahit ano yatang disguise ang ilagay ko sa katawan ko, eh hindi na talaga ko mapagkakamalan na college. College instructor cguro pwede.
Pag nakikita ko yung mga estudyante dito, parang nakikita ko ang sarili ko noon. Grabe, ganito pala kako ang itsura ko nuon? Payatot na parang kayang liparin ng ihip ng utot na malakas. Madami ding tanong na nabuo sa aking isip kapag tumitingin ako sa mga plm students. Katulad ng - lassenggo din kaya itong mga ito kahit college pa lang? Ginagawa din kaya nilang silid tulugan ang library at ang lib? Naglalaro din kaya sila ng SOS habang nagtuturo ng trigo ang teacher? Pumapasok din kaya sila ng uwian na? Nagkakaroon din kaya sila ng mga imaginary project para makapangupit sa magulang? At higit sa lahat, ginagawa ba nilang casino ang kanilang room pag walang prof?
Masarap pumunta dito sa school na ito. Marami akong naaalala na nakakapagpasaya sa akin. Meron ding mga malungkot pero carry lang. Ang mahalage eh mabilis mag-post ngayon kasi dsl ang connection dito.
*Gusaling Lacson sa totoong buhay.
**Under the mango Tree - ang tambayan ng mga taga-plm na walang pampanood ng sine pag vacant.
No comments:
Post a Comment