Friday, December 08, 2006

Isang bukas liham para sa akin

Pareng Cid,

Musta ka na? Madami bang trabaho? Kung oo man ang sagot mo diyan, hindi gaanong halata. Tumataba ka na naman kasi eh. Lakas mo kasi kumain sa Tondo. Lalo na sa madaling araw.

Naging ugali ko na ang magsulat ng mahaba. Pero sa ngayon ay parang hindi ko trip. Hindi dahil tinatamad ako, kundi dahil parang mas magandang maikli lang minsan ang sinasabi. Pag marami kasing paligoy-ligoy, nakakalito. Hindi kaagad nakukuha yung mensahe.

Isa lang ang gusto kong itatak sa isip mo ngayon - mag-isip ka.

Mag-isip ka Cid. Wag masyado puro emosyon ang pinapagana mo. Hindi lang sa batas kailangan na nag-iisip ka. Kahit sa pakikitungo mo sa ibang tao, lalo na sa sarili mo, kailangan mong mag-isip ng malalim. Wag kang papadaya sa emosyon mo. Wag mong hayaan na kontrolin ka ng nakaraan. Panahon na para sumaya ka naman. At malabong mangyari yun, habang hindi mo natutunan kung pano harapin ang ngayon, ng hindi ka lingon ng lingon sa dati.

Wag kang papalito sa mga pakiramdam na akala mo ay tama. Ang pakiramdam na hindi dumaan sa utak, yung hindi mo napag-aralan, kadalasan hindi tama. Kara wag ka papalinlang. Malakas ang boses ng puso pag nagsasalita, pero dapat pinpakinggan mo ng maiigi kung ano ang sinasabi niya. Iba ang lenggwahe nya, sa lenggwaheng alam mo. Kaya gumamit ka ng utak - mas madali kayong magkakaintindihan pag ganun.

Alam kong may puwang pa naman sa na nakalaan para magkamali ka. Hindi naman maikli ang tatahakin mo pa. Pero hindi yun rason para maging kampante ka. Hindi yun rason para masabi mo na ayos lang na magkamali. Ang masama kasi sa iyo, nauulit mo pa yung mga mali na matagal mo na dapat na-itama. Masyado kang nadadala sa bulong ng puso mo. Sa totoo lang, minsan nga hindi naman talaga siya bumubulong, tamang hinala ka lang.

Alam kung alam mo kung ano ang gusto mo. Sigurado ako diyan. Minsan lang tinatablan ka ng pag-iisa. Marami kang kaibigan, pero alam kung minsan ay ramdam mo mag-isa ka lang. Wag mong masyadong i-focus ang pag-analyze mo sa buhay mo sa ganoong aspeto lang. Marami pang sub-topics ang buhay pare, tingnan mo din yung iba.

Hanggang dito na lang at inaanto na ako.

Cid

Tuesday, November 28, 2006

Ding Dong

She hated watching movies from the back row...

She hated it when we were not seated at the first row...

She hated long lines...

She hated riding jeepneys,
preferring to wait forever for an FX taxi...

She hated sitting alone...

She hated my being late in a date...

She hated Tabasco...

She hated Vince Hizon...

She hated the ride to San Juan...

She hated our professor in Philosophy...

She hated math (I think, as much as I did)...

She hated her father (that's what I think)...

She hated the way some of her friends treated her...

She hated being alone at home...

She hated so many things.

And yet, despite all the things that she treated with spite, I think she never learned to hate me.

And I would remember her forever for that.

...and with that, I rest my case.

Ako: Bakit nandito ka ngayon? Wala ka bang pasok?

Pamangkin: Ayaw ko na pong pumasok?

Ako: Nyek! Bakit naman? Gugulpihin ka ng papa mo loko ka.

Pamangkin: Ayaw ko na po talaga. Gusto ko na lang maging boksingero parang si Pacquaio.

Ako: Haha! Iba pa rin nakapagtapos noh!

Pamangkin: Eh bakit ikaw? Sino mas mayaman sa inyo ni Pacquiao?

Ako: ..... ..... ..... ...... .....

Ako ulit: Bahala ka. Gulpihin ka talaga ni papa mo pag sinabi mo yan.

Pamangkin: Pag boksingero na ko di na kaya nya ko magugulpi!

Tuesday, November 14, 2006

All pigs go to heaven

Mas suwerte ako kumpara sa karamihan. Yan ang isa sa mga bagay na siguradong-sigurado ako. Yung ibang tao kasi, hindi nila alam kung saan sila pupunta pagkatapos ng buhay na ito. Hindi nila alam kung magiging ano sila pagtapos nilang malagutan ng hininga. Ako, pagbuga ko ng aking huling hininga, at pag ako ay na-reincarnate, natitiyak ko na ako ay magiging isang - baboy.

Masakit mang isipin, kailangan kong tanggapin na isa na kong baboy sa susunod na bahay. Yun ay bilang kaparusahan sa kakakain ko ng baboy sa buhay na ito. Nitong nakaraang dalawang buwan, madalas na lechon ang aking hapunan. Agahan ko naman ay kamto. Sa dami ng baboy na kinakain ko ngayon, mimura na ko ng Fairy Godmother ng mga baboy.

Ano na kaya ang kalagayan ng puso ko ngayon? Hirap na hirap na siguro siyang mag-pump ng dugo. Pero anong magagawa ko? The body is willing but the mind is weak.

Kahapon nga eh nangako ako sa sarili ko na puro gulay na lang kakainin ko. Kaso negative pa din eh. Kanina, pagdating ko galing sa hearing eh gutom na gutom ako. Ang oorderin ko nga sana sa baba eh yung ginataang gulay. Kaso, parang may kung anong hiwaga ang bumalot sa akin kanina. Parang na-magnet ako noong sinigang na baboy. Yun tuloy ang binili ko. Take note, kumuha pa ko ng kalahating lechon. Hindi ko talaga maintindihan kung bakit ganito ako ka-health concious.

Nag-iisip nga ako ng paraan kung pano malulutas ang problema ko na ito. Kung mag-muslim kasi ako, wala ding mangyayari. Malalabag ko lang ng paulit-ulit ang rule nila. Malamang eh mas lalo akong maging sureball sa impyerno pag nagkataon.

Di bale, simula sa araw na ito, nangagako ako na isang buwan akong walang ibang kakainin kundi gulay. As in gulay lang. At hindi ko na iisipin na gulay ang kanin.

Pero teka, bukas ko na lang simulan ang pagtupad diyan. Porkchop kasi ang niluto sa Tondo eh. Last na iyon.


Thursday, November 09, 2006

LRT at MRT

Ilang buwan na din akong sumasakay ng LRT at MRT ngayon. Mas mabilis kasi saka hindi ako gaanong mukhang galing sa desyerto pag yun ang sinasakyan ko. Pera na lang talaga kung ang masakyan kung LRT o MRT eh walang aircon. Pag kasi ganon ang nasasakyan ko, pagdating ko sa office, parang galing ako sa pakikipag-meeting kay sa satanas sa impyerno.

Sa ilang buwan kong pagsakay sa railway system dito sa Pinas, wala pa talaga kong nararanasang byahe na nakaupo ako ng maayos. Palagi na lang akong nakikipagsiksikan. Kaya nga itong darating na kapaskuhan, ang wish ko lang eh sana makaupo man lang ako sa LRT sa buong byahe ko. Minsan nga, miski hindi ako bababa sa Baclaran, parang naiisip ko na bumaba na lang doon para man lang maranasan ko kung ano ang pakiramdam ng upuan ng LRT, bago man lang ako pumanaw.

Napakasikip kasi ng LRT. At walang exception dyan. Tapos, masikip na nga, pipilitin pang pumasok ng iba. Kaya higit pa talaga sa sardinas ang kakalabasan nyo. Kaya nga walang katotohanan yung sinasabi ng LRT operator na humawak daw sa handrails. Langya! Kahit hindi ka humawak hindi ka naman babagsak dun sa sobrang sikip eh. Kung ikaw ay isang ina, kahit magpadede ka ng sanggol sa LRT*, tapos bitawan mo yung sanggol na hawak mo, hindi malalaglag. Parang floating lang siya dun.

Sa MRT, in fairness, nakakatyempo din naman ako ng upuan. Lagi kasing sa Taft ang station ko na sinusimulan. Kaso, kahit bihira na nga lang akong makaupo, tyempong meron palaging matanda na sasakay. Pagsakay nya na paupuin ko siya. At siyempre, kagaya ng isang pangkaraniwang pinoy ngayon - nagkukunwari na lang akong tulog.

Pero ang kinaiinisan ko talaga dyan eh yung mga taong sumasalubong sa mga bumababa. Kahit hindi nila kamag-anak yung mga bumababa eh sinasalubong pa din nila. Noong isang linggo nga, dala na din ng buwisit ko, nasigawan ko yung mga sumasalubong sa akin habang pababa ako sa Guadalupe.

"SANDALI LANG!" -sabi ko. Tapos ginulpi na ko ng taong bayan.

*Hindi ko nirerekomendang gawin ninyo ito, sa dami ng manyakis na sumasakay sa LRT. Pero kung ako katabi nyo, po-protektahan ko kayo.

Friday, November 03, 2006

To be continued....

Faith has a funny way of leading you to where you ought to be. In the same manner, while it still baffles me as to how it can lead you to a particular person in the most unexpected place and time, I have come to believe that every person we met, we never meet by accident. One way or the other, faith had a hand on it. I do not aspire to understand the inner workings of faith. I have never been comfortable at aspiring for the things that are beyond my fallible mind. I am just happy to know that it led me to a particular person. That person, who became my treasured friend, is the subject of what I am writing now.

Truth be told, I promised that friend of mine that I will write her a letter. God knows how much I tried to write her one. In fact, several drafts are still stored in my computer. The problem is - those letters don’t seem to be worthy of sending. The dilemma is quite simple really; I can never the write a perfect letter that would fit the perfect friend. So, rather than spending an eternity writing drafts, I chose to play it safe. This, whatever you may want to call it, is the nearest thing to a letter that I could possibly write for my friend. I am fervently hoping that this will somehow convince her that I was able to fulfill my promise.

Somewhere between the boundary of the things that are likely and unlikely to happen, I met Gem. The first meeting was a casual one. A friendly introduction was followed by a friendly handshake. Nothing could be simpler. At that time, there was nothing that would even slightly suggest that that friendly handshake, that friendly hello, would spark a friendship that is incomparable to those which I had previously experienced. Never had I imagined that that person would teach me what it means to have a friend; more importantly, that person taught me what it means to be a friend to someone. For that lesson alone, I would forever be in debt. Because of that, I am ready to declare as a universal truth that – the simple, casual, unnoticeable moments in our lives, ultimately, leads us to the extraordinary moments.

Unlike most stories with a clear beginning, I cannot state with absolute certainty how Gem and I became close. I cannot remember the specific time when I started to trust her with my life’s secrets. I just know that I did. Anyway, who would not? There is no mystery in that. After all, she personifies everything that is worth trusting. I am not exaggerating when I say that I even trust her more that I trust myself. At the risk of sounding redundant, there is nothing incomprehensible with being able to trust a person like her. As to why she trusts me (well at least I think she does) – that is the mystery of all mysteries; a mystery that up to now, I am still trying to unravel.

Monday, October 23, 2006

Oo, tinatablan pa din ako.

Kahit kailan, hindi ako natutuwa kapag meron akong sakit. Bukod sa hindi ako natutuwang uminom ng gamot, hindi rin nakaka-aliw na mabigat ang pakiramdam ko. Lalo pa at ang ulo ko ay parang tinataniman ng narra sa sakit.

Noong sabado pa ganito ang pakiramdam ko. Hindi ko rin alam kung bakit nagkaganito. Basta ang alam ko lang, paggising ko eh nanginginig na ang aking kalamnan at masakit na ang ulo ko. Buti na lang kamo at umuwi ang mga kapatid ko sa Tondo. At least ay merong kumalinga sa akin. Kahit papano ay nagkaroon ako ng mga private nurses.

Dapat talaga ay hindi na ako papasok ngayon. Kaso kapag hindi naman ako pumasok eh deadcock ako sa opisina. Merong mga kailangang tapusin na hindi ko pede ipagpabukas. Plano ko nga sana eh noong sabado ko trabahuhin. Kaso eh bigla nga akong sinaniban kaya wala rin akong natapos. Pero hindi bale, kakayanin ko talaga itong tapusin ngayon. Tutal eh wala namang pasok bukas. Bukas na lang ako magpapahinga ng todo.

Samantala...kelangan munang magtrabaho.

Ang pinaka-ayoko talaga pag may sakit ako eh yung wala akong ganang kumain. Paano ka ba naman kasi gaganahan eh lasang paracetamol lahat ng kinakain ko. Bata pa lang ako eh hindi ko na nakahiligang kumain ng paracetamol. Kaya nga kung merong man akong mahihiling ngayon, yun ay sana maglasang lechon na lang lahat ng kinakain ko kapag may sakit ako. Kung ganon mangyayari, malamang kahit isang taon akong may sakit eh ok lang.

Haayyy.....sakit sa ulo talaga.

Pero may positive effect din ang pagkakaroon ko ng sakit - hindi ako makapagyosi. Bukod dun, wala na akong maisip.

Thursday, October 19, 2006

A show of support

Dear Mayor Binay,

Isang mapagpalayang araw sa iyo!!!

Gusto kitang batiin sa ginagawa mo ngayong pagkontra sa preventive suspension na nais ipataw sa iyo ng rehimeng Arroyo. Tunay nga na ang rehimeng ito ay tuta ng kano.

Isa ka talagang matapang na tao dahil hindi ka gumagamit ng ibang tao para harangan ang mga nais mag-implement ng order laban sa iyo. Sa halip, walang takot mong hinaharap mag-isa ang pagsubok na ito. Hindi ka gumagamit ng mga bayaring tao para harangan ang city hall ng makati. Wala ka ring kasamang may armas na siyang nagbabantay sa iyo. Napakatapang mo talaga.

Matagal na talaga kitang idolo. Sa katunayan, hindi lang isang beses ako sumulat sa Ponds, sa Likas Papaya, sa Block & White, at marami pang kumpanya na nagbebenta ng whitening products. Sumulat ako sa kanila para i-rekomenda ka sa kanila para maging modelo, pero hanggang ngayon ay wala pa ding sumasagot sa aking liham. Hindi ko talaga malaman ang dahilan kung bakit. Maganda pa naman sana kung magiging modelo ka nila - ikaw yung "before".

Pero balik tayo sa totoong dahilan ng aking sulat...

Naniniwala ako na wala kang kasalanan na ginawa laban sa gobyerno, lalo na sa iyong mga constituents. Pinalalabas lamang talaga nila ang lahat ng iyan para mapagtakpan ang kanilang kamalian. Nag-imbento sila ng mga akusasyon laban sa iyo. Sinasabi nila na meron ka daw ghost employees eh wala naman talaga. Sa katunayan, nakakuha ako ng listahan ng ibang empleyado diyan sa Makati. Ang listahan na ito ang magpapatunay na walang ghost employees ang Makati. Narito ang ilan sa nakalistang empleyado ng makati:

1. Casper
2. Sadako
3. Sam Wheat (search sa google kung sino ito)
4. Spooky
5. Myrtle

Ngayon, sino ang magsasabi na kayo ay merong ghost employees?!? Wala talagang kuwenta ang gobyerno natin. Ang daming mayor diyan na masama! Kung sino pa yung walang condo units sa makati, siya pa ang napagbibintangang gumagawa ng mali. Hindi ka naman corrupt! Wala ka ngang gaanong kinukuha sa tuwing may gustong magtayo ng building sa makati eh. Malinis ka, as in.

Bilang tanda ng aking suporta sa iyo, araw-araw akong kakain ng barbeque sa baba. Araw-araw din akong maliligo at magsisipilyo bago pumasok. Samakatuwid, araw-araw kong gagawin ang lagi ko naman talagang ginagawa.

Sana ay wag kang umalis sa city hall ng Makati. Ang payo ko din eh mag-hunger strike ka ng dalawang taon. Wag kang kumain at uminom ng kahit konti, hangga't wala kang nakakamit na hustisya.

Lubos na hindi gumagalang,

Cidie

P.S. Bagay sa iyo ang naka-fatigue. Lalo kang pumuputi.

Sabi nga ni Gary Valenciano - "kay tagal mo mang nawala, babalik ka rin".

Ang tagal ko ngang walang nagawang post. Ang daming nangyari sa buhay ko na hindi ko ata nasulat dito. Balak ko pa naman na pagtanda ko, at kung sakaling meron na akong Alzheimers, itong blog na lang na ito ang titingnan ko para maalala ko kung ano ang mga nangyari sa buhay ko. Yun ay kung maalala ko pa na meron nga pala kong blog.

Maraming dahilan kung bakit hindi na ko masyadong nagpo-post. Pero dalawa ang nangunguna sa listahan - trabaho at katamaran. Minsan kasi maraming kailangan tapusin. Sa sobrang dami, pag natapos mo na eh tinatamad na ko magsulat. Ang gusto ko na lang eh kumain at matulog.

Mahirap talaga minsan ang maging artista. Masyadong maraming taping at shooting. Lalo pa at katatapos lang ng pelikula ko under Star Cinema - "Tinimbang ka ngunit sobra".

Bukod sa matagal na kong hindi nakakapagsulat, matagal na rin akong hindi nakakapanood ng pelikula. Ang pangako ko nga sa sarili ko last week eh manood ako ng "The Departed". Awa ng Diyos eh hindi ko pa rin napapanood. Pero hindi ko papayagang hindi mapanood yun this week. Actually, ang balak ko mamaya eh manood ng dalawang sunod na pelikula. At kung sakaling may oras pa (at hindi pa ako bulag), gagawin ko ng tatlo. Wala lang. Masarap ding mag-trip na walang dahilan eh. Tsaka ang gusto kong trip eh yung hindi na kailangan ng maraming paliwanag.

Daming drama ngayon sa buhay ko. Pag inisa-isa ko eh baka mapuno agad ang free space na alloted para sa blog na ito. Pakiramdam ko minsan, kailangan kong gumapang para maka-usad. Buti na lang talaga at mas may itura ko kesa kay Jinggoy. Yun na lang nakakagaan ng loob ko.

May bago nga pala akong laptop. Yung dati ko eh nabasa nung bumagyo. Hindi ko naman kasi alam na hindi pala yung pede gawing payong. Walang espesyal na dahilan kung bakit ko nabanggit na meron na kong bagong laptop. Gusto ko lang talagang magyabang.

Last but not the least, meron na nga pala kong girlfriend. Meron kasing engkantada na nagkagusto sa akin nung nadaan ako minsan sa Balete drive. Kahit na apat ulo niya, at kalahati ng katawan nya ay katawan ng kalapati, pumayag na ko. Wala naman kasi sa itsura iyan eh. Nasa pagmamahalan yan.

Wednesday, August 23, 2006

Bago man lang matulog

Eto ang mga panalong pick-up lines, na siyang maaring gamitin ng mga kalalakihan, para makipagkilala sa babae. 100% effective ito. Kahit isa lang diyan ang gamitin niyo, titiyakin ko na meron na kayong ihahatid na babae pauwi....

1. Excuse me miss. Alam mo, hindi mo natatanong, may itsura ko.
2. Wag mong tingnan ito (ituro ang buong katawan). Ang isipin mo eh yung potensyal.
3. Wag mong intindihin ito (ituro ang mukha). Ito kumukupas, ito hindi (ituro ang puso).
4. Miss, alam mo, bilib na bilib ako sa nanay ko. Siya na ang perpektong babae para sa akin. Kung magkakaroon man ako ng girlfriend, ang gusto ko sana ay yung kagaya nya. Maiba ko - medyo hawig mo nanay ko.
5. Gusto mo cellphone?
6. Can I buy you a drink? (Pag pumayag) Amina yung pambili.

Okay. Time to sleep....

Correction

Dear Ninoy,

Binabawi ko na yung nakaraang sulat ko. Hindi mo naman pala birthday eh.

Cid

Monday, August 21, 2006

Worth dying for?

Dear Ninoy,

Happy Birthday sa'yo. Hindi ako sigurado kung ilang taon ka na ngayon, pero sana ay mas marami pang dumating. Teka lang, patay ka na nga pala kaya wala ng dadating pa. In any case, happy birthday pa rin.

Alam mo, bata pa lang ako eh idolo na kita. Idolo ka kasi ng tatay ko. Meron siyang tape ng mga speeches mo. At dati ay madalas niya yung isalang sa cassette player namin. Habang nakikinig siya eh kinukuwento niya sa akin kung sino ka raw, at kung ano ang ginawa mo para sa Pilipinas. Mula sa mga kuwento na iyon ni Papa, nabuo sa isip ko kung ano at sino ka.

Noong magka-isip ako, mas lalo ko pang naintindihan kung ano ang mga ginawa mo. Sa paunti-unting pagbabasa, naintindihan ko kung bakit ganoon na lang ang paghanga sa iyo ng tatay ko. Kaya naman, ng matuto na akong mag-isip mag-isa, natutunan kitang hangaan.

Itong sulat kong ito ay hindi para purihin ka. Masyado ng maraming papuri ang tinaggap mo. Nakakasawa na ang paulit-ulit na parangal para sa'yo. Wala ng dating ang paghahatid ng bulaklak sa puntod mo, ng kung sino-sinong pulitiko.

Ginagawa ko ang sulat na ito para humingi ng dispensa sa iyo. Sabi mo kasi - the Filipino is worth dying for. Sa tingin ko, hindi ata.

Nakikita mo ba ang sitwasyon namin ngayon?

Wala na si Marcos dito, pero nandito pa rin ang mga Marcos. May kapangyarihan pa rin sila. Noong isang araw nga, nakita ko si Imelda sa SM Mall of Asia. Alam mo, pinagkakaguluhan siya doon. Meron pang mga nagpapa-picture at nagpapa-autograph. Hindi ko talaga mainitindihan kung bakit. Ang alam ko kasi, hindi dapat hangaan ang mga ganoong tao. Short term lang ata talaga ang memory ng mga Pinoy. Nakalimutan na namin kung ano ang ginawa ni Imelda sa Pilipinas. Nakakatawa na nakakalungkot no?

Kung mapapansin mo rin, bibihira ang Pilipino na gusto mag-stay dito sa Pilipinas. Lahat, ang gusto eh sa ibang bansa na lang mag-trabaho. Ang mga doktor namin dito, at may iilan pang abogado, nag-aaral ng nursing para lang maka punta sa States. Hindi mo naman sila masisisi dahil sa hirap ng buhay dito. Kasi sa totoo lang, ang mga magiginhawa lang ang buhay dito eh yung mga dati pang mayayama; o di naman kaya eh yung mga pulitiko. Pero yung mga karaniwang tao, karaniwan pa rin.

Kung titingnan mo ang roster ng mga taong bumubuo sa gobyerno, parang wala rin akong nakikita na "worth dying for". Meron nga kaming Senado na, sa dinami-dami ng mga batas na pedeng isulat para sa kapakanan ng nakararami, ang naisip niyang bill eh yung pagbabawal ng paggamit ng stapeler sa take-out na order. Ang galing di ba? At ang mas masam pa dun, hindi siya nagpapatawa lang.

Hindi ata kami "worth dying for".

Wala pa rin kaming disiplina. Kulng pa ring ang pagmamahal namin sa bayan namin. Palagi pa ring namaning inuuna ang sarili naming kapakanan, kesa sa kapakanan ng nakararami. Wala pa ring direksyon ang Pilipinas, dahil wala pa ring direksyon ang mga Pilipino. Hindi pa rin talaga namin alam kung saan kami pupunta. Mali ata ang pagtitiwala na binigay mo sa amin.

Pero paminsan-minsan, may mga pagkakataon na nakakakita ko ng mga positibo dito sa Pinas. Nakikita ko iyon mula sa mga simpleng bagay na hindi napapansin, at hindi talaga papansinin, ng dyaryo. Tuwing nakikita ko na may Pinoy na tumutulong sa kapwa nya Pinoy; tuwing may naririnig akong balita kung paanong may mga taong nagsusumikap para mabuhay, ng hindi nagnanakaw sa kaban ng bayan, nabubuhayan ako ng pag-asa. Naiisip ko na meron pang liwanag para sa Pilipinas, kahit papano.

Sa totoo lang, hind pa kami "worth dying for". Ilang taon pa ng pagbabago, bago namin maabot ang antas na yun.


Humahanga,

Cid

P.S. Napanood mo ba yung Sukob? Ok din no?

The dice of fate has been rolled and each one of us has been assigned a role to play. Ours is to keep lighting the beaconlight of freedom for those who have lost their way. Ours is to articulate the fervent hopes of a people who have suddenly lost their voices. Ours is to adopt the solid stance of courage in the face of seemingly hopeless odds so that hope no matter how dim or distant will never banish from sight.

- Ninoy Aquino

May bagyo ba?

Bakit ulan ng ulan?!? Holiday ngayon ah. Paano mapapakinabangan ang holiday kung bagyo?!!? Bad trip.

Dito lang ako sa bahay. Hindi makalabas kasi ang lakas ng ulan. Ang dami ko pa namang plano para sa araw na ito. Manonood sana ako ng sine tsaka magkakape. Kaso, sa lakas ng ulan, malaki ang posibilidad na dito lang ako sa bahay at dudugo na naman ang mata sa kakanood ng DVD.

Pero teka, napanood ko na nga pala lahat ng DVD dito sa bahay. Wala na kong pedeng i-marathon. Two weeks ago eh inubos ko ung Band of Brothers sa isang upuan lang. Kaya ngayon eh hindi na ko nakakakita sa kaliwang mata. Wala na akong pedeng panoorin. Meron yung 4 in 1 na DVD, kaso, sabi sa akin eh tig-kalahati lang daw lahat ng pelikula dun. Medyo mahirap yata kung manonood ako ng apat na pelikula, pero puro kalahati lang.

Nakakabato...

Dapat talaga eh gumawa ng batas ang mga kongresman natin na ipinagbabawal ang ulan kapag may holiday. O kaya naman, kung hindi man nila maipagbawal ang bagyo, dapat automatic na holiday sa susunod na araw na wala ng ulan. Lugi naman kasi kung forfeited ang holiday dahil lang sa lekat na ulan na yan. Bihira na nga lang eh masisira pa.

Buti pa mga kapatid ko mababaw lang ang kaligayahan. Eat Bulaga lang sila eh parang napakasaya na nila. Ako naman, eto at nasa tapat ng PC at nagsasawa nang mag-download ng kanta sa limewire.

Nakakatamad...

By the way, ano ang ibig sabihin ng nasa desktop ko na -"This copy of windows is not genuine. You may be a victim of software piracy."?

Ibig sabihin ba eh naloko na naman ako ng muslim sa quiapo at hindi original ang nabili ko? Sus! P150 ang bili ko dito ah! Ang ganda pa ng cover. Nagkamali lang siguro ang Microsoft. Sulatan ko nga si Bill Gates.

Wednesday, August 16, 2006

Panaginip

Kelangan ko lang i-share itong panaginip ko na ito. Matagal na itong nangyari, pero pakiramdam eh ko eh hindi ito nangyari ng walang dahilan....

Madalas akong mag-isip at mangarap na kilala ako ng mga "importanteng" tao sa mundo. Pag sinabi kong importante, ibig sabihin eh yung mga kilalang tao tulad nila Bill Gates, mga Ayala, mga Sy, basta lahat ng mayayaman dito sa Pinas at sa buong mundo. Naisip ko kasi, kung kakilala ko yung mga yun, mas madali akong maging mayaman. Mas madali kako akong magkaron ng trabaho at pera dahil nga marami akong koneksyon.

Minsan nanaginip ako....

Sa panaginip ko, parang pinagbigyan daw ako ng Diyos. Lahat nga ng mga importanteng tao sa mundo magiging kilala ko na. Hindi ko na eksaktong naaalala yung panaginip na yun, pero parang paglabas ko raw ng bahay namin, lahat ng tao eh binabati ako. Lahat ng tao eh kilala raw ako.

Gising na ako nung maisip ko kung ano ang kahulugan ng panaginip na yun - lahat ng tao dito sa mundo eh importante. Lahat ng tao ay may kanya-kanyang halaga.

Wala sa dami ng pera, o sa lakas ng kapangyarihan, ang sukat ng importansya natin bilang tao. Hindi kailanman pedeng ipagyabang ang natapos nating kurso, o ang mga nalalaman natin, kontra sa natapos at nalalaman ng iba. Hindi iyon batayan ng kung ano ang importansya natin. Hindi mo pedeng sabihin sa iba na "Mas mataas ako sa iyo". Walang karapatan ang kahit sino na tingnan ang kanilang kapwa bilang mas mababa sa kanila. Mali talaga iyon.

Ilang beses ko ginawa ang napakalaking kamalian na iyon. Ilang beses kong inisip na mas mababa ang isang tao ko kesa sa akin, dahil lang sa mas magaling ako sa kanila mag-inggles, o dahil lang sa mas may nalalaman ako kesa sa kanya. Wala na sigurong mas bababaw pa sa ganoong pag-iisip.

Ngayon, miski mahirap, pinipilit kong hindi maging mababaw. Pinipilit kong ayusin ang sistema ko ng pag-iisip. Sa totoo lang, mahirap. Mahirap bigyan ng respeto ang kapwa. Mas madali kasing manghusga. Lalo na sa trabaho ko.

Pero unti-unti kong natutunan kung paano itama ang mali kong iyon. Unit-unti kong nakikita kung gaano katotoo na mahalaga ang lahat ng tao. Kaya sa bawat hakbang na ginagawa ko, tinitiyak ko na hangga't maaari ay wala akong taong maaapakan. Dahil kung lahat ng tao nga ay importante, hindi tamang mang-apak ng kapantay mo lang.

Moral Lesson: Masarap ang Siomai sa Hap-Chan.

Under Renovation

Gagawa dapat ako ng post ngayon eh. Kaso nung magsign-in na ako sa blogspot, nagulat na lang ako kasi hinahanapan ako ng google account. Eh buti na lang meron ako. Pagsign-in ko, nalaman ko na may mga bago na palang features dito.

Pede nang baguhin ang maraming bagay as blog ko. Yung template eh pede ko nang i-adjust miski wala akong gaanong alam sa HTML. Bukod dun, at ang pinakamahalaga sa lahat - meron nang Labels!

Yup. Prang meron na atang sort by topic dun. Yun ang matagal ko ng hinihintay. Maganda may label ang mga post siyempre para hindi nakakalito.

Pag naayos ko ng ito, masaya ito!

Wednesday, August 09, 2006

An experience like no other

Naranasan nyo na bang lumangoy kasama ang mga balyena? Di ba sa subic meron na lalangoy ka kasama ang mga dolphins? Sa Bolinao naman eh meron ding parang ganun. Lalangoy ka kasama ang mga balyena, na hindi naman nananakit. Mababait naman sila. Puro planktons lang naman daw ang kinakain nila kaya hindi dapat matakot ang mga tao. Kakaibang experience talaga ang naranasan ko doon.

Nais kong i-share ang larawan ko sa experience na iyon. Sana ay maranasan ng lahat yun para mag-iba ang pananaw ng mga tao tungkol sa mga balyena. Dapat kasi talaga silang i-conserve.

Heto ang larawan ko doon. Ako ang may salbabida na napapalibutan ng mga balyena...




Sino sa kanilang dalawa si Jollibee?

Note: Hindi na ako ganyan kataba ngayon.

Post ng hindi nag-iisip

Kailangan kong tapusin agad ang post na ito.





Ok. Tapos na.

Friday, August 04, 2006

Ang post na wala lang

Ilang araw ko na sinabi sa sarili ko na gagawa ako ng bagong post. Kahapon nga, pinangako ko sa saril ko na magsusulat ulit ako - pampawala ng stress. Kaso, katulad ng pangako ko na hindi na ako kakain ng kanin, walang nangyari. Kaya ngayon, sasamantalahin ko na dahil wala akong masyadong ginagawa. Pagpaliban ko muna ang pag-aartista kahit sandali lang.

Parang walang masyadong kakaiba na nangyayari sa buhay ko ngayon. Pakiramdam ko nga, ang araw ngayon eh parang replay ng kahapon. Parang walang excitement. Huling magandang nangyari eh nung isang linggo pa. Pagbayad ko sa driver, tinanong ako kung estudyante daw ba? Siyempre abot-tenga ang ngiti ko. Akalain mo ba namang pagkamalan akong estudyante! Muntik ko na talagang i-french kiss yung mama. Ayoko lang mapagkamalan na isa kong "brokeback".

Nagpagupit din ako mga tatlong araw na ang nakakaraan. Mahaba na daw kasi ang buhok ko at napagkakamalan na kong adik. Ngayon naman, masyadong maigsi ang gupit sa akin kaya mukha naman daw akong elementary. Hindi ko tuloy malaman kung ano ba talaga ang gagawin ko sa buhok ko. Damned if you do, damned if you don't.

Trabaho pa din ang kadalasang ginagawa ko. Meeting sa director, meeting sa producer - kakasawa na talaga. Magkakaroon kasi ng Pinoy Big Brother Lawyer Edition. Ako ang napupusuan ng network para sumali. Sabi ko nga wag na nilang ituloy, baka yung unang ma-evict eh magdemanda agad. O kaya naman, baka sa buong show eh walang magsabi ng totoo*.

Nagbabalak akong umuwi ng Masbate. Baka next week. Meron akong tutulungan dun na katiwala namin sa bukid. Yung asawa kasi niya, paumanhin sa mga kumakain, eh pinutulan ng ulo. Kakagulat nga na may mga ganung pangyayari na lumalagpas sa TV. Nakakalungkot kasi mabait pa naman yun. Ang dami-daming Congressman dyan na pede pugutan eh.

Sa lovelife ko naman.......











........isa pa ring malaking blangko.

*Tulad na lang ng ginagawa ko ngayon.


Monday, July 17, 2006

Cybill

Pangalawa siya sa aming magkakapatid. Bale siya ang sumuno sa akin. Kung tutuusin, siya ang mas naging kasabay kong lumaki. Nakasama kong maglaro at maglakad kung saan-saan. Noong uso pa ang bioman, siya si Yellow 4.

Hindi ko maaalala kung meron ba kaming pinag-awayang malaki ni Cybill noong bata pa kami. Ang alam ko lang, kung nag-aaway man kami, ang mga pinagmumulan lang eh yung mga maliliit na bagay. Mga bagay na ngayon eh pagtatawanan mo na lang.

Pero noong lumaki na kami, parang naging malaki ang rin ang mga ugat ng pagtatalo namin. May mga pagkakataon na ilang araw o buwna din kaming hindi nagpapansinan. Hindi ako maninisi kung sino ang may kasalanan. Sa lahat naman ata ng conflict eh meron palaging kasalanan ang bawat isa. Basta ang alam ko...mahal ko ang kapatid ko.

Hindi ko alam kung alam niya. Hindi kasi namin naging gawain sa pamilya ang maging vocal sa nararamdaman namin. Hindi diya normal na parte ng komunikasyon sa bahay. Yun ang dahilan kung bakit hindi ko matitiyak kung nalalaman niya kung gaano siya kahalaga sa akin. Kung nalalaman niya na sa bawat oras ng buhay ko, isa mga palaging naiisip at pinapanalangin ko eh sana ay sumaya siya; Sana matagpuan niya yung mga pangarap niya.

Nandito ako sa opisina pero siya ang iniisip ko. Aalis na kasi ngayon ng kapatid ko. Pupunta siyang Dubai para doon magbakasali. Baka doon niya matagpuan ang "peace of mind" na hindi niya matagpuan dito. Merong parte ng puso ko na ayaw pumayag, pero naisip ko din, kailangan niyang makita yung saya niya. Mukhang dito kasi eh hindi niya yun mahanap.

Masakit sa loob ko ang pag-alis ng kapatid ko. Sa totoo lang, meron pa kasi kaming hindi pagkakaunawaan bago siya umalis. Sa katunayan, ilagn buwan din kaming hindi nag-usap. Gusto ko nga sanang sumama sa airport kanina, pero kulang talaga ako sa lakas ng loob.

Noong araw na nagkatampuhan kami, meron siyang sulat sa akin. Hindi niya alam ito pero, araw-araw dala ko yung sulat niyang iyon. Lagi lang nasa wallet ko. Hindi ako materialistic na tao pero, isa iyon sa mga bagay na pinahahalagahan ko. "Prized possession" kumbaga.

Kinukulang ako sa salita ngayon. Hindi ko makumpleto ang gusto kong iparating. Masyadong nahaharangan ng maramaming bagay na naiisip ko ngayon.

Minsan aabutan mo ang sarili mo na naghahanap doon sa panahon na mas simple pa ang buhay. Hahanapin mo yung pagkakataon na wala pang kumplikadong desisyon na kailangang gawin at tanggapin. Higit sa lahat, hahanapin mo yung mga tao na nagpapasaya sa buhay mo sa paraang hindi kayang ipaliwanag...hindi kayang i-quantify. Nangyayari yung ngayon kasi...hinahanap ko si Cybill. Sana maging masaya siya palage.

Friday, July 14, 2006

To: Aquaman

Dear Aquaman,

Wala ka bang balak na mag-aral ng abogasya? Alam mo, sa tingin ko kasi eh magiging mahusay kang abogado pag ginusto mo. Lalo pa kung sa Malabon lang ang concentration ng practice mo.

Kanina kasi, galing ako dun. May hearing ako. Kahit na ilang beses na din naman ako nag-appear doon, ngayon ko lang nakita yung Malabon after ng isang malakas na ulan.

Halos mahilo ako sa kakahanap ng lugar para makaiwas sa baha. Pero lahat ng madaanan ko eh parang isang malaking fishpond.

Mababaw lang naman yung baha. Sa katunayan, may nalunod nga daw doon na eroplano. As in inabot sila ng baha sa ere. Ganoon kababaw*.

Bssa nga yung loob ng sasakyang gamit ko. Kaya sa tingin ko eh sobrang bango ng sasakyan pagbukas ko mamaya. Lalo pa't natuyo na yung basang matting. Tiyak na kagigiliwan na naman ako n papa.

Kung ikaw ang magpractice sa Malabon, wala kang magiging problema. Pabor pa nga sa'yo na baha palagi. Hindi mo iisipin kung pano ka lulusong ng nakasapatos. Hindi ka naman kasi nagsasapatos eh. Nung nakita nga kita sa T.V., parang may hasang lang na kulay green ang paa mo. Kaya okay lang mabasa.

Tsaka kung lumalakas ka sa tubig, sigurado na tumatalino ka din. Kaya malaki na ang lamang mo. Bihira lang ang abogado na nakakahinga sa ilalim ng tubig. Wala akong kilalang syokoy na pumasa ng bar exams eh. (Mukhang syokoy madame.)

Kapag nag-abogado ka nga pala sa Malabon, malaki rin ang matitipid mo sa transpo. Kasi ako kanina, pagka-park ko sa sasakyan, nagside-car na lang ako papunta sa justice hall. Malapit lang naman kung tutuusin. Pero mga side-car lang talaga ang makakadaan dahil sa taas ng baha. Ayoko namang pumunta sa korte ng basa ang kalahati ng katawan ko. Medyo nakakailang yata yun.

Anyway, siningil ako ng side car boy ng sikwenta pesos para lang makatawid sa baha. Sikwenta Pesos! Samantalang kung nilakad ko yun, kahit hindi ako huminga habang naglalakad papunta dun, galing sa pinanggalingan ko, aabot akong buhay. Ganoon kalapit. Kung ikaw ang nandun, sikwenta pesos din sana ang natipid mo.

Sana ay nakumbinsi kita kahit papano. Sana ay mag-enrol ka na next year para sa lalong madaling panahon ay maging abogado ka na. Bibigay ko na lang sa'yo ang mga kaso ko doon.

Nagpapayo,

Cidie

P.S. Kung sakaling magpunta ka sa malabon at makita mo yung side-car boy na tumaga sa singil nya sa akin, kumontrol ka naman ng isang pating (di ba kaya mo yun?) tapos pakain mo siya.

Tnx.

Cidpogi

*Nabasa ko ito sa dyaryong Bulgar kaya naniniwala ako.

Friday, July 07, 2006

Fertilizer Scam

Note (Nota sa tagalog): Ang post na ito ay walang kaugnayan sa scam ng gobyerno. Ayoko ng magsulat sa mga bagay na alam na halos ng lahat. Saka wala akong kabalak-balak na mag-discuss tungkol sa pulitika. Artista ko eh. Hindi magandang pagsamahin ang showbiz at pulitika*.

May bagong padalang balikbayan box ang tiyuhin ko na nasa States. Isang malaking event yun sa bahay dahil madami na naman kaming makakain. Madalas kasi siyang magpadala ng mga pagkain sa amin. Alam nya kasi na naghihikaos kami kaya pinapadalan niya kami ng mga chocolates, de-lata, tsaka kung anu-ano pa. Pag sinuwerte ka pa, meron ding damit na kasama ang box.

Sa aming bahay, kapag dumating ang box, kelangan ay nandun ka. Kung minsan, kelangan din eh meron kang dalang patalim para ma-proteksyunan mo yung mga padala sa'yo. Kahit may mga pangalan na kasi yung mga padala, first come first serve ang policy namin dyan. Kaya kung wala ka, malas mo na lang kasi sticker na lang at extra ballpen ang matitira sau.

Anyway, itong huling padala ay wala ako sa bahay. At katulad ng inaasahan, pagdating ko sa bahay eh wala na ang mga para sa akin. Pero kahit papano ay medyo natuwa pa rin ako kasi may mga nakalimutan yata silang itago, na nakalabas lang sa lagayan ng mga pagkain. Hindi pa nangyayari ang ganun kaya sinamantala ko na. Kinuha ko agad yung isa tapos kinain ko. Ang pinili ko eh yung parang itsurang mani na nakalagay sa plastik.

Unang subo ko pa lang eh medyo nasagwaan na ko sa lasa. Pero inisip ko na baka naninibago lang ang panlasa ko sa stateside. Baka kasi kako sanay lang talaga ang panlasa ko sa boy bawang at sa pillows. Pero naka-ilang subo na ako, masagwa pa rin.

Kaya kinausap ko si mama kung bakit ganun ang lasa nun. Sabi ba naman sa akin - "Bakit mo kinain yan eh fertilizer yan sa halaman?" Parang galit pa nga yung tono nya dahil mamamatay na daw ang mga halaman namin, kinain ko pa ang fertilizer nila.

Anak ba talaga ako? Nag-alala pa sa halaman kesa sa akin. Eh pano kung may lason yun? Tsaka bakit nila nilagay sa lagayan ng mga pagkain??!!??

Comedy of errors tlaga.....

*Pero dito sa Pilipinas parang hindi applicable yun.

Wednesday, July 05, 2006

Genetic Engineering

Bakit ba nausopa ang genes? Bakit kelangan na meron pang DNA ang tao? Naisip ko kasi medyo unfair ata na, pinanganak ka pa lang, meron ng mga bagay sa'yo na hindi mo pede makontrol. Meron ka ng mga characteristics na nakatatak sa'yo. As in wala ka talagang choice.

Ok lang naman sa akin na hindi mo mapipili ang magulang mo*. Pero ang hindi ko matanggap eh kung bakit kelangan eh lahat ng katangian ng magulang eh mamanahin mo din.

Kagaya na lang ng kalagayan ko...

Simula sa unang ninuno ko**, hanggang kay papa, may kasaysayan na kami ng pagka-kalbo pagdating sa "certain age". Ok lang sana kung ang certain age na yung eh mga 60+ na - yun naman kasi ang normal na edad kung saan nagsisimula ka ng malagasan ng buhok. Pero sa lahi namin, nagsimula na kaming malagasan noong nagsimula kaming huminga. Kaya sa edad na trenta pataas eh inaasahan ko ng maging kagaya ni papa - tumitingin na lamang sa suklay at napapaluha.

Ngayon ay medyo nakakakita na ko ng senyales ng paparating na unos. Ilang taon na lang, alam kong magkakaroon na rin ng count-off sa buhok ko tuwing umaga. Kaya nga kailngan, bago dumating ang panahon na yun, meron na kong asawa. Kundi naman, kelangan ay mayaman na ko para makapagpa- hair transplant ako. Idudugtong ko sa kilay ko ang hairline ko para hindi na ko natutukson malapad ang noo.

Pero hindi na sana kailangan pa ang mga iyan kung perpekto lang sana ang mundo. Ang suggestion ko nga, sana pagpakapanganak mo, merong tindahan na mabibilhan mo ng genes na gusto mo. Parang isang 7-11 ng mga genes. Nandun ang gusto mong ilong, kulay ng mata, kapal ng buhok, etch. Kung merong ganun, malamang hindi kami magkakalayo ng itsura ni brad pitt. Ngayon din naman eh hindi din masyado nagkakalayo, wala lang naniniwala.

Sabi ng sikat na sai anonymous - "Experience is a comb that life gives you after you lose your hair." Ang sa akin na lang - "Sa inyo na lahat ng experience. Bigyan nyo kong buhok."


*Although ok lang kung naging anak ako ng hari ng Inglatera.
**Kung totoo na ang tao ay nagmula sa unggoy, ang ninuno kong unggoy ay tampulan ng tukso dahil siya lang ang unggoy na hairless.

Tuesday, July 04, 2006

Hello

Isang buwan akong nanahimik...

Isang buwan akong walang sinabi...

Alam nyo ba kung ano ang natutunan ko sa isang buwan na yun?

Wala.

Tama na ang drama...

Kahit anong pilit ko, hindi ko talaga kamukha si Captain Barbel...

Hindi rin ako kasing galing mag-english ni Panday...

Nagulpi na nga ni Manny si Larios eh...

Kaya dapat eh bagong buhay na lahat...

Ako rin...

Balik-artista na ulit ako...

P.S. Sa lahat ng nag-comment sa huli kong post, maraming salamat sa mga salita nyo. Napakalaki ng tinulong nyo. Balang araw, pagsikat ko, lilibre ko kayo lahat sa KFC.

Wednesday, May 31, 2006

150

Kasama ang post na ito, 150 na lahat-lahat ang nasusulat ko sa blog na ito. Kanina binalikan ko yung mga sinulat kong iba. Nakakatuwang malaman na kung ano-ano lang pala talaga ang pinagsusulat ko dito. May mga seryoso din naman, pero karamihan ata eh mga naiisip kong kagaguhan pag wala akong magawa.

Hindi ko alam kung ilan talaga ang nagbabasa nito. Pero nakakataba ng puso pag naririnig ko iyong ibang tao na nagsasabi na natatawa daw sila sa ibang sinusulat ko. Minsan nga, nagugulat ako kasi yung mga taong hindi ko iisiping magbabasa dito, eh yun pa pala ang nagtitiyagang sumilip sa mga iniisip ko. Masaya ang pakiramdam pag nalaman mong nakakapagpasaya ka kahit papano. Isa kasi sa mga natutunan ko sa buhay eh hindi ganoon kadaling makapagpasaya ng iba. Kung tutuusin, mas madaling makasakit.

Pero ngayon yata eh hindi na kaya ng isip ko na makapagpasaya. Dati kaya ko, kasi masaya din ako. Ngayon, medyo nabalutan ng agiw yung buhay ko. Kailangan kong maglinis. Kailangan kong mag-ayos ng mga bagay na magulo. Higit sa lahat, kailangan kong hanapin ulit yung tao na nagsusulat dito. Pakiramdam ko kasi, parang wala na siya. Masyado atang madilim ngayon kaya parang hirap akong makita siya.

Hirap akong makakita ng dahilan para tumawa ngayon. Hindi na ganoon kadaling ibuka ang bibig para tumawa. Nakakalungkot isipin na, sa lahat ng tao, naubusan ako ngayon ng patawa. Ligaw akong naghahanap ngayon. Lito akong umiikot sa isang bilog na hindi ko mapasok-pasok.

Alam ko namang may katapusan lahat. Sa dinami-dami ng dinanas ko, alam kong hindi naman buong buhay mo eh tatabunan ka ng problema. Pero sa ngayon, kailangan ko lang talagang mag-isip. Kailangan kong abangan yung katapusan ng pinagdadaanan ko.

Hindi ko alam kung kailan ulit ako susulat dito. Siguro, kapag nahanap ko na kung ano man ang nawawala sa akin.

Sa lahat ng mga nagtiyagang magbasa dito - salamat.

Magkikita ulit tayo....sana.

Thursday, May 25, 2006

No Smoking

Parang kailan lang ng sinulat ko ito.

Pero ngayon, isa na iyang malaking kasinungalingan. Ilang buwan na rin ang nakakaraan, bumalik na naman ako sa pagyoyosi. Nagpa-member na naman ako sa PLCS, na mas kilala sa tawag na Philippine Lung Cancer Society.

Sayang din yung halos isang taon kong pagtigil. Sarap na ng pakiramdam ko nun kasi hindi ako madaling hingalin. Tapos pag gumigising ako sa umaga, hindi ganoon kabigat ang dibdib ko. Ngayon ang dali ko na namang hingalin. Bumubuhat lang ako ng yellow paper eh napapagod na ko. Tapos pag umaga pa, yung dibdib ko eh parang inapakan ni Ronald McDonald. Bad trip talaga.

Nagpaplano akong huminto ulit ngayon. Naghihintay ang ako ng tamang tyempo - yun bang tyempong butas na ang baga ko. Nakaya ko naman dati eh. So walang dahilan para hindi ko makaya ngayon. Mahirap kung sa mahirap. Pero mas mahirap siguro kung dumating ang oras na sa tubo na lang ako humihinga. Mahirap na manligaw pag nangyari yun.







Friday, May 19, 2006

Fears

Lahat ng tao may kinakatakutan. Kahit gaano ka pa katapang, merong mga bagay na alam mong hindi mo kayang harapin mag-isa. At dahil normal lang naman akong tao, siyempre meron din naman akong mga bagay na kinakatakutan. Mga bagay na alam kong hindi ko kakayanin, tulad na lamang ng mga sumusunod:

1. MAMATAY NG NAG-IISA. - Hindi kaya ng isip at puso ko na mamatay ng mag-isa. Yun na yata ang pinakamalungkot na magyayari sa isang tao. Kaya kung ako sana ang masusunod, gusto ko sanang kamatayan eh yung masabugan ng nuclear bomb habang nasa SM Manila. At least, alam ko sa sarili ko na hindi ako mamatay ng nag-iisa pag ganun. Tiyak na marami kaming papanaw.

2. IPIS. - Kung anumang relasyon meron kami ng ipis, palaisipan pa rin sa akin hanggang ngayon. Basta ang alam mo lang, ayaw na ayaw ko siyang nakikita. Lalo na at papalipad na siya. handa kong ibuwis ang buhay ko para sa bayan, pero hindi ko kayang harapin ang isang ipis na lumilipad.

3. TUMANDANG BINATA. - Kailangan pa bang ipaliwanag ito? Palagay ko naman lahat ng tao eh ayaw tumadang nag-iisa. Bata pa naman ako kaya hindi pa huli ang lahat. Alam ko sa sarili ko na kahit na ano ang mangyari, meron akong babae na mapapakasalan. At bilang katunayan na hindi ako nagmamadali, pakakasalan ko yung babae na nakilala ko sa beerhouse noon isang araw. Mukhang gustong gusto niya kasi ko. Parang ayaw nyang humiwalay sa akin habang binibigyan ko siya ng pera. Yun na siguro ang matatawag na tunay na pag-ibig. Kaya hindi ko na siya pakakawalan.

4. MARAMI PANG IBA PERO TINATAMAD NA KO. - Marami pang iba pero tinatamad na nga ako.
4.

Signs

Bakit wala akong nakikitang mga ganitong signs?

1. PWEDENG TUMAWID, NAKAKABUHAY.
2. Yes Parking.
3. Yes Jaywalking.
4. Keep Left.
5. Save the user, jail the pusher. Then again, kill them both.
6. Tapat mo linis mo. Tapat ko pakilinis mo na rin.
7. Skyway is not a traffic discipline zone.
8. ONE WAY...yes I did it...ONE WAY.
9. Dont break the glass if there's no fire.
10. Noise please.
11. Wag magbayad na maaga (kahit kailan) para lalong di abala.
12. Buo lang po sa umaga.
13. Breastfeeding is still best for adults (particularly male adults).

Thursday, May 11, 2006

Three reasons to smile

Masama ang loob ko ngayong araw na ito. Hindi talaga ako masaya. Bakit? Dahil sa mga sumusunod na dahilan:

1. Meron na palang boyfriend si Barbie. Ang masama pa doon, hindi man lang niya sinabi sa akin. Kundi ko pa nabasa sa dyaryo eh hindi ko pa malalaman. Hindi naman sa pinagsisiksikan ko ang sarili ko sa kanya. Pero hindi ba't meron naman akong karapatan na malaman ang katotohanan? Siyempre kung malalaman ko iyong totoo, mas mabuting magmula mismo bibig nya. Kaso hindi ganoon ang nangyari! Oo nga't hindi naman nya ko ng personal - nandoon na tayo. Pero bakit hindi man lang siya nag-exert ng effort para kilalanin ako? Ansama talaga sa loob ko. Parang napahiya pa tuloy ako dahil nagsulat pa naman ako sa kanya. Grabe! Pero di bale, nandyan naman si Kitchie eh.

2. Speaking of napahiya, napahiya ako sa korte kanina. Kahit na madalas akong hindi umamin ng kasalanan, parang kasalanan ko yata kanina kaya nagkaganon. Alam ko naman kasi kung kelan ako mali eh. Hindi ganoon kataas ang pride ko para hindi umamin ng pagkakamali. On second thought, hindi pala! Wala akong kasalanan kanina. Sila ang nagkamali kaya ako napahiya. Ayoko na lang i-detalye kasi nga nakakahiya. Basta sa susunod na pumirma ako ng slumbook, yung karanasan ko kanina ang isusulat ko na most embarrassing moment ko.

3. Mali na naman ang nasulat kong schedule kanina sa planner ko. Yung schedule na akala ko eh ngayon mangyayari, bukas pa pala. Ang ganda! Hindi talaga bagay sa kin ang may planner. Hindi yata talaga bagay sa isang taong walang plano sa buhay ang magkaron ng planner. Inconsistent kumbaga.

Bad trip tlaga ko ngayon. Buti na lang at medyo mature na ko. Hindi ako nagmukmok na lang sa tabi sa kabila ng mga nangyari kanina. Ang ginawa ko ay ang natural na ginagawa ng mga matured na tao kapag nadedepress - kumain ako ng kumain.

Friday, May 05, 2006

2nd Letter for the day

Dear Barbie Almabis,

Sigurado ako na hindi mo mababasa ang sulat na ito. Hindi dahil sa hindi ka marunong magbasa, kundi dahil alam kong masyado kang busy sa iyong mga gigs. Wag kang mag-alala, hindi mo man mabasa ito, hindi naman ako magtatampo. Kasi hindi naman ako matampuhing tao.

Kaya ko naisipang sumulat sa iyo eh meron sana kong gusto itanong - gusto mo ba ko maging boyfriend? Wala lang. Baka kasi kako naghahanap ka ng boyfriend. Kesa ibang tao pa, ako na lang. Sigurado ka pa na hindi kita lolokohin.

Alam ko na marami kang manliligaw. May guwapo, may mayaman, at may mga macho din. Pero ngayon pa lang eh sinasabi ko na sa iyo na walang halaga ang mga bagay na iyan. Aanhin mo ang guwapo, mayaman, at macho? Eh hindi mo naman yan madadala sa hukay. Ako, pede mong dalhin kahit saan. Mag-volunteer pa ko na mauna sa iyo sa hukay kung gusto mo. Tsaka isa pa, ang kagwapuhan ay kumukupas - ang kapangitan ay hindi. Pag tumanda ang guwapo, pangit na siya. Ang pangit, kahit tumanda, pangit pa din. Saan ka pa?

Iniisip mo siguro - "Eh sino ka ba? Ni hindi nga kita kilala tapos gagawin kitang boyfriend?!?" Barbie, yun nga ang punto eh, gawin mo kong boyfriend para makilala mo ko. Tinitiyak ko sayo na isa kong mabuting tao. Malakas lang ako kumain pero hindi ako salbahe. Sa katunayan, huli kong pakikipag-away eh elementary pa ko. Maaaring nangungupit ako dati, pero parte lang yun ng normal na paglaki.

Ano ang maipagmamalaki ko sayo, para gawin mo kong boyfriend? Hayaan mong isa-isahin ko sayo:

1. Hindi ako adik.
2. Marunong ako gumawa ng eroplano at bangka gamit ang simpleng papel.
3. Hindi ako mayaman, pero yayaman din.
4. Best in penmanship ako nung Kinder.
5. Tsaka hindi nga ako adik.

Ilan lang yan sa mga katangian ko. Kung isusulat ko lahat, baka magsara ang google sa kakainin kong space. Kaya kung ako talaga ang gagawin mong boyfriend, wala ka nang mahihiling pa*.

Nga pala, marunong din akong mag-gitara. Kumakanta din ako. Hinihintay ko lang ang pagsikat ng banda namin. Alam ko namang paparating na yun. Kahit sampung taon ko ng hinihintay, malakas talaga ang kutob ko na sisikat na kami itong taong ito. Kaya bagay na bagay talaga tayo.

Kung sakali na makita mo ang lohika ng pagpili sa akin bilang iyong boyfriend, wag kang mag-atubili na sulatan ako agad. Pinapangako ko na papansinin kita.

Umaasa,

Cidie

*Bukod sa magpapayat akong konti.

Isang bukas na liham sa kumakanta ng Videoke noong Linggo

Dear Tikas,

Hindi ko sigurado kung iyan talaga ang pangalan mo. Yan na lang ang napili kong itawag sayo dahil, sa totoo lang, matikas ka talaga. Matikas ang tindi ng iyong self-confidence. Matikas din ang kawalan mo ng kahihiyan.

Noong Linggo ay may dinaluhan akong binyagan. Masaya ako noon dahil kumpleto ang barkada namin na mag-aanak sa isa pa naming barkada. Kahit sa Candava, Pampangga pa ang binyag, at kahit wala pa akong tulog nun dahil galing ako sa reunion, pinilit ko talagang makapunta. Maayos naman ang binyag sa simbahan kahit medyo may kainitan sa dami ng magpapabinyag. Hindi pa kita nakikita noon. Pagdating ko sa bahay ng aking barkada para kumain, dun ko narinig ang mala-demonyo mong tinig.

Noong una ay inakala kong nagpapatawa ka lang habang kumakanta ng "The day you said goodnight". Akala ko ay isa ka lang talagang magaling na komedyante dahil talaga namang nakakatawa kung pano mo awitin ang nasabing kanta. Pero ang tawa na bumalot sa aking bibig, ay unti-unting nabalutan ng ngitngit, dahil lahat ng kanta mo ay parang nagpapatawa ka na lang palage. Dun ko napagtanto na seryoso ka pala sa iyong pag-awit, at ang mas malala pa dun, hindi mo binitiwan ang mike. Sa bilang namin ng aming mga kaibigan, 12 songs ang sunod-sunod mong kinanta, bago ka nagpasyang tumigil. At dahil nga ang boses mo ay talaga namang nakakabaog, malaki ang posibilidad na ako, sampu ng mga sinamang palad na nakakarinig sau, ay hindi na kailanman magkakaroon ng anak.

Paano ko ba pedeng i-describe ang iyong boses? Wala akong maisip na salitang naimbento ang tao, para mailarawan kung gaano ka kawala sa tono. Sa totoo lang, nung kinanta mo ang Ulan ng Cueshe, parang gusto ko pasagasaan sa rumaragasang tren ang ulo ko. Hindi ko malaman kung ang kinakanta mo ay compose mo ba oh ano. Dahil kung ang tono ng kanta ay nasa chord na F, ikaw ay nasa chord na T. Isipin mo na lang Tikas, walang chord na T! Ganoong kalayo!

Hindi ko sinasabi na maganda ang aking boses. Miski magandang lalake ako, hindi naman ganoon kaganda ang aking tinig*. Pero por dyos por santos recoletos, hindi naman ganoon kalayo ang tono ko sa aktuwal na tono ng kanta. At pag nawawala ako sa tono, tumitigil naman ako. Ikaw? LABINGDALAWANG KANTANG puro wala sa tono! Sa totoo lang, kung umisa ka pa, nagbabalak na kong bagsakan ka na lang ng bloke sa ulo habang nakatalikod. Di bale nang makulong, matiyak ko lang na wala nang iba pang mabibiktima ng boses mo. Ang boses mo, sa aking palagay, ang ginagamit na pang-torture sa impyerno. Mas pipiliin ko pa ang kumukulong putik, kesa ang paulit-ulit mong pagkanta ng "Makita kang muli".

Medyo na-trauma tuloy akong umattend ng binyag. Kinakabahan ako at baka matyempo na naman ako't makita kitang ulit. Pag nagkataon kasi, baka isang kanta mo pa lang eh bigla na lang akong mabaliw.

Lubos na kaguwapuhan,

Cid

*Medyo hawig lang ng konti kay Josh Groban.

Friday, April 28, 2006

Update

Bukas eh reunion namin ng mga kaklase ko nung high school. Excited ako kasi, matapos ang sampung taon, magkikita na ulit kami. May swimming din daw na involved kaya malaki ang posibilidad na isuot ko ang aking red trunks.

Sakto!

Masusubukan ko na kung akma sa akin ang gagamitin kong trunks, pag lumaban na ko sa Mossimo Body Competition sa Boracay. Matindi pa naman ang preparasyon ko para sa kompetisyon na yun. Malakas talaga ang kutob ko na mananalo ko dun kahit siguro second place lang. Kung abs sa abs lang kasi ang pag-uusapan, meron ako nun ultimo sa mukha. San ka pa?!?

Kahapon eh tumugtog ako kasama ang aking mga kabanda. Tagal na din namin hindi nagprapractice kaya masarap ang pakiramdam. Natuklasan ko na marunong pa din naman pala ko mag-gitara. At, ahemmm, natuwa sa min yung may-ari ng studio. Inimbitahan kaming tumugtog sa mayrics. Set daw nya yung date after ng renovation nun. Pumayag naman kami siyempre. Sana nga matuloy. Pag nagkataon, tiyak na mapupuno na naman ang gig namin, sa dami ng mga taong babayaran namin para magpunta.

Start na nga pala ulit ako ng pagtuturo. Medyo nagdadalawang isip na nga ako kung kaya ko pa ba. Medyo pagod na kasi ko pagdating ko sa school. Ang tingin ko tuloy sa mga estudyante eh mga nagsasalitang unan. Pag nagsasalita sila eh para kong pinaghehele. Pero siyempre, ang obligasyon ay obligasyon. Kumbakit naman kasi kinain pa ni Adan yung mansanas eh. Sana hindi na ko nagtratrabaho ngayon at sitting pretty na lang sa Eden.

Sa Tondo na ako tumutuloy ngayon. Kaya malamang eh mapapadalas na naman ang pakikipag-usap ko sa Red Horse.

Abangan....


Monday, April 24, 2006

Comeuppance

May virus ang Laptop ko!

Isa akong masugid na supporter ng Intellectual Property Law. Kaya naman lahat ng nilalagay ko na software dito sa aking Laptop ay talaga namang original. Lahat ng nandito ay galing sa Quiapo at binili ko sa halagang P70.00. Sabi ng muslim na binibilhan ko doon, original daw ang mga software na binibili ko sa kanya. Mura lang talaga siya magbenta dahil, bukod sa close sila ni Bill Gates, gusto niyang tumulong.

Dahil lahat nga ito ay original, nagtaka ko noong isang linggo kung bakit bigla na lang nag-expire ang Norton ko. Mga 2000+ days pa kasi ang remaining subscription ko dapat doon pero bigla na lang siyang nag-lock last week. Bigla na lang nag-message na kailangan ko raw i-activate chuva. Kailangan nya daw ng bagong serial. At dahil malamang ay wala na sa Quiapo ang pinagbilhan ko, naisipan kong maghanap na lang ng serial sa internet. Hindi naman kako masama yun lalo pa at original naman ang software ko.

Kakahanap ko sa google, meron akong nakita na norton keygen. Yun na kako ang hinahanap ko. Siyempre, dahil mahirap magtiwala sa mga files na galing sa internet, dinownload ko agad at in-execute.

Viola!

Bigla na lang may mga lumalabas na bold sa aking desktop. Bukod dun, bumagal ng todo ang aking internet connection. Gumanda din ang performance ng Word. Kasi, sampu na ang salitang nasusulat ko, isa pa lang ang lumalabas.

Grabe!

Ito ba ang napapala ko sa pagbili ng mga original na sotwares!?! Ang lumalabas pa yata eh ako ang may kasalanan sa pagsunod ko sa batas! Kung alam ko lang na ganito eh di sana puro pirated na lang binibili ko. Tsk! Tsk! Minsan talaga ay mahirap ang maging masyadong masunurin.

Susubukan kong ayusin itong laptop, miski ang kabisado ko lang tlaga dito eh kung pano magshutdown. Gamit ang kaalaman ko sa iba't-ibang kumplikadong program, tulad ng wordstar at lotus123, tatangkain ko kung kaya pa ba itong maayos. Kundi na - FORMAT!

Tuesday, April 18, 2006

Pagmamahalan

Sa mga hindi nakakaalam, isa sa kasama ko dito sa opisina eh barkada ko simula pa noong high school. At dahil nga barkada ko siya, mahal ko siya. At sa tingin ko naman eh mahal nya din ako.

Ng malaman nya ang tungkol sa blog, nag-suggest siya na gumawa daw kami ng blog na maglalaman ng pagmamahal namin sa isa't isa. Natuloy naman namin ang konsepto namin na yun. Yun nga lang, hindi na namin na-update.

Kung sino man ang may kaibigang matalik, inaanyayahan ko kayo na click ito.

Tiyak na makakarelate kayo dyan....

Bakasyon Engrande

Napakahaba ng bakasyon noong semana santa. Wednesday pa lang eh wala na kaming pasok. At kagaya ng iba pang ngayon lang ulit makakaranas ng mahabang pahinga, siyempre super excited ako. Napakarami naming plano ng mga kaibigan ko kung saan pupunta at magbabakasyon. Puno nga ang schedule ko para sa semana santa....

Thurs to Friday - Batanggas
Friday to Sunday - Baguio at Sagada

Ang saya talaga! Swimming sa Batanggas tapos eh palamig ng konti sa Baguio at Sagada. San ka pa?! Kaya wednesday pa lang eh preparado na ko. Nagpaalam na rin ako sa bahay para kako hindi na nila ko hanapin.

Pero dahil meron tlagang mga pangyayari na hindi mo aasahan, nagkaroon kami ng change of plans. Ang nangyari tuloy eh nabago ang schedule ko. Ang nangyari eh....

Thurs to Friday - Bahay
Friday to Sunday - Bahay (Noong Sunday eh office)


Habang naglilibot sa Pinas ang mga bakasyonista. Ako naman eh naglilibot sa bahay namin. Kahit anong libot ko, wala talaga akong makitang swimming pool sa amin kaya nde ako nakapag-swimming. Hindi din ako nakapagpalamig dahil wala naman kaming aircon. Suma tutal, ang nangyari sa aking "bakasyon" ay - wala.

Wala akong ginawa kundi manood ng DVD at maglaro sa PC. Ilang ulit ko pinanood ang Batman Begins, Sassy Girl, Windstruck, at saka Spiderman. Sobrang kabisado ko na nga yata ang mga pelikulang yun sa sobrang ulit ko. Napagpalit ko na nga sila - Spiderman Begins, Sassy Struck, saka Windgirl. Iba talaga ang nadudulot ng sobrang pagkabagot.

Hay....sayang na bakasyon.


Thursday, March 30, 2006

Headlines

Hindi na kami nagpapadeliver ng dyaryo ngayon dito sa office. Sayang naman kasi dahil walang nagbabasa. Ang binabasa ko lang naman sa dyaryo eh yung comics section. Tapos ang tinitingnan lang naman ng kasama ko sito eh yung crossword section.

Wala na talaga kong hilig na magbasa ng dyaryo ngayon. Hindi katulad dati na tuwing umawa eh yung agad ang hanap ko. Nakakabuwisit lang kasi pag nababasa mo ang mga balita na pare-pareho lang naman. Walang bagong nangyayari. Ang masama pa dun, nakaka-depress lang ang mga mababasa mo - lalo pa pag ang topic eh tungkol dito sa Pilipinas. Hindi naman sa wala akong pakialam sa Pilipinas pero, kung yun at yun lang din ang mababasa ko, mas gusto ko pang malaman ang mga pangyayari dito, gamit ang sarili kong opinyon. Kumbaga eh gamit ang sarili kong interpretasyon.

Pero hindi naman ibig sabihin na hindi na ko bibili ng dyaryo kahit kailan. Panata ko sa sarili ko, pag may nabasa na ko na kakaibang headline, magsisimula na ko ulit magbasa. Halimbawa ng mga kakaibang headlines na hinihintay ko ay:

1. "Lion Heart ng Carebears, involved sa the Coup Plot" - Sec. Gonzales

2. Isda, nalunod.

3. Santa Claus admits that his gay in PBB Christmas Edition.

4. Malabon, hindi na binabaha!

5. Mga Kongresman at Senador, sabay-sabay na nagpakamatay.

6. Kiera Knighltey, nagpakasal sa isang Pinoy (Cid Andeza)!

7. Kris Aquino, isa ng pipi.

8. Friendster Testimonial in favor of Cid, mandatory under the new law.

9. Philippines, world's NEW superpower.

10. Cid, world's sexiest man according to People.

Tuesday, March 28, 2006

Usapang mature

Client 1: Pre, kumusta na nga pala si Onse?

Client 2: Sinong Onse?

Client 1: Yung anak ni Aling Pasing. Yung kapitbahay natin sa Novaliches.

Client 2: Si Neil! Pare naman, mga propesyonal na tayo. Hindi porke't onse yung daliri ng tao eh "Onse" pa ring ang itatawag natin sa kanya. Hindi na tayo bata. Engineer na yun baka hindi mo alam?!?

Client 1: Ganun ba?

Client 2: Oo. Kaya wag na nating tawagin yun sa palayaw nya nung bata. Matatanda na tayo. Hindi na tama na gumamit pa tayo ng mga tawagang pambata. Baka mamaya propesyonal na pala yung tinutukoy natin eh.

Client 1: Ok.

(After 10 minutes)

Client 1: Nga pala, musta na si Ulo?

Drum Roll.........

Monday, March 27, 2006

Losing my Religion

Wala na yatang hihigit pa sa talino ko. Humility aside, sa tingin ko ay ako na ang pinakamatalinong tao na nabuhay. Kumpleto din ako ng talento. Kumbaga eh ako na ang simbolo ng isang perpekto at kumpletong tao.

Kahit gaano pa kalalim ang gawin kong pag-iisip, wala talaga akong maalala na kapintasan ko. Wala talaga. Ang kapintasan ko lang talaga na naiisip eh sobrang perpekto ko. Minsan nga, ang iniisip ko ay isa siguro kong anghel.

Bilang katunayan....

Nawala na naman ang cellphone ko. Nalaglag habang mahimbing akong natutulog pauwi ng Tondo.

Hindi ko na alam kung ilang beses na kong nawalan ng cellphone. Pede na siguro kong magtayo ng isang maliit na tindahan ng cellphone kung nde ako nawawalan ng fone.

Ang hindi ko maintindihan eh kung bakit nagagalit sila mama tuwing nawawalan ako! Ano ba ang masama dun? Kung tutuusin, mga tatlong buwan ko na ding napakinabangan yung cellphone na yun. Kaya nararapat lang na may makinabang naman na iba. Bakit sila nagagalit sa pagiging matulungin ko? Sa langit times 100 daw yan sabi ng teacher ko nung elementary. Ibig sabihin, libo na ang cellphone ko sa langit! San ka pa?!?

Hindi pa ako kumukuha ng sim sa smart. Medyo pinapatagal ko pa kasi nakakahiya na. Mauubusan na kasi ko ng dahilan kung bakit nawala ang sim ko. Eto ang draft ng idadahilan ko ngayon sa Smart:

Smart Communications
Ayala Avenue, Makati
RE: Request for Sim Card Replacement

To Whom It May Concern:

On March 23, 2006, while I was on my way to Tondo, a beggar approached me and asked if she could borrow my phone. She told me that she needed to text her mother who was dying of cancer. Being the not-so-gullible-and-not-so-trusting-person that I am, I readily acceded. Once I gave her my phone, she turned into a very beautiful diwata.

As it turned out, the beggar was actually the fairy godmother of cellphones. I was so shocked because I was not aware that there was such an entity. She told me that, because of my generosity, she will give me something that I may use to fight crime. She also told me not to inform anyone what that "something" was or it will lose its powers. So, I hope you understand why I will no longer discuss it in this letter.

In view of the foregoing narration, may I request for a new sim card? You see, in exchange for the powers, I had to surrender my cellular phone. Though we may not understand why she needed the cellphone - being the diwata that she is - there are some things in this life that are beyond human reason. Nevertheless, rest assured that I will use the powers given to me to do good (such as evicting Zanjoe from PBB).

In the meantime, please provide me a new sim card.

Yours very truly,

Captain Cid (with a capital S* on my chest)

*To clarify, the "S" does not stand for stupid.

Wednesday, March 22, 2006

169 and counting...

Effective ang ginawa kong pagpapayat. Kailangan ko talagang ipagmalaki sa mundo na napakalaki ng pinayat ko simula ng magdesisyon akong wag na kumain ng rice. Napakarami na ng mga taong nakapansin na anlaki na ng pinayat ko. Halos araw-araw eh wala akong ibang naririnig mula sa ibang tao kundi - "Cid, ang payat mo ngayon ah!".

Masayang masaya ako kaninang umaga. Kasi, mula sa box na pinadala ng aking tyuhin eh may pinadala siyang weighing scale. High Tech! Kasi digital ang output na makikita mo. Sabi ko sa sarili ko - syete, ano na kaya ang timbang k0 ngayon?!?

May konti akong excitement bago ko tuntungan ko ang weighing scale na yun. Siyempre naglalaro na sa isip ko na malamang ang laki ng ibinaba ng aking weight. Dati kasi, nakakahiya mang aminin eh mga 165 pounds ako. Kaya pakiramdam ko nga eh mas mabigat pa ko kesa sa pinagsama-samang problema ng Pilipinas. Kaya nga nagdesisyon ako na kailangan kong magbaba ng timbang. Natatakot kasi akong magakaroon ng Diabetes at baka maputulan ako ng isang parte ng katawan.

Sabi kasi sa akin, pag may Diabetes ka daw at malala na, pag nagkasugat ka daw eh hindi na gagaling. Kaya ang ginagawa daw, kesa lumala pa lalo, pinuputol na lang ang parte ng katawan na nagkasugat. Baka raw kasi magka-impeksyon. Kaya yung kapitbahay namin na mahilig sa bukayo, nung magkasugat siya sa paa, pinutol yung paa nya. Eh paano kung ulo ang nagkasugat? Puputulin din ba para wag na kumalat ang impeksyon?

Anywayz, balik tayo sa weighing scale.

Pagtuntong ko dun sa scale na yun. Ang ganda! Lumabas ang ilang buwan kong pagtitiis! Nakita ko kung ano ang epekto ng tyagaang pag-iwas sa kanin. Kasi, ang timbang ko ngayon eh 169 pounds!

Isa lang masasabi ko - sinungaling ang weighing scale na yun! Hindi ko alam kung paano ko mapapatunayan pero may sama siguro ng loob yun sa akin kaya nililinlang nya ko.

Buwiset...

Moral Lesson: Ang pag-iwas sa pagkain ng sinaing ay nakakataba. Lalo na kung yun lang iniiwasan mo.

Monday, March 20, 2006

Ewan ko

Labingtatlong araw na ang nakakaraan, nagpost ako sa blog na ito.

Grabe! Ganun na pala katagal. Ang hirap kasi makahanap ng oras nitong mga nakaraang araw. Medyo madaming trabaho. Maraming dapat puntahan. Kaya pagdating ko dito sa opisina, ang ginagawa ko na lang kadalasan eh ang maidlip. Tinatakasan ako ng inspirasyong magsulat kapag ganoong pagkakataon. Katulad ng karamihan, mas inspired akong matulog kapag pagod.

San ba nakakabili ng time machine?

Taliwas sa akala ng iba, nag-iisip din naman ako minsan. Hindi sa lahat ng pagkakataon eh puro kalokohan lang ang naiisip ko. Minsan kasi eh kailangan din namang magseryoso. Minsan kailangan kong harapin ang isang problema, ng hindi nakatawa. Minsan talaga, hindi kayang takpan ng ngiti ang nararamdaman mong lungkot. Kahit naging ugali ko na ang pagiging masayahin, hindi ko maitatago na, kahit papano, nakakaramdam din ako ng stress.

Uuulitin ko, san ba nakakabili ng time machine?

Parang kailan lang, parang ilang kisapmata pa lang ang nakakaraan, isa kong bata na walang ibang problema kundi ang paglalaro. Maliwanag pa sa sikat ng araw ang alaala ng mga adventures ko noon. Kada lakad, kada takbo, at kada lugar na mapupuntahan ay bago. Hindi ko pa alam ang kahulugan ng salitang mababaw noon. Kaya siguro ang mga bagay na sa tingin ko ngayon ay mababaw na dahilan para maging masaya, ay nagbibigay sa akin noon ng sapat na dahilan para tumawa ng tumawa. Ngayong "malalim" na ako, natuklasan ko na ang pagiging mature ay hind garantiya ng kasiyahan. Hindi sila directly proportionate kumbaga.

Kung walang nabibiling time machine, meron bang na-aarkila?

Kapag napapagod ako, kapag nakikita ko ang pangit sa mundo na ginagalawan ko ngayon, binabalikan ko ang alaala na naipon ko noong bata pa ako. Ang tawag ko sa kanila eh mga "Alaalang Batibot". Alaala ng mga panahon na inosente pa akong naniniwala kay Pong Pagong, kay Kiko Matsing, at kay Manang Bola. Mga alaala ng isang musmos na walang puknat na sumusubaybay sa programang Batibot, sa pag-aakalang iyon talaga ang totoong mundo. Napakarami kong masayang alaala noon na hindi matatawaran ng kahit ano.

Meron bang mahihiraman ng time machine?

Hindi ata sumabay sa edad ko ang utak ko. Hindi kinayang sabayan ng pagtanda ng katawan ko, ang pagtanda ng isip ko. Iyon siguro ang dahilan kaya, paminsan-minsan, kinakailangan kong takasan ang kasulukuyan, sa pamamagitan ng pagbabalik-tanaw sa nakaraan.

Masama bang gumawa ng time machine?

Wala sigurong masama sa pag-aalala sa nakaraaan na hindi na pedeng balikan.

Kailangang kong harapin ang hamon ng araw na ito ng nakatayo. Hindi ko pedeng yukuan ang panahon. Hindi madaling kalaban ang oras. At mas lalong hindi madaling talikuran na lang basta ang mga pagsubok na dala nito.

Pero hangga't nandyan ang mga "Alaalang Batibot", wala akong dapat ipangamba.



Tuesday, March 07, 2006

Elebeytor

Kahit gaano kalaki ang pagkakaiba ng mga paniniwala ng mga Pilipino; kahit gaano karami ang relihiyon sa ating bansa; at kahit ano pa ang political affiliation na kinabibilangan ng isang indibidwal, isa ang tiyak ko - pare-pareho lang ang tayo kapag sumasakay sa elevator.

Ito ang na-realize ko kanina ng sumakay ako ng elevator sa PBCom. Doon kasi kami kumain pagkagaling sa banko. Nagpunta ako sa bangko para mangutang sana. Kaso ayaw pumayag kasi kailangan daw may dala kong valid I.D. Ayaw nilang tanggapin yung I.D. kung nung High School.

So un nga, nung sumakay ako ng elevator, napansin ko na parang merong unwritten rules na sinusunod kapag sumasakay ng elevator. Lahat kasi eh iisa lang ang aksyon. Bihira ang hindi nagiging conformist. Ngayon, para maging written na ang dati ay unwritten, eto ang mga rules na dapat sundin....

  • 1. Bawal magsalita.

  • 2. Bawal malikot.

  • 3. Dapat mong tingnan ang LCD display na nag-iindicate kung anong floor na.

  • 4. Kahit automatic ang elevator door, obligasyon ng nasa may harap na pindutin ang close button pag nakalabas na ang bababa sa floor.

  • 5. Imoral ang paghinga ng malakas.

    Sa tingin ko eh kumpleto na yan. Pansinin nyo sa susunod na sumakay kayo sa elevator, lahat sinusunod yan.
  • Monday, March 06, 2006

    Political Statement

    Maraming nagtatanong sa akin kung ano raw ang opinyon ko sa nangyayari dito sa Pilipinas. Ano raw ang masasabi ko sa gulo dito? May nagtatanong kung ano ang naiisip kong solusyon sa problema.

    Lahat tayo ay may sariling kuro-kuro kung ano ang dapat gawin. Meron diyang magsasabi na dapat ay bumaba na si Gloria. Meron din namang magsasabi na dapat ay tumigil na sa kakakontra ang oposisyon. Siyempre, kung panong may karapatan ang bawat isa na magpahayag ng sarili nilang opinyon, karapatan ko din na magpahayag ng aking opinyon. Kung dati rati ay wala aking kimi, hindi na pede yun ngayon dahil sa papalalang sitwasyon ng ating bansa. Para sa inang bayan, babasagin ko na ang aking katahimikan.

    Ano ang solusyon sa gulo? Eto ang mga naisip ko.....

    1. IBALIK ANG "THAT'S ENTERTAINMENT" - Kung naalala nyo pa, nung may That's Entertainment pa eh wala namang destabilization na nangyayari. Merong mga coup attempts pero lahat ng yun ay hindi nagtatagumpay. Nung kasikatan ng Thursday Edition ay wala naman akong naalala na nag-declare si Pres. Cory ng "State of Emergency". Kaya na-conclude ko na may kaugnayan sa kaguluhang nagyayari ngayon ang pagkawala ng "That's". Wala pa kong hard evidence pero, sa aking palagay, ang pagsigaw ni German Moreno ng "Walang tulugan!" ang sanhi ng discontentment ng mga sundalo. Mababa na nga naman ang sahod nila eh ayaw pa silang patulugin.

    2. GAWING ISANGLIBO ANG PRESIDENTE NG PILIPINAS - Kaya naman nag-aaway ang mga pulitiko eh dahil gusto nila na sila ang maging presidente. Sa madaling salita eh gusto nila ng power. Ngayon, para matapos na ang political bickering, gawin na lang natin na isanglibo ang mga presidente natin. At least, lahat ng gustong umupo eh makakaupo. Hindi na kailangan pa ng mga constitutional convention chuva.

    Magulo pag ganun? Eh magulo din naman ngayon eh. So walang magbabago.

    3. ITIGIL NA ANG KAHIRAPAN - Paano? Simple lang. Gawin nila kong mayaman. At least may isa na na hindi naghihirap. Isa-isa lang muna siyempre. At dahil ako nakaisip nito, ako ang mauuna.

    4. GAWING MANDATORY NA LAHAT NG SUNDALO AY DAPAT MARUNONG MAGCROSS STITCH - "Evil lurks in the mind of an idle man" - ika nga ng isang sobrang sikat na pilosopo (na sa sobrang sikat eh nakalimutan ko na kung ano pangalan niya). Kelan ba bumubuo ng mga plots yung mga sundalo natin? Siyempre kung kelan sila walang magawa! Parang naririnig ko na ang nagiging usapan nila pag ganung mga pagkakataon -

    Sundalo 1: Pre, ano ginagawa mo?
    Sundalo 2: Wala nga eh. Tambay lang dito sa barracks. Wala kasing gyera, bad trip!
    Sundalo 1: Magplano na lang tayo ng coup. Makikita pa tayo sa T.V.
    Sundalo 2: Sige!

    Kita nyo na ang epekto? Pero kung lahat ng sundalo ay marunong macross stitch, ganito ang magiging usapan nila -

    Sundalo 1: Pre, tapos mo na ba yung tinatahi mong winnie the pooh?
    Sundalo 2: Hindi pa. Pero malapit na din.
    Sundalo 1: Ganun ba? Hiramin ko sana yung pattern eh. Gusto mo mag-coup?
    Sundalo 2: Ayoko pre. Madami pa kong tatahiin eh.

    Kitams?!? Napakalaki ng pagbabagong nadudulot ng cross stitch.

    5. PATAYIN LAHAT NG IPIS - Wala lang. Gusto ko lang.

    Ok. Yan na lang muna. Nagampanan ko na ang aking tungkulin bilang mabuting mamamayan.

    Thursday, March 02, 2006

    A Call to Arms

    Kagabi, dahil sa isang tricycle driver na sa sobrang tanga* eh pedeng-pede ng maging senador, naligaw ako. Napakalayo tuloy ng nilakad ko para lang makarating sa sakayan pauwi sa amin.

    Habang naglalakad, may nakita kong kainan. Medyo nagulat ako sa pangalan ng kainan na yun. At ang post na ito ay para mabigayan ng karampatang babala ang lahat - wag kayong kakain sa restaurant na yun! Sa pangalan pa lang niya ay kaduda-duda na ang uri ng pagkain na ibibigay nila sa iyo. Parang hindi safe na kumain dun. Ang pangalan kasi ng restaurant ay - "BALLS NI KUYA".

    Ngayon, bilang kuya ng aking mga kapatid, hindi katanggap-tanggap ang pangalan na yan. Hindi ako sang-ayon na basta-basta na lang ilagay sa hapag kainan ang aking B***S, or anyone else's B***S for that matter.

    Kaya sa mga katulad kong Kuya:

    Inaanyayahan ko kayo sa darating na Marso a-tres. Tayo ay mag-rarally sa harap ng Restaurant na yun para ipaglaban ang ating mga karapatan! Wag nating hayaan ang mga kapitalista na gamitin ang simbolo ng ating pagkatao at pagkalalake, bilang putahe! That is assuming of course that we have one, errr, two pala.

    *Pero siyempre, mas tanga naman ako ng di hamak.

    Sayang....

    Matagal akong nanahimik. Halos dalawang linggo na ang nakakaraan ng huli akong magpost dito. Hindi dahil sa masyado akong busy. Hindi rin dahil sa walang paraan para makapag-connect ako sa internet. May malalim na dahilan ang pananahimik ko...

    Nitong mga nakaraang araw, wala akong ibang ginawa kundi mag-isip. Iniisip ko ang sitwasyon ng buhay ko ngayon. Pinagbulay-bulayan ko ang mga nagawa kong desisyon. Pinipili ko kung alin sa kanila ang naging tama. At masusi kong hinihiwalay kung alin sa kanila ang mga naging mali. Matagala akong nag-isip. Matagal.....

    Maraming konsepto ang naglaro sa isip ko. Marami akong natuklasan na pagkakamaling nagawa ko. Hindi pala mabilang ang dami ng mga desisyon kong ginawa, na hindi naging tama. At ang masama, ang mga desisyon na yun ay hindi na kailanpaman mai-tatama.

    Sa lahat ng mga tanong na umikot sa utak ko, isa lang ang hindi ko maiwan hanggang ngayon. Isa lang ang patuloy na sumasama sa akin sa paglalakbay ko. Iyon ang tanong na puno ng regret; ang tanong na puno ng sakit at pagdaramdam. Ang tanong na nagmumulto ngayon sa aking pagkatao ay ito - "Bakit kaya hindi ako nag-artista dati?"

    Naisip ko kasi na pedeng-pede naman akong mag-artista. Meron naman akong talento na hindi matatawaran. Qabi ng nanay ko, sobrang galing ko daw maghugas ng pinggan. San ka pa?! May tatalo pa ba sa talento na yun?

    Hindi naman pedeng sabihin na hindi ako pedeng mag-artista dahil medyo may katabaan ako. Aba! Bakit naman si Ike Lozada? Sobrang taba nun pero sikat na sikat siya. Si Dabiana eh mas sikat noon kesa kay Kristine Hermosa. Madami pa akong pedeng banggitin pero hanggang dun na lang.

    Kung nag-artista na lang ako, at least kakamal ako ng limpak-limpak na salapi. Magiging model ako ng mga produkto tulad ng hanger, walis tambo, white flower, folder, art paper, atbp. Magiging milyonaryo sana ako ng ganon ganon lang.

    Pero ngayon ay huli na ang lahat. Iba na ang propesyon ko. Nakakalungkot isipin na napunta ako sa isang propesyon na hindi naman para sa akin. Sayang.....


    Friday, February 17, 2006

    Bakit kailangan ko ng sunugin ang cellphone ko?

    Nung Dec. 23, dahil merong katangahan na dumadaloy sa dugo ko, nawalan ako ng cellphone. Napilitan tuloy akong gamitin ang cellphone dati ni Papa, na unang-una pa naming cellphone. Halos kalahating dekada na ang edad nun, pero ok pa naman daw sabi nila sa kin.

    So, kesa bumili ng bago, at dahil wala naman talaga akong pambili pa, yun na lang muna ang ginamit ko. Actually, hanggang ngayon eh yun ang gamit kong cellphone.

    Noong una eh ok lang naman. Hindi siya kagandahan pero nagagamit naman. Kaya pinagtyagaan ko na. Tutal hindi naman ako masyadong mahilig sa cellphone. Hindi ko naman kasi balak ilaban sa beauty contest yun eh. Hindi kasi ako magastos na tao. Kesa kako mag-ipon ako ng pera para lang sa isang cellphone, gamitin ko na lang sa mas makabuluhan at mapapakinabangan na bagay - tulad na lang halimbawa ng ipod video.

    Anyway, nitong mga nakaraang araw eh hindi ko na yata mapagtyagaan ang cellphone na samsung na yun. At narito ang mga dahilan kung bakit:

    1. Pag may na-receive ako na text, as in receive lang, bigla siyang malolobat. Ganon kalakas ang kanyang baterya. Balak ko nga sana eh palitan ko ang present battery nya. Balak kong palitan ng baterya ng kotse. Kaso, hindi na siya magiging handy pag ginawa ko yun.

    2. Pag gumawa naman ako ng pagkahaba-habang message, oras na i-send ko, at habang "sending" ang message nya sa LCD, biglang malolobat. Sa isang banda, maganda din ang epekto nito kasi nagiging mas madasalin ako. Kasi habang nagpapadala ako ng message, paulit-ulit kong sinasabi ang mga katagang - "Diyos ko, sana umabot..sana umabot...sana umabot."

    3. Baterya ulet. Pag nalobat cia, ciempre i-cha2rge di ba? Pero merong kung anong hiwaga na bumabalot sa cellphone ko, na pagsaksak mo sa kanya sa charger eh fully charged na agad cia sa loob lang ng dalawang minuto. Ang payo nga sa kin, dapat daw eh lagi akong nakadikit sa poste ng Meralco kapag gagamitin ang cellphone ko. Pero parang medyo abala sa akin kung susundin ko ang payo na yun.

    4. Kapag sinuwerte ako at nakatawag, malinaw na malinaw kong naririnig ang boses ng kausap ko. Yun nga lang, wala akong ibang naririnig sa sinasabi niya kundi - "Hello! Hello? Hindi kita marinig?!?" Kahit ano pang sigaw ang gawin ko, hindi niya ata ako naririnig. Madalas tuloy akong maging paos ngayon.

    5. At ang pinakamagandang feature ng cellphone ko ay ito - oras na pumuwesto ka sa may bubong, or may dingding na bagay - na inherent na katangian ng mga building at mga bahay - ay napakahina na ng signal nya. Naiinggit nga ako sa mga katabi kong may cellphone pag ganun. Kasi, habang punong-puno ang signal bar ng kanilang cellphone, ang sa akin naman eh kalahating bar lang, at naghihingalo pa. Pakiramdam ko eh nasa gitna ako ng Pacific Ocean.

    Kaya nagdesisyon na ko! Bibili na ko ng bagong cellphone! Pero teka, wala pa nga pala kong pera. Ok. Binabago ko na ang desisyon na kakasabi ko pa lang.

    Wednesday, February 15, 2006

    Underneath the same old lonely tree

    Sa PLM, merong tambayan na kung tawagin eh UTMT. Ibig sabihin nun eh Under the Mango Tree. Hindi ko alam kung bakit ganun ang tawag dun, pero siguro eh isa sa posibleng dahilan eh dahil sa maraming mangga dun.

    Kapag taga-PLM ka at madalas kang tumambay sa UTMT, ang ibig sabihin lang nun eh wala kang pera para makapanood ng sine sa Robinson's (dati kasi eh wala pang S.M. City Hall). At dahil nga isa kong hampaslupa nuong college, madalas akong tambay sa UTMT.

    Kapag depressed ako, ginagawa ko ding hingahan ng sama ng loob ang UTMT. Dun ako gumagawa ng mga tula, mga kanta, at kung anik anik pa. Kaya tuloy pakiramdam ko noon, nadadamay na sa kalungkutan ko ang mga puno. Parang nakikinita ko na, sa sobrang sagap nila ng sad aura ko, nagiging suicidal na din sila. Kasi, madalas, as in madalas, akong nandun.

    Pathetic.

    Anyway, isa sa mga kantang nagawa ko dun eh ung title ng post ko ngayon. Kasi nga, parang paulit-ulit lang lahat ng nararamdaman ko nung College. Nagawa ko ito dahil sa isang tao na itago na lang natin sa pangalang Maiee (hindi tunay na pangalan, pero tunay na palayaw).

    Iniimbitahan ko ang makababasa sa post na ito, na click ito.

    Makikita nyo sa link na yan ang lyrics at ang mp3 format ng kanta. Sana ay magkomento kayo kung ano ang tingin nyo sa kanta. Lahat ng magandang comment ay i-post ko dito. Salamat. Kung panget naman ang kanta, sabihin nyo lang din. Hindi ko na lang i-aaprove. Fair kasi ako. Gusto ko eh tama ako lagi.

    Tuesday, February 14, 2006

    Bakit araw lang ng mga puso?

    Ngayon ay araw ng mga puso. Samakatuwid eh maraming magsing-irog ang magsasama ngayon at manonood ng sine, kakain sa labas, o kaya naman ay pupunta sa baywalk para tumambay. Meron ding mangilan-ngilan na pupunta sa Luneta siyempre. Ako naman, simple lang ang gagawin ko ngayong araw ng mga puso. Gagawin ko lang ang madalas kong gawin tuwing Valentine's Day, at iyon ay walang iba kundi magkulong sa kuwarto at magpaka-bitter.*

    Ngayong araw ng mga puso eh marami ang hyper ang mga emosyon. Bihira ang nag-iisip ngayon. Kaya nandito ako para maging taga-balance ng lahat. Meron kasi akong mga bagay na naiisip na nais kong i-share. Ng sa gayon eh hindi naman puro puso na lang ang napapansin ngayong araw na ito.

    Nagtataka kasi ako kung bakit, sa dinami dami ng parte ng ating katawan, puso lang ang nabigyan natin ng espesyal na araw. Parang violation ata yun ng equal protection clause na nasa ating konstitusyon. Kaya ang suggestion ko sana, bigyan din ng karampatang atensyon ang mga parte ng ating katawan na importante din naman sa ating buhay. Kasi, hindi lang naman puso ang kailangan para mabuhay.

    Anyway, nandito ang ilan sa mga araw na pedeng gawing official holiday ng ating gobyerno, upang maalis ang mapaniil na sitwasyon ngayon. Itigil na ang special treatment na binibigay sa puso! Dahil pede din namang.....

    January 14 - Araw ng mga Gilagid

    February 21 - Araw ng mga Baga

    March 15 - Araw ng Wisdom Tooth

    April 11 - Araw ng mga Utak

    May 13 - Araw ng mga Apdo

    June 10 - Araw ng mga Kuko

    June 11 - Araw ng mga in-grown

    July 8 - Araw ng mga Small Intestines

    August 7 - Araw ng mga Large Intestines

    September 2 - Araw ng mga Buhok sa Ilong

    October 1 - Araw ng mga Atay

    November 21 - Araw ng mga Appendix

    December 3o - Araw ng mga Tuhod

    ...hindi ko na nasulat lahat dahil konti lang ang mga alam kong parte ng katawan. Hindi naman kasi ako doktor eh.

    Happy Valentine's day sa lahat....lalo na sa akin.

    *Joke lang. Hindi naman ako ganoon ka-bitter. Ang totoo eh maglalasing lang ako ngayon.

    Friday, February 10, 2006

    Almusal

    Eksena kaninang umaga...
    .
    Mama: Pen, kakain ka ba?!?

    Ako: Ciempre naman. Nde naman ako cellphone na ichaharge lang.

    Mama: Ok. Magluluto na lang akong pansit canton.

    Ako: Mama naman, alam mo namang nagdyeyeta ako eh. Nakakataba ang pancit canton kasi meron iyang starch.

    Mama: Eh yung lomi?

    Ako: Mama, ganun din yun. Mas madami pa nga yata yung starch.

    Mama: Meron ditong porkchop, prito ko na lang ok ba?

    Ako: YAN ANG THE BEST!!! Walang starch ang pork chop kaya hindi yan nakakataba.

    Tuesday, February 07, 2006

    If I were a Congressman

    Republic of the Philippines
    Congress of the Philippines
    Metro Manila
    Twelfth Congress
    Third Regular Session


    Begun and held in Metro Manila, on Tuesday, the second day of February, two thousand and five.

    Republic Act. No. 1414

    AN ACT PROHIBITING THE CELEBRATION OF
    VALENTINE'S DAY, PROVIDING PENALTIES THEREFOR,
    AND FOR OTHER PURPOSES

    Be it enacted by the Senate and the House of Representatives of the Philippines
    in Congress assembled

    SEC. 1. Short Title.- This Act shall be known as the "Anti-Valentine's Law of 2006".

    SEC. 2. Declaration of Policy.- It is hereby declared that the State values the dignity of single and bitter citizens, who probably constitute majority of the population. The State recognizes the right of the unhappy to remain unhappy.

    Towards this end, the State shall hereby exert all efforts to prevent the abovementioned citizens from seeing happy people celebrate Valentine's day. The State shall ensure that all efforts will be made to stop bitter citizens from becoming, well, "bitterer".

    SEC. 3. Definition of terms. -

    a. Valentine's day - shall refer to February 14, and the day after that.

    b. Bitter people - shall refer to single individuals who do not have partners on Valentine's day, or 6 months prior to the said date.

    c. PDA - shall refer to Public Display of Affection.

    SEC. 4. Prohibited Acts.- On Valentine's day, and 2 months prior thereto, the following acts shall be prohibited:

    a. Asking a bitter individual who is his/her date for Valentine's Day. Unless the person who asks, has a reasonable ground to believe that the single individual will have a good chance of acquiring a date.

    b. Performing PDA's within the sight of the bitter individual.

    c. Playing love songs within the hearing distance of the bitter individual.

    d. Other acts that are related to the celebration of Valentine's day.

    SEC. 4. Penalties.- Violation of this Act shall be punished with the mandatory sentence of life imprisonment; and a fine ranging from P50,000 to P1,000,000, at the discretion of the Court.


    Post of silence

    Nag-iisip ako ng isusulat na reaksyon tungkol sa nangyaring stampede sa ultra. Marami na siguradong nagsulat ng post tungkol dun. Lahat tayo ay may sariling opinyon kung sino ang dapat sisihin sa nangyari. Kung ako ang tatanungin, meron din akong ideya kung sino ang dapat managot. Pero hindi ko iyon isusulat dito. Lilimitahin ko lang ang reaksyon ko sa mga sumusunod na pangungusap:

    Madaling sisihin ang korporasyon na nag-capitalize sa kahinaan ng mga mahihirap. Mas lalong madaling sisihin ang mga mahihirap na nagpunta dun sa Ultra at umasang makakakuha ng premyo. Ang hindi madaling gawin eh ang alamin ang katotohanan. Dito kasi sa Pilipinas, ang katotohan ang pinakamailap - ang katotohan ang pinakamahirap makira.

    Para sa mga namatay....

    Para sa mga namatayan...

    Para sa mga nasaktan.....

    Sana ay hindi itago sa inyo kung ano ang totoo. Sana, kahit sa pagkakataon lang na ito, ang katotohanan ay hindi ipagkait sa inyo. Yun na lang ang premyong pede nyong makuha.

    Sana talaga...

    Wednesday, February 01, 2006

    Post ng Puyat

    Tama ang hula ko sa post ko kahapon.....

    zzzz.....zzzz......zzzzzz.....zzzz

    Alas-kuwatro ako nakauwi sa bahay....

    zzzz.......zzzzzzz.........zzzzzzzzz

    Gumising ako ng alas-sais......

    zzzzz.......zzzzzzz.........zzzzzzzz

    Samakatuwid ay kulang tatlong oras lag ang tulog ko.....


    zzzzz.........zzzzzz.........zzzzzzzzz

    Magbabayad akong mahala para lang makakumpleto ng tulog dahil mamaya....

    zzzzzzz........zzzzzzzz........z.zzzzzzzzz

    ....malamang ay ganun pa din.

    Moral Lesson: Pede ako maging security guard ng call center.

    Tuesday, January 31, 2006

    Anticipated Insanity

    Nararamdaman ko na aabutin ako ng madaling araw dito sa opisina ngayon. Katulad nung nakaraan, mukhang alas-dos ako makakauwi. Madami ang kailangan kong tapusin para manatili akong parte ng opisinang ito. Kundi eh, sabi nga ni Ichan, deadcock ako.

    Pero bakit ako nagsusulat pa ng pang-post kung meron pa kong tapusin? Ewan ko din. Palagay ko eh dahil alam ko na kapag nagsimula na kong magtrabaho, masisira na naman ang ulo ko sa kakaisip. Kaya bago ako matuluyang masiraan ng bait, at mawalan ng ulirat, gawin ko muna ito.

    Kaninang umaga eh galing ako sa Pre-Trial ng kaso ni Yoyoy. Hindi ko akalain na masasaktan pala ko sa maririnig ko dun. Kasi, gusto nang aregluhin ang kaso nya. May offer ang kalaban at tinanggap naman ng tyahin ko.

    Nasaktan ako kasi kung pag-usapan nila si Yoyoy eh parang commodity. Tawaran at taasan ng presyo. Buhay yun ng pinsan ko! At, sa isang parte, buhay ko din yun. Dahil ng nawala siya, may parte ng pagkatao ko ang nawala kasama nya. Para sa akin, hindi kayang bayaran ng pera yun. Hindi kayang bayaran ng kahit na sino.

    Hindi ako galit sa tyahin ko. Alam ko na kailangan na talaga nila ng pera para makapagsimula ulit. Naiintindihan ko ang sitwasyon nila. At bilang mga kliyente ko din, obligasyon ko na sundin ang kagustuhan nila. Kung gusto nilang aregluhin, desisyon nila yun. Wala akong magagawa.

    Pero hindi ko matanggap na ganun na lang kadali...

    Siguro dahil yung pinagdaanan ko, at patuloy na pinagdadaanan ngayon, hindi naging madali. Napakahirap bigyan ng presyo ang mga alaala ng dati, at ng mga saya na hindi ko na kailanman mararanasan ng kasama si Yoyoy.

    May mga oras na naluluha pa din ako pag naaalala ko si Yoyoy. Mahigit apat na taon na ang nakakaraan mula ng mawala siya. Pero hanggang ngayon eh nandun pa din yung espasyo na iniwan nya sa puso at isip ko, na sa tingin ko ay hindi na pedeng punan. Mahirap ipaliwanag. Corny sa mga hindi nakakaintindi. Pero yun ang totoo.

    Kaya ganun na lang ang epekto sa akin ng mga naririnig ko kanina. Handa akong dalhin ang kaso kahit saan. Handa kong ipaglaban si Yoyoy hanggang sa abot ng makakaya ko. Kaya kong gawin yun dahil alam ko na yun din ang gagawin nya para sa akin - siguro nga eh mas higit pa.

    Kaso wala na sa mga kamay ko ngayon. Nagdesisyon na sila. Sana maintidihan ng pinsan ko kung bakit nagkaganun. Dahil kulang ang talino ko para maipaliwanag yun sa kanya, pagdating ng oras na magkita kami ulit.



    Sunday, January 29, 2006

    Love Story

    Nandito ko sa opisina kahit linggo. Nagpapakabayani kami ng mga kasama ko dito. Nagdecide kasi kami na kailangang magkaroon ng general cleaning dito sa office. Kaya nandito kami para mag-vacuum atbp.

    Tinitingngan ko yung mga dati kong posts dito. Natawa ko sa mga dati kong pinagsusulat na kadramahan. Kung tutuusin pala, buo ang love story ko dito sa blog na ito. Kaya naisip ko nga na buuin sa isang post. Sa mga trip makabasa ng love story ng isang payaso, click nyo ang mga link sa baba ayon sa pagkakasunod-sunod.

  • Part One

  • Part Two

  • Part Three

  • The End

  • Masaya din na balikan yung dati. Paminsan-minsan, healthy din naman na pag-isipan ang mga bagay na tapos na. Lalo na kung wala namang bitterness o kung ano pa man.

    Sa'yo, maraming salamat....

    NO REGRETS...

    :)

    Wednesday, January 25, 2006

    The Last Time

    Wala akong maisip na i-post ngayon. Pero gusto kong mag-post eh, bakit ba?!? At dahil nga wala akong maisip, gusto ko lang ilagay dito ang isang kanta na madalas kong pakinggan ngayon. Ito ay kinanta ni Eric Benet.....

    "The Last Time"

    The first time I fell in love was long ago.
    I didn't know how to give my love at all.
    The next time I settled for what felt so close.
    But without romance, you're never gonna fall.
    After everything I've learned;
    Now it's finally my turn.
    This is the last time I'll fall... in love.

    The first time we walked under that starry sky,
    there was a moment when everything was clear.
    I didn't need to ask or even wonder why,
    because each question is answered when your near.
    and I'm wise enough to know when a miracle unfolds,
    this is the last time i'll fall in love.

    Now don't hold back, just let me know.
    Could i be moving much too fast or way too slow.
    'Cause all of my life, I've waited for this day.
    To find that once in a lifetime, this is it, I'll never be the same.
    You'll never know what it's taken me to say these words.
    And now that I've said them, they could never be enough.
    As far as I can see, there's only you and only me.

    This is the last time I'll fall in love.
    Last time i'll fall in love.
    The last time i'll fall... in love.

    Hmmm.....balang araw magiging theme song ko din ito. Pansamantala, "Lupang Hinirang" muna ang theme song ko.